Kambal Ko, Karibal Ko
Halos magkamukhang-magkamukha ang kambal na sina Richelle at Michelle. Para silang humaharap sa salamin sa tuwing sila’y magkakaharap. Pareho silang maganda, maganda ang hubog ng katawan, at maging ang tangkad ay pareho rin. Talagang nalilito ang sinumang nakakakita sa kanila.
Subalit pagdating sa ugali, gawi, at pananaw sa buhay, magkaibang-magkaiba sila. Bulagsak sa pera, liberated, palakaibigan, outgoing, at maaskad kung kumilos at magsalita si Richelle. Si Michelle naman ay matipid sa pera, konserbatibo, sanay mag-isa, at pino kumilos. Kahit kambal sila, hindi sila magkasundo dahil ibang-iba sila. Laging inaaway ni Richelle si Michelle simula noong bata pa lamang sila. Noong nagdalaga na sila, nabawasan naman ito, subalit lagging “inaagawan” ni Richelle si Michelle sa ilang mga bagay.
Pagdating naman sa paaralan, mahilig lumahok sa mga beauty contest at extra- curricular activities si Richelle. “Campus crush” at “It Girl” ang taguri kay Richelle. Sikat siya sa kanilang buong pamantasan. Mass Communications ang kinukuha niya. Kung maraming lalaking humahanga at nanliligaw sa kanya, mas maraming mga babae ang naiinis at naiinggit sa kanya. Subalit walang pakialam si Richelle. Handa siyang makipag-away kahit kanino. Wala siyang sinasanto.
Si Michelle naman ay consistent honor student at dean’s lister. Sikat siya dahil napakahusay niya bilang mag-aaral ng Civil Engineering. Tahimik lamang siya at limitado ang mga kapalagayang-loob sa campus. Nabibilang sa daliri ang mga itinuturing niyang kaibigan; mga gaya rin niyang palaaral at honor student.
May mga nagtatangka ring manligaw sa kanya, subalit hindi niya ito sinasagot. Prayoridad niya ang pag-aaral. Ang totoo, ayaw niyang sagutin ang mga ito dahil sigurado siyang aakitin at aagawin lamang sila ni Richelle. Napansin niyang kapag may lalaking nagpapakita ng interes sa kanya, kinukuha ni Richelle ang atensyon nito, hanggang sa ito na ang ligawan. Hindi rin naman sila nagtatagal. Pampalipas-oras lamang kay Richelle ang mga lalaki.
Subalit isa sa mga masugid na manliligaw ni Michelle ang hindi nakuha ni Richelle. Si Andres. Consistent honor student din at dean’s lister, kaklase ni Michelle. Kahit na anong gawin ni Richelle, hindi niya makuha ang atensyon ni Andres. Talagang mahal nito si Michelle at matiyagang nililigawan.
Dumating ang Foundation Week Anniversary ng kanilang pamantasan, at isa sa mga inihandang gawain ay beauty pageant. Si Richelle ang naging pambato ng College of Communication Arts and Mass Media. Si Michelle ang inaawitan ng kanilang dekana sa College of Engineering, subalit todo ang kanyang pagtanggi. Naiilang siya at hindi komportable sa mga beauty pageant. Mas gusto niyang matulog na lamang, o kaya naman ay mag-aral, o sumali sa quiz bee kaysa sumali sa anumang pagandahan.
Dalawang linggong paghahanda ang dinaluhan ni Richelle. Sinanay sila sa pagrampa, pagsusuot ng mga casual attire, swimsuit, sports attire at evening gown. Sinanay rin sila sa Q and A portion, kung saan laging nabubulol at pinagagalitan si Richelle. Hindi siya makapagsalita nang maayos dahil hindi siya sigurado sa kanyang mga sagot. Ano bang malay niya sa mga isyu o usaping panlipunan? Mas gusto pa niyang magsalita hinggil sa pinakabagong usong make-up o hinggil sa fashion.
Sa gabi bago ang timpalak, isang aksidente ang nangyari kay Richelle. Natapilok siya habang pauwi. Magang-maga ang kanyang kanang paa. Hindi siya maaaring rumampa dahil pihadong iika-ika siya. Baka pagtawanan lamang siya ng audience at libakin ng mga inggiterang kalaban. Alam naman kasi niyang siya ang mananalo. Inis na inis si Richelle. Wala pa siyang sinasabihan sa nangyari sa kanya.
Nang makauwi na, pinuntahan ni Richelle si Michelle sa kwarto nito.
“May kailangan ka?” tanong ni Michelle kay Richelle.
“Meron. Kailangan kita. Kailangan ko ang tulong mo,” seryosong sabi ni Richelle.
“Dahil sa nangyari sa paa ko, hindi ako pwedeng sumali sa pageant. Gusto ko, ikaw ang humalili sa akin. Tutal magkamukha naman tayo. Hindi nila mahahalatang ikaw si Michelle. Tatapak ka sa entablado bilang ako, bilang si Richelle…”
“Nasisiraan ka na ba Richelle? Tantanan mo ako. Hindi ko kaya ang pinagagawa mo,” pagtanggi ni Michelle.
“Nagmamakaawa ako sa iyo, Michelle. Ngayon lang ako makikiusap sa iyo. Parang awa mo na. Ayokong mapahiya. Nakasalalay dito ang imahe ko…” seryosong pakiusap ni Richelle. Nakita ni Michelle sa mga mata ng kambal ang desperasyon.
Dumating ang araw ng pageant. Nagsimula na ang pagrampa ng mga kandidata. Crowd’s favorite ang pagrampa ni Michelle. Pumayag siya sa pakiusap ng kambal. Nanood siya ng mga videos sa YouTube upang malaman ang tamang lakad at projection. Madali na lamang sa kanya ang Q and A portion, kaya siya ang tinanghal na panalo. Walang nakahalata na siya si Michelle at hindi si Richelle.
Nakamasid naman mula sa malayo ang tunay na Richelle. Masaya siya dahil sa pagkapanalo ni Michelle, subalit nakararamdam din siya ng inggit. Kung hindi sana siya naaksidente at natapilok, siya sana ang pinapalakpakan at hinahangaan. Hindi maaaring malamangan siya ni Michelle. Kailangan niyang makaisip ng paraan kung paano naman niya mauungusan ang kambal.
At nakita nga niya si Andres na papalapit sa kanya. Akala nito, siya si Michelle. Agad niyang hinatak si Andres at niyakap. Siniil niya ito ng halik sa labi, bagay na ikinagulat nito.
“A-anong ibig sabihin nito?” maang na tanong ni Andres.
“Mahal mo ako, diba? Mahal din kita… kaya tayo na…” namumungay ang mga matang sabi ni Michelle kay Andres.
Pagdating sa bahay, nagkainitan sina Richelle at Michelle. Gusto ni Richelle na ipagpatuloy pa ni Michelle ang pagpapanggap. Gusto ni Richelle na ipagpatuloy pa nila ang “switching”. Hindi na pumayag si Michelle.
“Kapag nalaman ng buong campus ang ginawa natin, malalagay sa alanganin ang status mo. Baka mawala ka sa dean’s list at hindi ka makagraduate. Pwede tayong ma-expel na dalawa…” pagbabanta ni Richelle.
At nagpatuloy pa ng halos dalawang linggo ang kanilang pagpapanggap kahit na hirap na hirap na sila dahil hindi nila maintindihan ang kanilang mga pinag-aralan. Durog na durog na rin ang puso ni Michelle dahil lagi niyang nakikitang magkasama sina Richelle at Andres. Mahusay ding magpanggap ang kanyang kambal.
Isang gabi, hindi na nakatiis si Michelle. Tinapos na niya ang pagpapanggap.
“Iyo na ang karangalan, Richelle. Sa iyo na ang korona. Hindi ko kayang isuko si Andres. Saka hindi ko na gusto ang nangyayaring ito. Pangako, walang makakaalam nito.”
Pumayag naman si Richelle, sa kondisyon na mananatili pa rin sila ni Andres. Subalit hindi nakapagpigil si Michelle. Tama na ang manipulasyon ng kanyang kapatid. Pinapunta niya si Andres sa kanilang bahay, at ayaw man ni Richelle, isiniwalat niya ang katotohanan. Nagalit si Andres sa kambal.
Humingi ng tawad si Richelle kay Michelle dahil sa kanyang mga ginawa. Mahal na mahal niya na si Andres, subalit tuluyan na ngang nagalit ito sa kanilang dalawa. Minabuti ng magkapatid na panatilihing lihim ang ginawang pagpapanggap ni Michelle bilang Richelle upang hindi ito makaapekto sa kanilang pag-aaral.
Bumalik sa normal na buhay sina Richelle at Michelle. Saka napagtanto ni Richelle ang mga kamaliang nagawa niya. Humingi siya ng tawad sa kanyang kambal na naging mabuting kapatid sa kanya. Kinausap niya si Andres at pinakiusapan itong sa kanya lamang magalit at huwag kay Michelle. Umayon naman si Andres, at kinausap si Michelle. Nagkabati sina Andres at Michelle.
Nang makagraduate sina Michelle at Richelle, sinagot ni Michelle si Andres. Si Richelle naman ay nakahanap ng magandang trabaho, at ipinangako sa sariling tutularan ang mabubuting katangian ni Michelle, upang makahanap din ng tamang lalaking magmamahal sa kanya. Si Michelle naman ay nagpatuloy sa pag-aaral sa pagka-masterado, kapiling ang boyfriend na si Andres.