Inday TrendingInday Trending
Labis ang Ligaya ng Dalaga nang Matanggap Bilang Masahista, Hindi Niya Alam na Ibang Klaseng Masahe Pala ang Hihingin sa Kanya ng Matatandang Parokyano

Labis ang Ligaya ng Dalaga nang Matanggap Bilang Masahista, Hindi Niya Alam na Ibang Klaseng Masahe Pala ang Hihingin sa Kanya ng Matatandang Parokyano

Ilang taon na rin magmula nang iwan ng kanilang ama ang mag-inang si Annie at Mina. Pilit na itinaguyod ni Annie ang pag-aaral ng nag-iisang anak, ngunit tila mapaglaro ang tadhana nang bigla siyang magkaroon ng karamdaman.

Dahil sa labis na awa at pagmamahal sa kanyang nanay, nagdesisyon ang hindi pa nakapagtatapos sa pag-aaral na si Mina na maghanap ng trabaho upang makabayad sa mga gastusin sa gamot ng ina.

Hindi naging biro ang paghahanap ng trabaho ni Mina. Nasa wastong edad na siya ngunit karaniwang hanap ng mga kompanya ay ang mga nakapagtapos na ng pag-aaral. Ilang kompanya na rin ang tumanggi sa dalaga kaya naman halos mawalan na ito ng pag-asa. Kaya naman labis ang kanyang tuwa nang matanggap bilang isang masahista sa isang spa malapit sa kanila.

“Mama! Magandang balita po, may trabaho na po ako!” nakangiting balita ni Mina sa nakahigang ina.

“Ta– talaga? Mabuti naman. Iingatan mo ang sarili mo ha? Kapag gumaling na si mama, hindi mo na kailangan pang magtrabaho muli,” nanghihinang tugon ni Annie.

“Huwag kang mag-alala, mama. Mabait po ang boss ko,” pagpapagaan ni Mina sa loob ng kanyang butihing ina.

Kinabukasan, maagang nagsimula si Mina. Tinuruan muna siya ng ilang masahista kung paano ang tamang teknik sa pagmamasahe. Matalinong bata si Mina kaya naman agad niyang natutunan kung paano ang kanyang trabaho.

“O, hija, simula na ng trabaho mo mamaya. Unang habilin ko ha, huwag mong kalilimutan,” wika ni Grace.

“Yes, mam. Rumespeto po sa mga kliyente at kostumer,” nakangiting tugon ng dalaga.

“O sige, magpahinga ka muna. Anim na oras muna ang shift mo ngayon dahil unang linggo mo pa lang naman,” bilin nito sa kanya.

Maya-maya pa ay dumating na ang unang kostumer na mamasahihin ni Mina. Isang matandang nasa 68-taong gulang ang nakangiting pumasok at bumati pa sa kanya.

“Bago ka rito? Magandang hapon. Magsimula na tayo?” bati nito sa kanya.

“Opo. Sige, sir. Dito na lang po,” nakangiting tugon naman ni Mina.

Matapos ang isang oras at natapos nang masahihin ni Mina ang matanda. Tuwang-tuwa ito sa kanya at binigyan pa siya ng tip na isang libong piso.

Dahil masipag at matiyaga, nakita agad ng boss ni Mina ang mga pagsisikap ng dalaga. Napakarami ring parokyano ang natutuwa sa masahe ng dalaga. Kaya naman makalipas lamang ang dalawang linggo ay naisipan na siyang i-promote nito.

“Mina! Gusto sana kitang makausap. Napakaraming kliyente ang gustong-gusto ng serbisyo mo. Kaya naman aalukin kita ng mas mataas na sweldo kapalit ng dagdag na serbisyo,” anito.

“Wow! Talaga po? Oo naman boss. Kahit ano pa ‘yan, kakayanin ko!” tuwang-tuwang sagot ni Mina.

“Sigurado ka ba, hija? Extra service ito ha?”

“Opo. Wala pong problema. Mas gagalingan ko pa po.”

Dahil lumaking inosente sa mga bagay-bagay, hindi alam ni Mina ang pinasok niya. Nalaman lamang niya ito nang bumalik ang kanyang kauna-unahang kliyente.

“O, Mina! Balita ko ay na-promote ka na. Ako na ata ang pinakamasayang kliyente mo,” nakangiting sambit ng matanda.

“Talaga po? Mabuti naman. Gagalingan ko po. Halika’t magsimula na po tayo.”

Kalahating-oras na ang nakalipas at tahimik na nagmamasahe si Mina, nang biglang hinawakan ng matanda ang kanyang pwet.

“Tara na, Mina. Ang tagal naman ata ng extra service mo!” wika ng naiinip nang matanda.

Nanlaki ang mga mata ni Mina sa gulat. Sa takot ay nahampas niya ng malakas sa braso ang matanda.

“Aray ko! Ay, ganyan ba ang gusto mo? May kaunting sakitan? Hehehe,” nakangising sabi ng matanda.

“Ha?! Ano bang sinasabi mo? Layuan mo ako!” sigaw ni Mina habang pilit na kumakawala sa mahigpit na pagkakahawak nito sa kanyang braso.

Nang makawala, agad tumakbo si Mina papalabas upang magsumbong sa kanyang boss.

“Mam! Si sir po, nangmamanyak!” iyak ng dalaga.

“Ha? Ano bang pinagsasasabi mo? Hindi ba pumayag ka noong nag-usap tayo?”

“Pu- pumayag? Saan po?”

“Sa extra service! Diyos ko! ‘Wag mong sabihing hindi mo naintindihan?”

“Hi- hindi… Pasensya na po. Ayoko po. Binabawi ko na po.”

“Binabawi? G*ga! Hindi pwede ‘yon! Hindi mo ba alam na si sir ang isa sa pinakamayamang kliyente natin? Bumalik ka doon! Tapusin mo ang pinasok mo,” sigaw ni Mam Cora sa kawawang dalaga.

“Ayoko po! Hindi. Ayoko!”

Pilit kinaladkad ni Cora si Mina pabalik ng silid, ngunit wala na itong nagawa nang makakawala ang dalaga. Agad itong tumakbo palabas at hindi na nahabol pa ni Cora.

Umuwing luhaan ang dalaga sa kanyang ina.

“Mama! Marumi pala ang negosyo nila! Nandidiri po ako. Muntik na po nila akong babuyin,” iyak ni Mina.

Ikinwento niya nang buo ang lahat sa kanyang ina. Halos himatayin naman sa galit itong si Annie. Nagpasya silang lumapit sa Public Attorney’s Office upang humingi ng tulong. Ngunit hindi nila inaasahan na higit pa sa kanilang inaasahan ang makukuha.

Nakilala nila ang abogadong si Mrs. Moreno na agad silang tinulungang magsampa ng kaso matapos marinig ang kanilang panig.

“Handa akong tulungan ka sa abot ng aking makakaya,” ‘ika ng mabait na abogado.

At hindi nga nabigo ang mag-ina. Lubos silang tinulungan ng abogado upang magsampa ng kaso at reklamo laban sa spa na pinagtrabahuhan ni Mina. Napag-alaman din na maraming menor de edad ang pilit na pinagtatrabaho at pinagbebenta ng katawan sa spa na iyon upang magbigay ng aliw sa matatandang parokyano.

Sinugod ng pulisya ang spa at huling-huli sa akto ang lahat ng kalaswaan sa lugar na iyon. Agad namang nabigyan ng hustisya ang mga kababaihang napilitang magbenta ng katawan sa pamimilit ng ginang na si Cora.

Napag-alaman din na marami na palang reklamo noon pa sa lugar na iyon. Mabuti na lamang at ngayon ay tinutukan na ito ni Atty. Moreno.

Malaki ang pasasalamat ng mag-ina sa tulong ni Atty. Moreno. Ngunit hindi pa pala doon natatapos ang kabutihan nito. Inalok din niya ang mag-ina na pag-aaralin niya ang dalaga hanggang makatapos ng kolehiyo. Nagsikap naman si Mina na makatapos ng pag-aaral, at matapos ang apat na taon ay nag-uwi ng sangkatutak na karangalan. Isa pa ay ipinagamot din nito ang karamdaman ng inang si Annie.

Tuwang-tuwa si Atty. Moreno sa sipag at tiyaga ni Mina. Kaya naman kinuha rin niya ito bilang assistant sa kanilang opisina.

Magmula noon ay nabuhay ng maganda ang mag-ina. Natutunan ni Mina na kahit ano pang pait ng mga pangyayari, kung may sipag, tiyaga, at pananalig ay makakamtan din ang hustisya at tagumpay sa buhay.

Advertisement