Naiinis ang Lalaki Dahil Sobrang Maluho at Maaksaya ang Babaeng Pinakasalan Niya; Maging Hadlang Kaya Ito sa Kanilang Pagsasama?

Naiinis ang Lalaki Dahil Sobrang Maluho at Maaksaya ang Babaeng Pinakasalan Niya; Maging Hadlang Kaya Ito sa Kanilang Pagsasama?

LoveStoriesSuccess

Lumaki sa mayamang pamilya si Maureen. Sunod na sunod ang luho niya lalo na sa kaniyang ama.

“O, hija, heto ang susi ng bago mong kotse na binili ko para sa iyo,” wika ni Don Lorenzo.

“Talaga?! Yehey! You’re the best daddy in the world!” tuwang-tuwang sabi ni Maureen sabay yakap at halik sa daddy niya.

Nang gabing iyon ay ginamit na ni Maureen ang bago niyang sasakyan at nang makaalis siya ay agad na kinausap ng kaniyang inang si Donya Lucinda ang asawa.

“Nasunod na naman ng anak mo ang gusto niya, Lorenzo. Kaya tuloy lalong nagiging spoiled!”

“Alam mo namang nag-iisa nating anak si Maureen. Sino pa ba ang paglalaanan natin ng biyayang nasa atin kundi siya, Lucinda.”  

Samantala, paalis na sa opisina ang kasintahan ni Maureen na si Glen. Nakatakdang magkita ang dalawa sa isang restaurant para maghapunan.

“Good night sa inyo!” wika ng lalaki sa dalawang guwardiya na nakasalubong niya sa hallway ng opisina.

“Good night din po, Sir Glen. Ingat po kayo!” sagot ng mga guwardiya.

Nang makaalis ang lalaki ay nagbulungan ang dalawa.

“Bilib ako kay Sir Glen. Araw-araw na lang na ginagabi sa trabaho,” sambit ng mas nakatatandang guwardiya.

“Oo nga, manong. Parang ordinaryong empleyado at ‘di anak ng may-ari ng kumpanya. Napakabait pa at matulungin,” saad pa ng mas nakababata.

‘Di nagtagal ay ikinasal ang magkasintahang Maureen at Glen. Gaya ng inasahan ay isang engrandeng kasalan ang naganap. Iyon kasi ang gusto ni Maureen kaya hindi naiwasan na pag-usapan siya ng ilang bisitang dumalo roon.

“Ang lahat talaga ng magustuhan ni Maureen ang siyang nasusunod,” wika ng isang babae.

“Ganoon kasi siya pinalaki ng mga magulang niya,” sagot ng kausap.

“Kawawa naman si Glen. Baka hindi matiis ang ugali ni Maureen, maghiwalay lang sila nang maaga,” saad pa ng babae.

Sa mga unang buwan ng pagsasama ng dalawa ay unti-unti nang nakikilala ni Glen ang asawa.

“Naku, late na ako sa opisina! Bakit hindi mo man lang ipinaalarm ang orasan?” tanong niya kay Maureen nang magising at nagmamadaling bumangon sa kama.

Naghikab muna ang misis bago nagsalita.

“So what, ikaw naman ang boss sa opisina ninyo, ‘di ba, babe?”

Napabuntong-hininga na lang si Glen sa sagot ng kaniyang asawa.

“Hindi ganoon ang katwiran kong sinusunod, babe. Para madisiplina ko ang aking mga tao, nagpapakita rin ako ng magandang ehemplo sa kanila,” tugon niya.

Hindi lang iyon, ilang oras pa lang siyang nasa opisina ay tinawagan na agad siya ni Maureen.

“Hello, babe? You shouldn’t bother me, marami akong ginagawa rito sa opisina,” aniya nang kausapin niya ito sa cell phone.

“A, basta, samahan mo muna akong mag-shopping, babe, saka ka bumalik diyan sa opisina,” sagot ng babae sa kabilang linya.

Dahil mahal ni Glen ang asawa ay sinunod niya ang gusto nito. Sinamahan niya si Maureen sa mall para mamili ng mga gamit.

“Ang dami naman ng ipinamili mo! May balak ka bang magtinda?” nagtataka niyang tanong.

“Sale kasi sa mall kaya bumili na ako ng marami. Ang gaganda ‘di ba?” tugon ng asawa.

Isang gabi, habang naghahapunan naman silang mag-asawa…

“What are these? Are we having a party?” gulat na tanong ni Glen nang makitang halos puno ng mga pagkain ang mesa.

“Naisip ko lang na magpaluto ng mga paborito nating pagkain. Bakit? Hindi mo ba nagustuhan?” balik nitong tanong sa kaniya.

“These foods are too much for us. Kahit isama mo pa ang mga kasambahay natin dito sa bahay ay hindi ito mauubos,” aniya sa asawa.

Sa sobrang niyang pamombrolema sa kaniyang misis ay ‘di niya napigilang maglabas ng sama ng loob sa kaibigan niyang si Jimmy.

“Paano ko ba mapagbabago sa maaksaya at maluhong pamumuhay ang asawa ko?” tanong niya sa kaibigan.

“Ikaw kasi, eh. Paano mo napagtitiisan ang ugali na iyon ni Maureen na kabaliktaran ng ugali mo, pare?” tanong naman ni Jimmy.

“Mahal ko siya, pare eh. Sobra kong mahal ang misis ko kaya gusto ko siyang magbago. Hindi naman ako nagmamadali eh, ayoko lang kasing pagmulan ito ng sigalot sa aming pagsasama,” wika ni Glen.

Ngunit isang araw, ipinagtaka ni Glen nang makita niyang umalis si Maureen na may bitbit na mga plastic bags at malaking bag.

“Saan kaya pupunta ang asawa ko? At mukhang namili na naman ng kung ano-ano,” bulong niya sa isip.

Sumakay siya sa kanyang kotse at palihim na sinundan ang asawa at nang matunton niya ito ay laking gulat niya sa kaniyang nakita.

“Ano ito? Si Maureen, nagbibigay ng mga mamahaling damit, sapatos at mga pagkain sa mga tao sa iskwater?”

Ngunit hindi sinasadyang nakita siya ng asawa.

“G-Glen?!”

Saglit na inihinto ng babae ang ginagawa. Nilapitan siya ni Glen.

“Ang akala ko’y sobra ka lang na maluho at maaksaya sa lahat ng bagay, iyon pala ay…”

Hindi na nakapagsalita pa ang lalaki nang biglang sumagot si Maureen.

“Oo Glen, maluho ako pero hindi ako maaksaya, marunong akong ibahagi ang mga bagay na mayroon ako sa iba, lalung-lalo na sa mga kapos at mas nangangailangan,” sagot ni Maureen. “Ang mga ipinamili kong damit at sapatos nung nakaraang araw ay ibinigay ko sa mga tao rito, pati ang mga sobrang pagkain na ipinaluto ko ay ibinahagi ko rin sa kanila at sa iba pang taong nagugutom sa lansangan. Pinalaki ako ng aking mga magulang sa maluhong pamumuhay ngunit pinalaki rin nila ako kung paano magbigay sa kapwa. Napakasarap kasi sa pakiramdam na nakakatulong ako,” saad pa ng kaniyang asawa.

Hindi nakakibo si Glen sa natuklasan niya. Isang malapad na ngiti ang gumuhit sa kaniyang mga labi. Wala pala siyang dapat pagsisihan kung bakit si Maureen ang pinakasalan niya, dahil isang mabuting tao ang babaeng pinag-alayan niya ng pagmamahal. Mayroon pala itong ginintuang puso na handa ring tumulong sa mga taong galing sa hirap na kagaya niya. Ang totoo’y lumaki sa mahirap na pamilya si Glen. Nagsikap lang ang kaniyang mga magulang kaya umunlad ang kanilang buhay at nakapagpatayo ng isang kumpanya. Nagsikap din siya na makapagtapos ng pag-aaral para tulungan ang mga magulang sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo na tumutulong sa mga mahihirap na magkaroon ng trabaho.

Pinagsama talaga sila ng Diyos dahil iisa ang kanilang layunin, ang tumulong sa kanilang kapwa. Mula noon ay magkasama na silang tumutulong at namimigay sa mga taong nangangailangan at salat sa buhay.

More Stories