Inday TrendingInday Trending
Ibinugaw ng Nanay na Ito ang Anak na Makipagrelasyon sa Matandang Foreigner Upang Guminhawa ang Kanyang Buhay, Isang Trahedya ang Pumukaw sa Natutulog Niyang Konsensya

Ibinugaw ng Nanay na Ito ang Anak na Makipagrelasyon sa Matandang Foreigner Upang Guminhawa ang Kanyang Buhay, Isang Trahedya ang Pumukaw sa Natutulog Niyang Konsensya

Kung ang ibang nanay hangad ay mapabuti ang anak kaya ito pinag- aaral, iba si Eva. Wala siyang ibang inisip kung hindi ang ikagiginhawa ng kanyang katawan. Kaya niya pinagtapos ang anak sa kolehiyo ay para sa pansariling interes, tingin niya sa dalaga ay investment. Oo nga naman, kapag may magandang trabaho na ang anak na si Nelza ay maibibigay na nito ang mga luho niya. “Ako naman ang bayaran mo, pinag-aral kita at pinakain ha, nako ibalik mo yan.” sabi niya sa anak isang gabing naghahapunan sila. “Ma, alam ko naman yun. Di mo naman kailangang ulit-ulitin sa akin.” sabi ng dalaga, malaki ang pasasalamat niya at pinag aral siya ng ina, hindi niya naman inasahang kaakibat noon ay ang araw araw nitong panunumbat sa kanya ng mga nagawa nito. “Baka nagkakalimutan lang, mabuti na ang sigurado.” mataray na sagot ng babae sa anak, sabay irap. Ang totoo ay humahanap lang siya ng tyempo, noong nakaraang linggo kasi ay dumating ang kumare niya mula sa England. Nakapag- asawa kasi ng foreigner ang anak nito at dinala na ito doon, umuuwi na lang sa Pilipinas para magbakasyon. Napag-isip-isip ni Eva na kung hihintayin niya ang pagyaman sa 20,000 pesos na sahod ni Nelza buwan buwan ay baka matanda na siya wala pa rin siyang nararamdamang ginhawa. Tinitigan niya ang anak, maganda ito. Makinis at maputi ang balat, matalino rin ang dalaga. Tiyak niyang maraming mabibighani rito. Isang picture pa nga lang nito ang ipinadala niya sa foreginer na inirereto rito ng kumare niya ay atat na atat na ang lalaki. Napaismid siya, saka muling nagsalita. “Anak, nga pala. Feeling ko time na para magka-boyfriend ka.” panimula niya. “Wala ho sa isip ko yan, marami pa tayong bayarin.” sabi ng dalaga. “M-makakapaghintay naman yan. May ipapakilala ako sayo, mayaman to. Jackpot tayo dito anak.” sabi niya. Nanlaki naman ang mata ng dalaga, di nito akalaing magagawa itong ibugaw ng sariling ina. Walang nagawa ang dalaga kung hindi sumunod sa kanyang ina. Palagi nitong ipinamumukha sa kanya ang utang na loob kaya naisip niyang baka ito na nga lang ang paraan para makabayad siya at tumigil na ito. Mabilis lumipas ang ilang buwan at oras na para pumunta si Nelza sa England. First time niyang makikita sa personal ang matandang foreigner na inirereto sa kanya bagamat nakaka-chat na niya ito. Ah mali, nanay niya pala ang nagcha-chat dito gamit ang pangalan niya. Ayaw umuwi ng lalaki sa Pilipinas, gusto nito ay siya ang pumunta doon. Natatakot man siya ay pinilit siya ng kanyang ina, bilisan niya na raw para makuha niya na rin ito. Hindi niya inasahang peligro pala ang dadatnan sa England. Makalipas ang halos isang buwan. Pulang pula sa galit si Eva dahil ayon sa kanyang kumare umuwi na daw ang anak niya, nasa ospital ito ngayon. Nagtataka man ay sumakay agad siya ng taxi para makita ito. Humanda ka sakin Nelza ka, sa isip isip ni Eva. Sinasayang nito ang pagkakataon niyang yumaman. Agad niyang ipinagtanong sa nurse ang pangalan ng anak, nagulat siya nang sabihin nitong nasa ICU ang dalaga. Pagpasok niya roon dinatnan niya ang isang babae na nasa gilid, sa kama naman ay nakaratay ang kanyang anak at kalunos lunos ang sinapit nito. Namamaga ang mata, may sugat sa labi, bali ang binti at puno ng pasa ang buong katawan. Nagsalita ang babaeng nasa gilid ng kama. “D-di ko po siya kilala. Nakita ko lang sa airport, narinig kong nag aaway sila ng matandang foreigner dahil ayaw makipaghiwalay, tapos pinagbubugbog po siya. Buti nakatawag kami agad ng pulis.” Tulala si Eva. Kasalanan niya lahat ng ito, kung hindi niya pinwersa ang anak na pakisamahan ang foreigner para yumaman siya ay di sana ito mangyayari sa kanyang anak. Noon din ay naisip niya kung gaano siya naging walang kwentang ina.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement