Inday TrendingInday Trending
Mister na Hilig Mambabae at Magbisyo, Natauhan Matapos Makita ang Tunay na Pinagdadaanan ng Asawa

Mister na Hilig Mambabae at Magbisyo, Natauhan Matapos Makita ang Tunay na Pinagdadaanan ng Asawa

Si Elisa ay kilalang-kilala sa kanilang opisina bilang masayahing babae. Gustong-gusto siyang kausap ng kahit sino dahil palagi siyang may baong panibagong katatawanan. Matalino rin siya kaya naman laging lumalapit sa kanya ang ibang kaopisina tuwing hihingi ng payo tunkol sa mga bagay-bagay.

“Alam mo deserve mo ang maging masaya. Kaya makipaghiwalay ka na sa kanya,” sambit niya sa isang kaopisina na humihingi ng payo.

“Girl, kung ako sa’yo, hintayin mo siyang mag sorry no! Siya ang may kasalanan eh!” sabi niya rin sa isa pang kaopisina.

Ngunit ang totoo niyan ay marami siyang problemang tinatago sa sarili lamang niya. Kaya niya gustong nagpapatawa dahil para makalimutan niya ang sarili niyang problema. Ang mga payong binibigay niya ay ang mga bagay na hindi niya magawa sa sarili. Lalo na pagdating sa kanyang asawa.

“Naku mahirap talaga ang magkaroon ng gwapong boyfriend!” aniya sa isang kaopisinang may problema sa nobyo.

“Buti ka pa hindi ka nahihirapan Elisa no?” sagot ng kanyang kausap.

“Naku syempre hindi. Mabait si Russ saka mahal talaga ako nun,” nakangiti niyang sagot, ngunit hindi sang-ayon ang kanyang mga matang paiyak na.

Sa tatlong taong pagiging kasal kay Russ, ang unang taon lang ang naaalala niyang masaya.

Dahil ang pangalawa at ikatlong taon ay punong-puno na ng iyakan at sakit.

Boss si Russ sa isang kilalang kumpanya, kaya naman madalas ay hindi sila nagkikita ni Elisa dahil sa dami ng kanyang trabaho. Iyon ang akalang dahilan ni Elisa ngunit nalaman niya rin na niloloko na pala siya ng kanyang asawa.

Maraming gabi ang hindi nakakauwi si Russ hindi dahil sa trabaho ngunit dahil sa pambababae niya. Palagi siyang laman ng mga bar at doon siya nakakapag-take home ng babae.

Lulong na lulong na rin si Russ sa pagiinom at pagyoyosi. Akala ni Elisa noong una ay paraan lamang ito ng asawa para maalis ang kanyang stress sa trabaho ngunit mali pala siya.

“Parang hindi ko na kilala ang asawa ko ngayon,” naiiyak niyang sambit sa sarili.

Nalaman ni Elisa ang pambababaeng ginagawa ng kanyang asawa nang makakita ng mensahe sa telepono ng asawa na mismong galing sa isa niyang mga babae.

“Hey, what time tayo magkikita later?” nabasa niya sa mensahe.

At hindi lamang iyon ang unang beses na nakakita siya ng ganoong text message. Hindi lamang din isa, dalawa o limang beses. Napakaraming beses pang naulit ng naulit ito.

Para hindi sila mag-away mag-asawa, kahit na kailan ay hindi niya binanggit na alam niya nang nambababae ito.

Hindi rin niya sinabi sa kanyang mister na mga kaibigan mismo nito ang nagsabi na siyang lulong na lulong na sa alak at sigarilyo.

“Hindi namin alam ang problema niyo pero mas lumalala ang problema niya sa paginom at sa pagyoyosi,” wika ng isa sa mga kaibigan ni Russ kay Elisa.

“Nag-aalala lang kami kasi baka mapaano siya,” sambit pa ng isa sa kanila.

“Thank you sa pagpapaalam sa akin,” ani Elisa.

Kinakamusta ni Elisa ang asawa tuwing siya’y umuuwi. Nagbabakasakali na sila’y maaayos pa.

“Kamusta trabaho mo?” aniya.

“Okay lang, bakit mo tinatanong?” sagot ni Russ na may halong pagdududa.

“Wala naman, inaalam ko lang kung kamusta ang asawa ko,” nakangiting sagot ni Elisa.

“Sus, ewan ko sa’yo. Dami mong alam,” iritableng sagot ni Russ.

Ang mga luha ni Elisa ay nangingilid na. Hindi na lamang niya ito pinakita sa kanyang mister. Sigurado siyang magagalit lamang ito pag nakita siyang umiiyak.

Tiniis ni Elisa ang lahat dahil yun ang pangako niya sa kanyang asawa nang sila’y magpakasal – na mananatiling tagasuporta niya kahit ano pa man ang mangyari.

Ilang buwan lamang ang lumipas at biglang nawalan ng malay si Russ sa kanyang trabaho. Nang siya’y isugod sa ospital, nalaman na tama nga ang kanyang mga kaibigan. Dahil sa kanyang paninigarilyo ay nagkaroon siya ng tama sa baga.

Kinakailangan niyang dumaan sa matinding gamutan. At dahil rin dito ay kinakailangan niya munang mag-leave sa kanyang trabaho.

Tanging ang kanyang asawa ang nag-alaga sa kanya noong mga panahong nasa ospital siya. Dahil kinakailangang magbantay ay nagpalipat si Elisa sa pang-gabi para buong umaga niyang mababantayan ang kanyang mister.

Ngunit habang nag-aalaga siya ng kanyang asawa ay ramdam niya pa rin ang pagkairita ng mister sa kanya.

“Ano bang ginagawa mo dito? Pumasok ka na nga lang. Naiirita ako sa mukha mo eh,” sigaw ng kanyang mister.

Hindi na lamang umiimik si Elisa para wala nang pag-aaway.

Tiniis niya ito hanggang sa sila’y makauwi. Iniisip na lamang niya na baka nahihirapan na lang din ang mister niya sa kanyang sitwasyon kaya siya ay nagiging palaging inis.

Ngunit siya’y nagkamali. Mas lumala ang pagtrato ng mister niya sa kanya nang sila’y makauwi na sa kanilang bahay.

“Bilisan mo nga! Nasaan na ba yung gamot ko?! Ang bagal-bagal mo eh!” sigaw niya sa kanyang pagod na pagod na misis.

“Ay sorry, eto na,” nakangiti pa rin si Elisa na sumasagot sa kanyang asawa.

Kinagabihan ay hindi na nakapasok si Elisa sa trabaho. Narinig ni Russ na tumatawag ang kanyang misis sa kaniyang boss.

“Boss, baka hindi na po muna ako makapasok ngayong gabi. Magpapahinga lang po sana muna ako. Baka bumagsak na ako mamaya eh,” natatawa-tawa pa siyang nagsasalita sa telepono.

“Sige po… Salamat ulit boss! Bawi po ako bukas,” nakangiti pa niyang sabi.

Nagpanggap si Russ na tulog na siya dahil iniiwasan niyang magkausap pa sila ni Elisa.

Tumabi sa kanya ang kanyang misis at dahan-dahang yumakap. Maya-maya lamang ay naramdaman niya ang mahinang pag-iyak ni Elisa.

“Sana gumaling ka na…” mahinang bulong ng nag-aalalang si Elisa.

Mga ilang minuto pa ang lumipas at naradaman ni Russ na tulog na ang kanyang misis.

Humarap siya rito at tinitigang maigi ang asawa. Unti-unti siyang naluha nang makita ang totoong lagay ng kanyang asawa.

Nakita niya ang mga mata nitong pagod na pagod at namumula pa kakaiyak. Nakita rin niya na medyo maluwag ang damit niya dahil nangayayat na pala siya. Nakita niya rin ang buhok ng asawa niyang mahaba at magulo – hindi na nagagawa pang mag-ayos ng kanyang asawa, kakaalaga sa kanya.

Hindi na niya mapigilan na tuluyan nang maiyak. Kinuha niya ang kanyang misis at niyakap sa kanyang bisig.

“Sorry, Elisa. Sana mapatawad mo pa ako sa lahat ng mga ginawa ko sa’yo. Mula ngayon, magpapagaling ako ng mabilis para ikaw naman ang maalagaan ko,” umiiyak na sabi ni Russ.

At mula noon ay trinabaho ni Russ ang pag-aayos nilang mag-asawa. Tinigil na niya ang pambababae maging ang kanyang pagbibisyo.

Bumalik si Elisa sa dating siya. Ang maganda, masiyahin at maligalig na si Elisa.

Advertisement