Ikinabigla ng Guro ang Muli Nilang Pagkikita ng Estudyanteng Minaliit at Pinahiya Niya Noon, Nanlaki ang Mata Niya nang Malamang Matagumpay na Ito Ngayon
Bumunot si Mrs. Del Pilar ng isang index card at binasa ang pangalan ng estudyanteng nakasulat doon. “Carlito Manansala? Stand up.” mataray na wika niya. Dahan dahang tumayo ang isang nanginginig na binatilyo sa likuran. “Ma’am?” sabi dito. “Present your homework, i-share mo sa amin ang insights mo.” utos niya rito. Naglakad naman ito papuntang unahan, bagamat halatang kinakabahan. Kanina lang kasi yata nito ginawa ang homework. Nagsalita ito sa unahan, binasa ang sa tingin ni Mrs. Del Pilar ay walang kwentang homework, sa flow ng mga salita ay hindi man lang pinag isipan. “Tapos na?” tanong niya nang tumigil na sa pagsasalita ang ngayo’y nakatungo nang binatilyo. “P-pasensya na po kayo Ma’am, biglaan po kasi.. t-tinulungan ko pa po kasi ang nanay kong maglako ng avocado..” mahinang sabi nito. “Mga dahilan mo hijo, wala kang mararating sa buhay kung hindi ka magfo-focus sa pag aaral, lalo pa’t ganyang mahina ang ulo mo dapat mas makinig ka. Umupo ka na.. maiintindihan mo ang sinasabi ko sayo pagdating ng panahon, galingan mo kasi mahina ang ulo mo.” pamamahiya niya dito. Tumalima naman ang napahiyang estudyante at bumalik na sa upuan. Makalipas ang ilang taon. “Nay, gising please. Nanay.. wag mo kaming iwan.” iyak ng anak ni Mrs. Del Pilar, nasagasaan kasi ang matanda kaninang umaga habang pauwi siya mula sa pamamalengke. Maraming taon na ang nakalilipas nang mag-retire siya sa pagiging guro. Lupaypay ang payat na katawan niya dahil sa mga sugat na tinamo mula sa aksidente. Wala rin siyang malay at 50/50 ang chance na mabuhay. Habang itinatakbo sa emergency room ay walang tigil ang iyak ng anak niya. Pagdating doon ay agad kumilos ang mga nurse at ang doktor. “Doc, kayo na hong bahala sa nanay..” halos pagmamakaawa ng babae. Isinara na ng mga nurse ang kurtina at sinimulan nang gamutin ang pasyente. Makalipas ang isang araw ay unti unting idinilat ni Mrs. Del Pilar ang kanyang mga mata, medyo nasisilaw pa siya sa liwanag. Naroon ang kanyang anak na naluluhang nakatingin sa kanya. “Roselle?” tawag niya rito. “Nanay, kumusta ang nararamdaman mo?” tanong ng anak niya. “Nahihilo ako, ano ba’ng..” akmang tatayo siya nang biglang humapdi ang mga sugat. “Higa ka muna. Na-hit and run ka noong papatawid ka sa highway malapit sa palengke, wag kang mag alala tinutugis na ang nakabundol sayo.. Buti na lang magaling ang doktor nanay kung hindi ay nawala ka na sa amin.” paliwanag ni Roselle sa matanda. Magsasalita pa sana ang matanda nang biglang pumasok ang nurse at doktor. Agad na chineck ng nurse ang patak ng dextrose niya at nagsulat sa folder na hawak nito. Habang ang doktor naman ay may face mask, lumapit ito sa matanda. “Kumusta ang nararamdaman mo Ma’am?” tanong nito. Hindi alam ni Mrs. Del Pilar pero parang pamilyar sa kanya ang mga mata nito, o baka naman kasi naninibago siya dahil matagal na panahon na ang nakalipas nang may tumawag sa kanya ng ‘Ma’am’. “A-ayos naman ho doktor..” sagot niya rito. “Ma’am, sana po napatunayan ko sa inyong may narating ako.” sabi nito. “Ha?” nagtatakang tanong niya. “Pero salamat pa rin dahil na-challenge ako ng pangmamaliit ninyo noon.” pagpapatuloy nito at hinubad ang facemask. “C-carlito?” nagulat na wika niya. “Carlito Manansala, mahina ang ulo… walang mararating.” pabirong wika nito. Natawa naman si Mrs. Del Pilar dahil nakuha pa nitong biruin siya sa kabila ng mga sinabi niya noon. Humingi siya ng tawad sa doktor, napahiya rin siya sa kanyang sarili dahil ang batang pinahiya niya noon ang siya pa palang magliligtas sa buhay niya ngayon. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.