Inday TrendingInday Trending
Nabuntis ang Babae ng Lalaking Mahal na Mahal Niya, Ngunit Kada Alok ng Kasal ng Lalaki ay Hindi Siya Pumapayag

Nabuntis ang Babae ng Lalaking Mahal na Mahal Niya, Ngunit Kada Alok ng Kasal ng Lalaki ay Hindi Siya Pumapayag

Isang magandang dalaga si Lina. Kaya naman sa kaniyang trabaho, halos lahat ng lalaking katrabaho niya ay pilit siyang nililigawan.

Ngunit si Lina na masyadong nakatutok sa kanyang trabaho ay wala talagang panahon para mag-nobyo.

Bilang panganay sa limang magkakapatid, siya’y maagang nagtrabaho para tumulong sa kaniyang tatay na pag-aralin ang apat na kapatid, mula nang pumanaw ang kanilang ina dahil sa sakit na breast cancer.

Hindi naging madali kay Lina ang buhay. Bilang high school graduate, iilan lamang ang trabahong pwede niyang pasukan, ngunit kahit kailan ay hindi siya nagreklamo.

At dahil sa kanyang pagsisikap, isa-isang nakatapos sa kolehiyo ang kanyang mga kapatid.

“Ate, salamat ha, sa lahat ng tulong mo sa pamilya natin. Lalo na sa amin na mga kapatid mo,” wika ng pangalawa niyang kapatid.

“Ano ka ba naman. Syempre naman, responsibilidad ko yun eh, ate niyo ako eh,” sagot naman ni Lina.

“Ayun na nga ate eh. Sinakripisyo mo ang mga pangarap mo para sa amin. Tumayo kang nanay para sa aming apat,” naiiyak na sagot ng pangalawa niyang kapatid.

Hindi na sumagot pa si Lina dahil alam niyang magiiyakan lamang silang magkakapatid.

Niregaluhan ng magkakapatid ang kanilang ate ng isang linggong libreng bakasyon sa beach resort sa Batangas.

Hindi na rin tumanggi pa si Lina dahil gusto niya rin naman ang magpahinga muna matapos ang mahabang taon ng pagtatrabaho.

Ang unang dalawang araw niya sa kanyang bakasyon ay tila normal na araw lamang para sa kanya. Halos itinulog lamang niya dahil para bang naipon ang napakaraming taon niyang pagod.

Ngunit ang ikatlong araw ng kanyang bakasyon ay ang espesyal na araw para sa kanya. Habang siya’y kumakain ng almusal, “Good morning ma’am, may kailangan pa po kayo?” nakangiting tanong ng waiter.

Nang makita kung sino ang nagsasalita ay hindi agad siya nakasagot. Simpleng lalaki lamang ang nakatayo sa kanyang harapan, ngunit napakagwapo niya para kay Lina.

Mala-anghel nga raw ang ngiti ng lalaki ayon pa kay Lina.

“Mukhang handa na akong mag-asawa ah,” sabi niya sa kanyang isip.

“A-ah, wala naman na,” nakangiti niyang sagot sa lalaki matapos maisip na kanina pa siya nakatayo sa kanyang harapan.

“Okey ma’am. Tawagin niyo lang ho ako kung may kailangan pa kayo ha,” nakangiti niyang sagot.

“Ikaw yata ang kailangan ko,” natatawang sagot ng dalaga.

“Yes ma’am? Ano po iyon ulit?” tanong ng binata ngunit halata namang narinig niya ang sinabi ng dalaga.

“W-wala, sorry,” napahiyang sagot ng dalaga kaya’t siya’y napayuko na lamang.

Maya’t-maya pa rin ang sulyap ni Lina sa binata. Hindi rin naman maiwasan ng binatang mapatingin kay Lina.

Doon nagsimula ang kanilang kwento. Matatawag nga yatang love at first sight ang kanilang pag-iibigan. Sumama pabalik ng Maynila si Gino, ang binatang waiter, kay Lina.

Nakahanap agad ng magandang trabaho si Gino, ganoon rin naman si Lina. Napaguusapan na rin nila ang magpakasal ngunit hindi ito palaging natutuloy.

Isang araw, hilong-hilong pumasok si Lina sa kanilang kwarto.

“Okay ka lang?” nag-aalalang tanong ni Gino.

“Oo. Mainit lang talaga siguro,” sagot naman ni Lina.

Doon naisip ni Lina na hindi pa siya nagkakaroon ng dalaw ng buwan na yon. At tama nga ang kanyang hinala, dahil nang siya’y mag PT ay dalawang linya ang lumabas.

Naging maayos ang pagbubuntis ni Lina.

Gusto na sanang magpakasal ni Gino, ngunit dahilan ni Lina ay hindi pa kakayanin ng kanilang pera dahil kailangang paghandaan ang panganganak.

Nang si Lina ay manganak, muling hiningi ni Gino ang kamay ng dalaga.

Tinanggihan ulit siya ni Lina. Kanyang dahilan naman ay maraming gastusin sa pagpapalaki ng bata, kaya hindi pa nila kakayanin gumastos sa kasal.

Hinayaan na lamang ni Gino si Lina, ngunit hindi maiwasang makaramdam siya ng tampo sa nobya.

Nang ang kanilang anak ay ilang buwan na, doon muling tinanong ni Gino ang nobya kung handa na siyang magpakasal.

“Lina, matagal na kitang gustong pakasalan. Alam mo yan. Sana ngayon ay pumayag ka na,” nakaluhod na sabi ni Gino habang hawak-hawak ang isang maliit na singsing para kay Lina.

Hindi makasagot si Lina at naiyak na lamang ng sobra-sobra.

Akala ni Gino, ang pag-iyak na ito ay dahil sa tuwa ngunit nakita niya ang mukha ng kanyang nobya na punong-puno ng lungkot at sakit.

“Lina, bakit? May nasabi ba akong mali?” nag-aalalang tanong ni Gino.

“Hindi Gino, wala kang ginawang mali, wala ka ring sinabing mali. Hindi ikaw ang mali, ako, Gino, ako ang may problema,” humahagulgol na sagot ni Lina.

Doon inamin ni Lina na matagal na niyang dinadamdam ang bukol sa kaniyang dibdib. Namana niya ito mula sa kanyang nanay. Ayaw na sanang magpakasal ni Lina kay Gino gayong ilang buwan na lamang ay maaari niyang iwan ang lalake ng biglaan.

Para kay Lina, gugustuhin niyang makita si Gino na ikasal sa ibang babaeng makakasama niya ng napakatagal at mag-aalaga sa kanya.

Hindi malaman ni Gino kung ano ang isasagot ngunit napagdesisyunan niyang kahit na may sakit si Lina ay ikakasal pa rin sila kahit sa huwes.

At ito ay natupad, sa wakas.

Ngayon, ang mga natitirang araw ng mag-asawa ay kanilang pinapahalagahan. Bawat minuto at segundo ng kanilang buhay ay importante sa kanila.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement