Patuloy na Umibig ang Lalaking Ito sa Matalik na Kaibigan na Hindi Magawang Suklian ang Pag-ibig Niya
Nakita na naman ni Eric ang pagragasa ng mga luha mula sa bilugang mata ni Miranda. Malamang ay nahuli na naman niya ang kaniyang pinakamamahal na nobyo na may kinakalantari na ibang babae. Hindi niya maintindihan kung bakit ayaw nitong kumalas sa karelasyon.
Simula noong maging sila puro pasakit lamang ang ibinibigay ng lalaki sa kaniya. Kung siya ang nasa lugar ni Miranda ay matagal na siyang nakipaghiwalay sa nobyo nito. Ngunit talagang bulag ang pag-ibig kung minsan. Kahit anong pangungumbinsi ang gawin niya sa dalaga ay wagas ang pag-ibig na nararamdaman nito sa nobyo.
Matagal ng magkaibigan sina Eric at Miranda. Magkasundo sila sa lahat ng bagay maliban sa isa, ang puno’t dulo ng kalungkutan ng dalaga.
Lingid sa kaalaman ng dalaga ay matagal nang umiibig sa kaniya si Eric. Gayon pa man ay bulag siya sa nararamdaman nito sa kaniya. Ilang beses nang tinangka ni Eric na sabihin ang nilalaman ng kaniyang puso pero sa tuwing masayang nagkwekwento ang dalaga tungkol sa kaniyang iniirog ay pinanghihinaan siya ng loob. Batid niya na malayong dumating ang panahon na ibabaling ni Miranda ang puso nito sa kaniya. Tanging kaibigan lamang ang turing nito sa kaniya.
Palaging nasasaktan si Eric sa tuwing nakikita niya ang dalawa na naglalambingan. Upang hindi tuluyang mawasak ang kaniyang puso ay umiwas siya kay Miranda. Mas lalo siyang naging subsob sa kaniyang trabaho. Umaasa siya na sa ganitong paraan ay mapipilitan siyang huwag isipin ang dalaga ng sa ganoon ay unti-unting maglalaho ang kaniyang nararamdaman para dito. Ngunit nagkamali si Eric. Mas lalo niya lang pinahirapan ang kaniyang sarili dahil sa paglipas ng panahon ay lalo lang niyang hinahanap ang presensiya ni Miranda.
Sa bandang huli ay si Eric din ang hindi makaiwas kay Miranda lalo na nung tinawagan siya nito noong minsang naglasing ito sa isang bar. Hindi niya kayang balewalain ang dalagita lalo’t may mabigat itong pinagdadaanan. Tulad na dati ay siya ang nagiging sandalan nito sa pagharap sa mga problema. Siya ang nagpapahid sa bawat luhang pumapatak mula sa mga mata nito. Siya ang nakikinig tuwing nangangailangan ito ng mapaglalabasan ng sama ng loob. At higit sa lahat, siya lamang ang bukod tanging humahagod sa napapagod nitong puso.
Walang magawa si Eric kung hindi tahimik na tiisin ang bawat pasakit na kaniyang nadarama. Sadyang mahirap pigilin ang umuusbong niyang pag-ibig sa dalagita.
Habang tumatagal ay lalong lumalalim ito at kaakibat nito ay ang dobleng sakit na patuloy na sumasaksak sa sugatan niyang puso. Sadya din mahirap turuan ang puso ni Miranda na magmahal ng iba. Na sa kabila ng pananakit sa kaniya ng kaniyang minamahal ay hindi nito kayang bumitiw at tuluyang iwanan ang nobyo.
Dali-daling nilapitan ni Eric si Miranda para muling pahiran ang kaniyang mga luha. Mahigpit niya itong niyakap para ipadama dito na handa siyang damayan ito sa pasakit na patuloy na bumabagabag sa kaniyang nagdurugong puso.
Sa bawat paghagod niya sa balingkinitan nitong likod ay umaasang kahit papaano ay maiibsan kahit kaunti ang pighati ng dalagita. Hinayaan niyang ibuhos nito sa kaniya ang lahat hanggang sa gumaan ang pakiramdam nito.
Sa kabila ng sakit na nadarama ng kaniyang puso ay isinantabi ito ni Eric para ganap niyang matulungan si Miranda. Mahalaga para sa kaniya na maibsan ang kalungkutan nito. Handa siyang tulungan ito na makanahap ng solusyon para muling manumbalik ang dating matamis na pagmamahal sa kaniya ng kaniyang nobyo.
Gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya para matulungan itong mapanatali sa kaniyang tabi ang minamahal ng sa ganoon ay hindi na nito magawang maghanap pa ng iba.
Mahalaga para kay Eric na makitang masaya at palaging nakangiti si Miranda. Tuwing maligaya ang dalagita ay maligaya din siya. Tuwing nasasaktan ito ay doble ang sakit na kaniyang nararamdaman. Hindi na mahalaga kung hindi mabaling ang pagtingin nito sa kaniya. Hindi na mahalaga kung nasa piling ng iba ang kaniyang iniirog.
Hindi na mahalaga kung patuloy na masasaktan ang kaniyang puso. Hindi niya ito iiwan ano man ang mangyari. Hindi na mahalaga kung habang buhay niyang itatago dito ang kaniyang nararamdaman. Isa lang ang mahalaga sa kaniya, ang pagmamahal niya kay Miranda. At walang sawa niyang ipapadama sa dalagita ang kaniyang nararamdaman kahit kaibigan lang ang turing nito sa kaniya.
Hanggang kailan patuloy na mamahalin ni Miranda ang kaniyang babaerong boyfriend? Kung sakaling hiwalayan niya ang kaniyang nobyo, may pagkakataon bang mahalin niya din si Eric? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.