Palaging Nahuhuli ng Babae na Nagsasalitang Mag-isa ang Anak, Di Niya Napigilan Ang Luha Nang Malaman Kung Sino ang Kausap Nito
Nagtatrabaho sa isang opisina sa BGC si Khat, paiba-iba ang kanyang schedule at kadalasan ay panggabi ang kanyang shift. Kaya naman madalas ay di niya nakakasama ang nag iisang anak na si Yuan. Mabuti na lamang, maaasahan niya ang kapatid sa pag aalaga sa ngayo’y apat na taong gulang na bata.
Ang mister ni Khat ay nasawi sa isang aksidente habang nasa tyan nya pa lamang ang bata, kaya mag isa na lang siyang kumakayod ngayon para sa anak. Pabor din naman iyon sa kanya, ayaw niyang naiiwang mag isa dahil naaalala niya ang kanyang mister lalo pa at kamukhang-kamukha ito ni Yuan.
“Hindi, next year papasok na ako sa school sabi ni Mommy. Marunong na nga ako magbilang ng 1 to 10 eh. 1..2..3..4..” sabi ni Yuan habang nilalaro ang kanyang kotse na kabibili lamang nila sa mall.
Napangiti naman si Khat nang marinig ang anak, natutuwa siya dahil sobra ang imagination ng bata. Mahilig itong magsalita na para bang may kausap, kahit ang totoo ay palagi lamang itong mag isang naglalaro. Hindi siya nababahala, baka sabik lang kasi sa kalaro si Yuan.
“Yuan, after 5 minutes sleeping time na ha anak?” sabi niya rito.
“Sige po mommy,” sabi ng bata, hindi pa man nakakalayo si Khat ay narinig niya itong muling nagsalita, “Sleep na raw ako sabi ni Mommy. Tabi tayo ulit, please? Natatakot kasi ako sa gabi mag isa. Buti nga nandyan ka eh. Ang ganda ng buhok mo, siguro ganyan pag girl. Ako kasi palaging maiksi ang buhok kasi boy ako,” sabi nito.
Lumipas ang mga buwan na walang pagbabago sa bata, kahit ang tito nito na siyang nag aalaga sa bata ay napapansin na ang madalas na pagsasalita nito.
“Ate, hindi ka ba nababahala kay Yuan? Madalas na nahuhuli ko yang nagsasalitang mag isa,” sabi ng mas batang kapatid ni Khat, si Eugene.
“Gene, talagang madaldal si Yuan siguro kasi walang nakikitang ibang bata kaya nag iimagine na lamang siya na may kalaro.At saka, since baby palang sya diba mahilig na yan magdaldal at humagikgik mag isa?” sabi niya sa kapatid, kinausap na siya nito tungkol doon dahil nag aalala ito sa pamangkin.
“Exactly Ate. Hindi mo ba naisip na baka kailangan naman ng anak mo ng oras? Aba eh kailangan pa bang ibang bata ang kalaro, kung pwede naman ikaw na nanay na ang ka-bonding nya?”
“Alam mo namang hindi ako pwedeng umabsent sa trabaho. Para rin kay Yuan ito, sa future niya. Gusto kong ibigay ang lahat sa kanya.” paliwanag niya sa kapatid.
“Naroon na tayo, pero sana alalahanin mo ate na hindi lang ikaw ang nawalan, siya rin. Kaya wag mong ilugmok ang sarili mo sa kalungkutan, alam ko namang nagpapakaabala ka para hindi mo na maalala ang-“
“Eugene! Tama na. Thank you sa concern pero okay lang si Yuan,” sabi niya at tumayo na sa hapag kainan, ayaw na niyang marinig ang kasunod na sasabihin ng kapatid. Hanggang ngayon ay di pa rin siya handang pag usapan ang aksidente.
Excited na nag aayos ang mag ina ng gamit sa eskwelahan dahil sa isang linggo ay pasukan na sa kindergarten. Ang saya saya ni Yuan kaya at tinabihan niya pa ang kanyang mommy habang nagsasalansan ito ng mga bagong gamit niya pang- eskwela.
“Ayun, kita mo yung notebook ko? Kulay yellow, mayroon po akong isa kulay green. Binili namin ni Mommy at Tito Eugene sa mall. Pagkabili namin kumain kami ng chicken, spaghetti at fried. Syempre! Oo naman, pwede kang sumama. Miss mo sila? Miss ka rin siguro nila,” sabi ng bata.
Doon ay napalingon si Khat, hindi niya na napigil ang sarili kaya nagtanong na siya sa anak.
“Anak, sino ba yang friend na kausap mo? Yang car mo?” sabi niya at inginuso ang hawak nitong laruang kotse.
“Mommy, toy po ito eh! Hindi to magsasalita,” natatawang sagot ng bata sa kanya.
“Eh sino pala ang friend na kausap mo?”
“Hindi ko sya friend mommy, kapatid ko sya.” inosenteng sagot ni Yuan habang nilalaro pa ang gulong ng hawak nitong kotse. Hindi nakasagot agad si Khat, sumosobra na ang pag iimagine ng anak niya.
Nagtuloy naman sa pagsasalita si Yuan,”Ate ko siya mommy. Si Ate Angel, seven years old siya. Kalaro ko siya lagi kasi busy ka raw sa work po para may money tayo.”
“A-anak! Sinabi ba yan ng tito Eugene mo sayo?!” malakas ang kaba sa dibdib ni Khat at tinignan niya sa mata ang bata habang hawak ito sa dalawang balikat.
Umiling ito, at muling nagsalita, “Hindi po. Hindi nga rin siya nakikita ni Tito Eugene eh. Si Ate Angel, seven years old dati tapos ako 0 years old daw kasi nasa tyan palang ako. Nagda-drive raw si daddy noon kasi magsu-swimming kayo tapos may nakasalubong kayong big bad truck kaya nabangga ang car nyo. Sabi ni Ate, hug nya raw ako noon kasi love na love niya ako.”
Tuluyan nang napaiyak si Khat. Naalala niyang muli ang araw na iyon, ipinagdiriwang nila ang ikapitong kaarawan ng kanyang panganay na si Angel, hiling ng bata na mag-swimming sila kaya pinagbigyan nila itong mag asawa.
Hindi nakaiwas ang kanyang mister sa isang truck na nawalan ng preno kaya nabangga sila nito, nasawi si Angel na yakap yakap ang kanyang tyan na noo’y walong buwan na..bale ba ay sobrang excited itong maging ate.
Niyakap niya si Yuan, tama ang kanyang kapatid- hindi lamang siya ang nawalan. Masyado siyang natalo ng kalungkutan sa pagkawala ng mag ama kaya nang isilang si Yuan ay masyado niyang inabala ang sarili sa trabaho para hindi na niya maalala pa ang masakit na nakaraan.
Kinabukasan ay isinama niya ang bata sa puntod ng daddy at kapatid nito, nagsindi sila ng kandila, nagdala ng bulaklak at nagdasal.
Nakangiti si Khat habang nakatitig sa lapida ng kanyang panganay, lumuluha siya, “Anak, ikaw ang the best Ate in the world..” bulong niya.
Umihip ang hangin at nagulat na lamang si Khat nang biglang sumigaw si Yuan, kumakaway pa ito at nakatanaw sa malayo, “Bye Ate! I love you too!”
Simula noon ay naglaan na ng oras si Khat para kay Yuan. Masakit pa rin sa kanya ang mga pangyayari pero kailangan niyang maging malakas para sa kanyang bunso, at kailangang magtuloy ang buhay- iyon ang aral na kinailangan pang ipaalala sa kanya ng kanyang panganay.