Binastos at Tinangkang Palayasin ng Dalawang Dalagita ang Matandang Lalaki sa Fast Food; Kahihiyan Lang Pala ang Napala Nila

Binastos at Tinangkang Palayasin ng Dalawang Dalagita ang Matandang Lalaki sa Fast Food; Kahihiyan Lang Pala ang Napala Nila

InspiringKarmaStories

“Gutom na gutom na ako. Kumain na tayo!” malakas na hiyaw ni Fiona sa kaibigang si Desiree.

“Gutom ka na naman? Eh, kakakain lang natin kanina, ah!”

“Sa sobrang hirap ng exam natin kay Ms. De Castro, heto’t nag-aalburuto na naman ang tiyan ko, kaya samahan mo na akong kumain!”

“Okay fine. Tara at maghanap tayo ng makakainan!”

Kakatapos lang ng exam ng dalawang dalagita sa masungit nilang propesor kaya naisipan nilang kumain muna sa malapit na fast food chain sa pinapasukang eskwelahan. Oras na kasi nang tanghalian kaya maraming kumakain kaya nahirapan silang makakuha ng mauupuan.

“Ano ba ‘yan, ang daming tao baka hindi tayo makahanap ng mapupuwestuhan,” inis na sabi ni Fiona.

“Relax ka lang, girl. Naghahanap na ako!” tugon ni Desiree habang lumilinga-linga sa paligid.

Maya-maya ay napansin ng dalawa ang isang mesa na nasa dulong bahagi ng fast food chain. May nakaupo roon na isang matandang lalaki na hindi naman kumakain. Marungis ang itsura nito na inakala nilang isang pulubi. Nilapitan nila ang matanda.

“Manong, hindi naman kayo kumakain diyan, baka maaari kaming makaupo?” pabalang na tanong ni Desiree.

“Oo nga, nakatambay lang naman kayo dito, eh. Kami pong dalawa ay nagugutom na kaya kung puwede, kami naman ang uupo!” hirit ni Fiona.

Tumingin naman sa kanila ang matanda.

“Ay, pasensiya na mga ineng, nagpapahinga lang ako sandali. Medyo nahilo lang ako kanina. Maaari kayong umupo rito sa tabi ko,” sagot ng matandang lalaki.

Nagpanting ang tainga ni Fiona sa narinig.

“Ano? Nakikita mo namang dalawa kami, ‘di ba? Talagang kami pa ang mag-a-adjust sa iyo, manong?” gigil na sabi ng dalagita sa malakas na tono.

Napatingin na sa kanila ang ibang kustomer na kumakain sa loob ng fast food chain.

“Mahiya ka naman, manong. Mga babae kaming tao tapos gusto mong sumiksik pa kami riyan sa upuan? Tumayo ka na lang kasi para matapos na itong diskusyon natin!” sabad ni Desiree.

“Baka naman gusto mong hilahin ka pa namin palabas?” pagbabanta ni Fiona.

Dahan-dahang tumayo ang matanda ngunit tila nahihirapan ito kaya umariba na naman ang bunganga ng dalawang dalagita.

“O, mukhang ang bigat naman ng p*wet mo, manong at hindi ka pa makatayo. Ano ‘yan, paawa epek?” anas ni Desiree.

“Bilisan mo na, manong! Ang dungis mo at ang baho pa ng amoy mo, eh. Nakakadiri! Bakit pa kasi nagpapapasok sila rito ng mga pulubi? Nakakahiya sa mga kustomer na kumakain!” saad ni Fiona.

Nang makatayo na ang matanda ay inabot nito ang tungkod na nasa gilid ng mesa. Napagtanto nilang pilay pala ang matandang lalaking pinapaalis nila. Kaya pala nahihirapan itong makatayo sa pagkakaupo. Nang biglang may dumating na service crew at tinulungan ang matanda.

“Naku, manong pasensiya na kayo kung naghintay kayo riyan. Sumama po kayo sa akin sa loob para makakain na rin kayo at makapagpahinga,” magalang na wika ng lalaking crew at tuluyan nitong naipasok sa staff room ang matandang lalaki.

‘Di nagtagal at lumabas ulit ang service crew at inasikaso na ang dalawang nagrereklamong dalagita.

“Bakit kayo nagpapapasok ng pulubi rito? Paano kung pagnakawan kayo niyan o ang mga kustomer niyo?” tanong ni Fiona.

“Pasensiya na po, ma’am. Kilala po namin ang matanda. Siya po si Mang Uro, ‘yung dating taga-kolekta ng basura rito kaso nagkasakit siya at hindi na nakapagtrabaho kaya nanlilimos na lamang sa kalye. Mabuti na lang at nakita siya ng manager namin kanina, nahilo at nawalan ng malay sa sobrang gutom kaya pinapasok na namin dito sa loob,” tugon ng service crew.

Napaismid na lang ang dalawa sa kwento ng lalaki. Wala silang nagawa kundi ang umupo at umorder na ng makakain dahil ilang minuto na lang ang natitira sa kanila. Pinahiran pa ng alkohol ni Desiree ang inupuan ng matanda para masiguradong wala itong naiwang mikrobyo.

Pagbalik nila sa klase ay napansin nilang may pinagkakaguluhan ang kanilang mga kaklase at mga guro. May pinapanood ang mga ito sa cell phone. Nang tingnan nila iyon ay laking gulat nila nang makita ang video kung saan kuhang-kuha ang ginawa nilang pambabastos at pagpapalayas sa matandang lalaki sa kinainang fast food chain.

“K-kinuhanan tayo ng video, Fiona!” gulat na sambit ni Desiree.

“No! Hindi ito maaari, makikita ‘yan ng parents ko!” mangiyak-ngiyak na sabi ni Fiona.

Mabilis na kumalat sa social media ang video scandal nilang dalawa na umani ng sari-saring negatibong reaksyon mula sa mga nakapanood. Halos hamakin na ng mga nakapanood ng video ang kanilang buong pagkatao dahil sa kasamaan nilang ginawa sa pobreng matanda. Abot-abot na kahihiyan tuloy ang napala nilang dalawa sa nag-viral na video. Wala silang kaalam-alam na isang babeng kustomer ang palihim na kumuha ng video habang binabastos nila ang matanda. Ginawa iyon ng babae para bigyan sila ng leksyon. Para maranasan din nila ang mapahiya.

Kahit saang anggulo ay mali at hindi katanggap-tanggap na gawin sa isang matanda ang pambabastos ng dalawang dalagita. Dapat nga ay ang mga kabataan pa ang unang umuunawa, gumagabay at umaalalay sa mga kagaya ni Mang Uro na nasa dapithapon na ang buhay.

More Stories