Nakilala ng Lalaki ang Napakagandang Babae sa Lumang Apartment na Nilipatan Niya, Di Nagtagal ay Nadiskubre Niya ang Malungkot nitong Nakaraan
Bagong lipat lamang si Jake sa isang apartment malapit sa kaniyang unibersidad. Kasalukuyan siyang nag-aaral ng kursong edukasyon at nasa ikatlong taon na. Nagpasya siyang mangupahan dahil mahal na din ang pamasahe kung araw-araw siyang bibyahe pauwi sa kanilang nayon.
May kalumaan na ang apartment pero maayos pa ito. May banyo, kusina at aparador kaya sapat na ito para sa kaniya. Nasa ikaapat na palapag ito kaya’t tahimik siyang makakapag-aral. Madalas naman ay maaga ang kaniyang pasok at gabi na siya nakakauwi kaya’t halos magiging tulugan lamang niya ang silid.
Sa unang gabi ay may kumatok sa kaniyang pinto. Pinagbuksan niya ito at bumungad ang isang babae.
“Hello, ako si Rica, doon ako umuupa sa dulo ng pasilyo na ito. Napulot ko kasi itong relo sa may hagdan, naisip ko baka sa iyo ito.” wika nito
“Salamat, oo sa akin nga ito, baka nahulog kanina habang nagaakyat ako ng mga gamit. Jake nga pala.” Pagpapakilala niya. Hindi na nagtagal ang babae at nagpaalam na rin sa kaniya, sinundan niya ito ng tingin at pumasok ito sa dulong silid.
Sa pagsara ni Jake ng pinto ay bumilis ang tibok ng kaniyang dibdib, “napakagandang babae ni Rica” sa isip niya. Mayroon itong bilugang mata at makinis na kutis, balingkinitan ang katawan at babaeng babae kung kumilos. Sa tingin niya ay halos kasing edad niya lamang ito.
Sa araw-araw niyang pag alis ay madalas niya itong maabutan na nakaupo sa may hagdanan, palagi itong nagbabasa ng libro at nginingitian siya sa tuwing kaniyang madadaanan.
“Ingat sa pagpasok Jake.” Minsang paalam nito.
“Salamat Rica, mauuna na ako ha at male-late na ako.” masayang sagot niya.
Isang araw ng linggo ay kinatok siyang muli ni Rica, laking gulat niya ng makita itong umiiyak, kaya’t inimbitahan niya ito sa kaniyang silid.
“Pasensya ka na ha, wala kasi akong makausap eh, ung nobyo ko kasi Jake, nakita ko siyang may ibang babae.” paliwanag nito.
“Okay lang Rica, eto uminom ka muna ng tubig.” sa isip ni Jake ay lalong gumanda si Rica habang umiiyak, namumula ang mga pisngi nito at namumungay ang mga mata.
Nagkwentuhan muna sila maghapon at nang tumagal ay napapatawa na niya ang babae sa kaniyang mga biro. Sabay silang nananghalian at simula noon ay madalas ng tumambay si Rica sa kaniyang silid.
Kung minsan ay nagbabasa ito ng libro sa kaniyang kama habang siya ay nag-aaral. Tinutulungan rin siya nitong maglinis at magluto, dahil dito ay lalong napalapit ang loob nila sa isa’t isa.
“Bakit naman kulay pink itong sapin mo sa kama Jake?” tanong nito
“Mas madalas ka na kasing humiga diyan kesa sakin kaya naisipan kong bilin yan. Maganda ba?” sagot naman niya.
Naluluhang lumapit sa kaniya si Rica at nagpasalamat, labis nitong nagustuhan ang kagandahang loob na ipinapakita ni Jake. Niyakap niya si Jake ng mahigpit at paulit-ulit na nagpasalamat.
Masaya si Jake sa kanilang umuusbong na pag-iibigan, hindi man nila napag-uusapan ay ramdam niyang pareho nilang gusto ang isa’t-isa. Isang araw habang namimili siya ng gamit pang eskwela ay may nadaanan siyang libro.
“Magugustuhan ito ni Rica.” wika niya, binili niya ang libro at sabik na umuwi sa kaniyang apartment. Hinintay niyang dumating ang babae ngunit sumapit ang alas otso ay wala pa rin ito. Nagpasya silang puntahan ito sa kaniyang silid. Tatlong beses siyang kumatok ngunit walang sumasagot. Naisip niyang wala pa doon si Rica kaya humakbang na siya papalayo.
Sa ikatlong hakbang ni Jake ay biglang bumukas ang pintuan ng silid ni Rica, nagdalawang isip man ay bumalik siya at sinilip ito. Binuksan niya ang pinto at sa gulat niya ay isa itong bakanteng silid. Walang mga gamit sa loob at tila ba matagal ng naabandona. Sakto namang dumating ang bantay ng apartment at tinanong niya ito.
“Manang, umalis na ho ba yung nangungupahan dito? Si Rica.”
Hindi kaagad nakasagot ang matanda at sinabing,
“Kilala mo ba siya? Hindi mo ba nabalitaan ang nangyari sa kaniya noong nakaraang taon?”
“Ano pong ibig niyong sabihin”
“Matagal na naming hindi pinapaupahan ito”, sabay sarado sa pinto ng silid, “Kinitil niya ang kaniyang buhay nang malaman niyang niloloko siya ng kaniyang nobyo. Madalas siya noong maupo doon sa hagdan upang magbasa, mas maliwanag daw kasi ang ilaw doon, napakaganda pa naman ng batang iyon. Pinabasbasan ko na nga ito kanina sa pari para magamit na ulit.” kwento nito
Tulalang bumalik si Jake sa kaniyang silid, hindi siya makapaniwala sa mga narinig at nalaman. Isa na palang kaluluwa ang kaniyang nakakasama, ngunit hindi siya nakaramdam ng kahit na anong takot, bagkus ay nalungkot siya, naisip niyang napalaya na ang kaluluwa ni Rica matapos basbasan ng pari at hindi niya na ito makikita kailanman.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!