Inday TrendingInday Trending
Ang Pag-ibig sa Aking Meryenda

Ang Pag-ibig sa Aking Meryenda

Mula sa Bicol ay namasukan bilang taga alaga ng bata ang dalagang si Sonia sa mayamang pamilya sa magulong buhay ng Maynila.

“Bata lang ang aasikasuhin mo, may ibang katulong para sa mga gawaing bahay kaya hindi ka mapapagod. Basta ang akin lang, ayaw ko ng napapabayaan mo ‘yung anak ko,” wika ni Diana, ang among babaeng ni Sonia.

“Ay, ma’am, ‘wag po kayong mag-alala dahil malapit talaga ang puso ko sa mga bata. Kaya makakaasa po kayong aalagaan ko si Jun-jun,” malambing na sagot ng dalaga.

“Siya nga pala, pwede mong ilabas-labas ang bata basta dito lang kayo sa loob ng village natin. May park sa may kanto at may mga street food din, ikaw lang pwede sa ganoong pagkain, ha? Ayaw ko pinapakain ng ganun si Jun-jun,” dagdag na paalala ni Diana sa kaniya.

Tumango at ngumiti lamang si Sonia sa kaniyang amo, ito ang unang beses niyang mamasukan na tanging pag-aalaga ng bata lang ang kaniyang gagawin. Malapit siya sa mga bata dahil sa napakarami din ng kanyang kapatid at siya na ang nagsipag-alaga sa mga ito. Sa edad na 25 anyos ay pamamasukan na ang kaniyang kinabubuhay, lalo na noong magkasakit ang kaniyang nanay sa puso.

Mabilis lang din napalapit ang loob ng batang si Jun-jun sa kaniya na limang taong gulang na.

“Ate, bili tayo shake, please,” wika ng bata sa kaniya.

“Naku naman, Jun-jun, magagalit ang mommy mo sa akin niyan e,” sagot niya sa alaga.

“Secret lang natin ito, ate. Sige na, please? Sige ka, sasabihin ko kay mommy na paalisin ka na lang. You want that?” baling sa kaniya ng bata.

“May pa you want that, you want that ka pa, e kung kapatid kita nasungalngal ka sa akin,” isip-isip ni Sonia habang naglalakad sila palabas ng bahay. Walang nagawa ang babae kundi sundin na lamang ang gusto ng bata, bahala na lang kapag nagkahulihan sila ng amo.

Pagkabili nila ng shake ay tatambay muna ang dalawa sa nagtitinda ng palabok at doon kakain ng meryenda. Simula nang mapadpad dito ang dalaga ay nakahiligan na niya ang masarap na luto ng palabok sa tindahan ni Mang Kaloy.

“Hello, bago lang ako rito. Ako nga pala si Rico,” pakilala ng isang lalaki na tumabi sa kaniya.

“Hello rin, yaya ako nung batang ‘yun. Ikaw, ano work mo dito?” mabilis na tugon ni Sonia sabay turo kay Jun-jun.

“Ang cute naman pala ng alaga mo! Ako, driver, doon sa may unahang bahay. Mukhang mababait ang mga tao rito, ano?” pahayag naman ni Rico.

“Lalo ka na, sana maging magkaibigan tayo. Unang kita ko palang kasi sa’yo nung isang araw ay nagandahan kaagad ako sa’yo. Huwag mo sanang masamain,” dagdag pa ng lalaki.

“Bolero!” sagot ni Sonia sabay hampas ng malakas sa hita ng lalaki.

Naging napakarupok ng dalaga at kaagad siyang nahulog kay Rico. Mabilis na nagkapalagayan ng loob ang dalawa at palagi silang nagkikita tuwing meryenda.

“Mukhang napapadalas ang meryenda niyo ni Jun-jun, nakarating din sa akin ang balita na may boyfriend ka na daw?” tanong ni Diana.

“Hala si ma’am, M.U. lang po kami!” sagot naman agad ni Sonia at namula pa ang dalaga.

“Naku, hindi naman sa pinagbabawalan kitang makipagrelasyon, Sonia, pero ang akin lang ay kilalanin mo muna sana. Saka huwag kang bibigay kaagad at huwag na huwag niyong gagawin dito sa bahay ang mga kalandian niyo ha?” baling ng kaniyang amo.

“Opo, ma’am, hindi naman kami pumapasok dito. Kakain lang naman kami at iikot sa buong village tapos uuwi na,” sagot ng dalaga.

Hindi nagsalita pa ang kaniyang amo na siya namang ikinahinga ng maluwag ni Sonia, ayaw kasi niyang magalit ito at baka mawalan siya ng trabaho. Ngunit hindi rin niya maitanggi na masaya siya sa piling ni Rico, lalo pa nga’t napakagwapo ng lalaki at kinaiinggitan siya ng ibang mga kasambahay.

Magtatalong buwan na silang sweet ni Rico kaya napagdesisyunan niyang sagutin na ang lalaki. Ililihim na muna niya ito sa kaniyang amo at sa kaniyang mga magulang.

“Bukas ay sasagutin ko na si Rico. Sh*t, ngayon pa lang ay kinikilig na ako! isip-isip ng babae habang sinusuklayan ang kaniyang buhok.

Nang bigla siyang tinawag ng kaniyang amo, “Sonia! Lumabas ka riyan, bilisan mo!” sigaw ni Diana sa kanya at kumaripas naman siya ng tayo.

“Ate, yes po?” wika ni Sonia.

“May mga pulis na naghahanap sa’yo. Kumalma ka lang at magsabi ka ng totoo,” saad ni Diana sa kaniya. Ngunit pagkarinig pa lamang niya ng pulis ay kaagad na kumabog ang kaniyang dibdib. Nabasa ang kaniyang mga palad at naramdaman niya kaagad na tila lumalaki ang kaniyang mga tenga.

“Magandang gabi, Sonia. Nandito kami para sana imbitahan ka sa presinto, baka pwede kang magbigay ng salaysay patungkol kay Rico,” sabi ng pulis sa kaniya. Napakalalim ng boses nito na nakapagdagdag pa sa kaniyang nyerbos.

“Ha, si Rico? Ano pong meron?” inosenteng sagot ng dalaga.

“Nahuli kasi siyang nagnanakaw sa mga kapitbahay at kahit sa amo niya, kaninang umaga at nakita sa CCTV kaya wala ng kawala. Ayon, nakakulong sa presinto. Sabi kasi niya nobya ka raw niya at pinagplanuhan niyo raw ang pagnanakaw,” paliwanag muli ng ospiyal.

“Ho!? Saan ho lupalop ng mundo galing ‘yang sinabi niya? Wala hong katotohanan ang lahat ng mga ‘yan. Tara, sasama po ako at mabibigay ako ng statement,” matapang na sagot ni Sonia.

Mabilis ang kanilang naging byahe patungo sa istasyon ng pulis at kaagad na nagbigay ng salaysay si Sonia. Ikinuwento niya sa mga pulisya kung paano silang nagkakilala at kung ano ang palagi nilang ginagawa sa tuwing magkasama.

“Babe, huwag mo naman ako ipagkalulong sa mga pulis. Dalawa nating pinag-isipan ito, kaya huwag mo akong iwan sa ere!” nagmamakaawang wika ni Rico sa kaniya.

“May pa-babe-babe ka pang kup*l ka! Kaya pala lagi mong gustong umikot sa village ay dahil nagtitiktik ka na ng mga bahay na mananakawan. Buong akala ko nililigawan mo ako at gusto mo talaga ako, ayon pala ay ginamit mo lang ako! Mabubulok ka riyan! Kup*l ka!” sigaw ni Sonia sa lalaki.

Hindi na nakipagtalo pa ang dalaga dahil kaagad namang nasuportahan ang kaniyang salaysay ng iba pang mga kasambahay na mas matagal sa kaniya. Mabuti na lamang din ay hindi niya inilihim sa mga kaibigan ang kanilang namumuong relasyon, dahil ito pa pala ang magliligtas sa kaniya sa kapahamakan.

Simula noon ay hindi na muling kumausap ng mga lalaki o bagong dayo si Sonia sa kanilang lugar. Naging malaking leksyon sa kaniya ang pag-ibig sa kanyang meryenda.

Advertisement