Dumalo ang Dalaga sa Kaarawan ng Ina ng Dati Niyang Nobyo; Ganito ang Naging Reaksyon ng Ginang sa Muli Nilang Pagkikita

“Saan ka pupunta, Leslie? Hindi ka ba papasok sa trabaho mamaya? Ilang oras na lang bago ang takdang oras ng pagpasok natin, ha?” pang-uusisa ni Michelle sa kaniyang katrabaho, isang hapon nang makita niya itong bihis na bihis habang naghahanap ng masusuot na sapatos.

“Nagpaalam na ako na hindi ako makakapasok ngayon. Kaarawan kasi ng nanay ng dating nobyo ko, dadalo ako,” sagot ni Leslie habang tinitingnan kung bagay ba ang suot niyang bestida sa napili niyang sapatos. 

“Hindi ba’t hindi ka naman inimbitahan? Bakit ka magpupunta ro’n? Nakakahiya ‘yang gagawin mo,” tugon nito dahilan upang mapataas ang kaniyang kilay.

“Ano naman kung hindi ako imbitahin? Alam ko namang pag nandoon na ako, kahit andoon pa ang bagong nobya ni Jerson, ako pa rin ang aasikasuhin ng pamilya niya,” depensa niya saka bahagyang inirapan ang dalagang ito. 

“Kahit na, Leslie, respeto na lang doon sa bagong nobya niya,” sambit pa nito na labis niyang ikinainis.

“Huwag ka ngang makialam! Gusto ko ngang ipakita sa babaeng ‘yon na sa akin pa rin boto ang pamilya ni Jerson!” bulyaw niya rito saka siya agad na lumabas at padabog na isinara ang pintuan ng inuupahan nilang bahay. 

Isang taon na simula nang iwan ng kaniyang dating nobyo si Leslie. Kahit na matagal na ang panahong nakalipas at may bago na ring nobya ang binatang iyon, hindi niya pa rin matanggap ang pagkawala nito sa buhay niya.

Ito na kasi ang tinuturing niyang mundo noong sila’y nasa isang romantikong relasyon pa. Mabait ito, gwapo, may deteminasyon sa buhay at higi sa lahat, may takot sa Diyos dahilan upang noon pa man, ideklara na niyang pagdating ng tamang panahon, ito na ang lalaking pakakasalan niya.

Advertisement

Dagdag pa ang napakabait nitong pamilya na botong-boto sa kaniya kaya hirap na hirap siyang makausad. Sa katunayan, kada dadalaw siya sa bahay nito, sasalubong na agad sa kaniya ang mga magulang nito. Ipagluluto na siya agad ng nanay nito habang kukuwentuhan naman siya nang kukuwentuhan ng tatay nito habang naghihintay ng kanilang makakain.

Ang mga nakababatang kapatid naman nito, laging nakaupo sa hita niya at siya’y nilalaro dahilan upang labis siyang mapamahal sa mga ito.

Ngunit, dahil sa isa niyang pagkakamali, nasira lahat ng ito. Nagawa niya kasing tumingin sa iba habang nobyo niya ang binatang ito dahilan upang agad siya nitong iwan kahit pa alam niyang mahal na mahal siya nito.

Ilang beses man siyang humingi ng tawad dito, ang tanging sagot lang nito, “Ang gusto ko, ako lang.”

Tagos sa pusong sakit ang naramdaman niya dahil dito at lalo pa itong umigting nang magkaroon ng bagong nobya ang binatang ito. Galit at inggit ang dumadaloy sa kaniyang ugat dahilan upang naisin niyang ipamukha sa bagong nobya nito kung gaano siya kamahal ng pamilya nito.

Noong araw na ‘yon, naalala niyang kaarawang nga pala ng ina nito kaya naman agad siyang nag-ayos upang pumunta sa bahay nito. Sigurado naman siyang may handaan kaya hindi siya nagdalawang-isip na magpunta. Alam niya ring nandoon ang bagong nobya nito at ito na ang oportunidad niya upang maipakita rito kung gaano siya kamahal ng pamilya ni Jerson. 

Gulat na gulat ang pamilya nito sa pagdating niya at upang mabasag ang katahimikan, agad na siyang pinapasok sa bahay ng ina nito.

Kitang-kita niyang titig na titig sa kaniya ang bagong nobya nito dahilan upang lalo siyang magpabibo.

Advertisement

“Tita, ano pa pong pwedeng itulong?” tanong niya.

“Ito, hija, ilagay mo sa gitna ng lamesa tapos umupo ka na at kakain na tayo,” nakangiting sambit nito dahilan upang agad niyang kuhanin ang ulam na hinanda nito.

Ngunit nang mapansin niyang nakaupo na ang babaeng ito sa nakatakdang upuan para sa kaniya, agad niya itong pinaalis.

“Te-teka, rito ako pinaupo ni Jerson,” sambit nito na ikinapang-init ng ulo niya dahilan upang hilahin niya ito patayo at dahil nawalan ng balanse ang dalagang ito, napahawak ito sa tela ng lamesa at nahila ito pababa kasama ang mga pagkaing nakahanda.

Kitang-kita niya ang pagkadismaya sa mukha ng mga magulang ng binata. Tutulong pa lang sana siya sa pagliligpit nang bigla na siyang pagsalitaan ni Jerson.

“Bakit ka ba kasi nandito? Selebrasyon ng pamilya namin ito, at hindi ka kasama. Ang kapal naman talaga ng mukha mong magpunta rito. Hindi ka ba nakokonsensya sa ginawa mo sa akin o kahit nahihiya man lang sa pamilya ko?” galit na sambit nito dahilan upang siya’y maiyak at palabasin na ng mga magulang nito. 

Ganoon na lang ang kahihiyang nararamdaman niya noong panahong iyon, lalo’t higit, nasira niya ang kaarawan ng ina nito.