Hindi Inakala ng Nanay na Labis Daramdamin ng Anak na Dalaga ang Pagbulyaw Niya Rito Dahil sa Mababang Grades, Huli na Ang Lahat Nang Matuklasan Niyang Sumuko na ang Anak

Galit na inihagis ni Ann Marie ang card ng 18 anyos niyang panganay na si Jeline. Kahit paulit ulit niyang pagsabihan ay talagang hindi tatatak sa kukote nito na nagkamali ito ng desisyon sa piniling kurso.

“What?! Proud ka pa? Ipapakita mo sa akin 1.5? anong klaseng grade yan? Sinabihan na kasi kitang Business Management ang kunin mo para makatulong ka sa negosyo, ipinipilit mo pa yang Fine Arts, ayan wala kang nahita. Kahihiyan!” bulyaw niya sa dalaga.

“M-ma, 1.5 po sunod na pinakamataas sa mga grade, akala ko po matutuwa kayo.” nakatungong sabi nito.

“Yun na nga! Sunod sa pinakamataas, bakit hindi mo gawing pinakamataas? Hindi mo kaya?” panghahamon niya rito.

Tahimik na umakyat sa kwarto ang anak, matalim na buntung hininga naman ang pinakawalan ni Ann Marie. Hindi niya lubos maisip kung paano pa nasabi ng anak niya kanina na SURPRISE iyon, samantalang wala naman palang kwenta ang ipapakita nito. Si Ann Marie ang pinakamatalino sa klase niya noon kaya dapat lang ay ganoon din ang anak niya.

Kinagabihan, pagkatapos magluto ng babae ng hapunan ay tinawag na niya ang dalawa pang anak para maghapunan, maya maya lang ay darating na ang mister niya.

“Kyle, tawagin mo ang ate Jeline mo sa kwarto kakain na kamo wag na siyang aarte arte.” sabi niya sa bata. Tumalima naman ito at umakyat, Maya maya lang ay bumaba rin si Kyle.

“Ma wala po si ate sa kwarto niya.” sabi nito sa kanya. Aba talagang sinusubukan siya ni Jeline! May gana pa talagang maglayas!

Advertisement

Madali siyang umakyat sa kwarto nito para tignan kung dala dala ba nito ang mga damit, nakatulog kasi siya kaninang hapon kaya hindi niya napansin kung umalis ito. Pagpasok niya sa kwarto ay agad niyang chineck ang cabinet ng dalaga, nakahinga siya ng maluwag ng makitang naroon pa rin ang mga damit nito.Baka nagpalamig lang, wika niya sa sarili.

Palabas na siya sa kwarto nang mahagip ng mata niya ang isang sobreng nakalapag sa kama. Kinuha niya iyon dahil may nakasulat na MAMA sa harapan.

Mama,

Sana katulad mo na lang ako, kasing lakas ng loob mo, kasing talino mo, kasing galing mo. Sana maging ako yung anak na gusto mo. Eto lang ako ma eh, mahina ang ulo. Pero mama, mahal po kita, sana kahit isang araw maging sapat na yan sayo. Sana okay na sayo ang pangako ng isang anak na mahina ang ulo, na hanggang sa pagtanda mo aalagaan kita, na di ako mapapagod kausapin ka kahit paulit ulit na ang sinasabi mo pag ulyanin ka na, na di kita ikakahiya kapag dumating ang time nawala na ang talino mo dahil sa katandaan. Sana mama, dumating ang araw na puso ko na ang makikita mo at hindi na ang utak ko.

Jeline

Pinahid ni Ann Marie ang luha sa kanyang mga mata. Naging napakalupit niya sa anak, pag uwi nito ay hihingi siya ng tawad at babawi siya rito. Bigla siyang may narinig na cellphone,nag-riring. Nakita niyang nasa tabi ng lampshade ang telepono ng anak.Iniwan ni Jeline ang cellphone niya?

Tumigil na ang pagri-ring, napasulyap siya sa CR ng kwarto ni Jeline dahil tila naiwan ng dalaga na patayin ang ilaw doon. Mabagal ang paglalakad niya papunta sa CR, bakit ba may kakaibang kaba siyang nararamdaman? Pagbukas ng pinto ay nanghina si Ann Marie sa nakita.Huli na ang lahat para bumawi pa siya rito. Kung sana ay ipinaramdam niya lang dito kung gaano niya ito kamahal.

Ang kanyang panganay, nakahandusay sa sahig, hiwa ang pulso ang wala nang buhay.

Advertisement

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.