Inis ang Ginang sa Matandang Kapitbahay dahil Pakialamera raw Ito; Matapos ng Isang Unos ay Mauunawaan Niya ang Sinasabi ng Matanda

Papasok pa lang sa bahay kasama ang batang anak na si Drake ay halata mo na ang inis sa mukha ni Diane. Kaya nang makita ito ng kaniyang asawang si Greg ay agad itong nagtanong. 

“May nakaaway ka ba sa labas? Bakit ganyan ang itsura mo?” pagtataka ng mister.

“Wala naman. Naiinis lang ako kay Aling Sylvia. Paano ba nama’y nadapa itong Drake habang tumatakbo. Natural naman na bilang isang ina na mapasigaw ako, ‘di ba? Lumapit na naman itong magaling nating kapitbahay at sinabihan ako. Ang sabi niya’y huwag ko raw ipakita kay Drake ang pag-aalala ko at hayaan ko raw na tumayo! Ilang beses na niya akong pinakikialaman sa gagawin ko sa anak ko!” paliwanag ni Diane sa kaniyang asawa. 

“Huwag mo na lang masyadong dibdibin at alam mo naman ang mga matatanda,” saad pa ni Greg.

“Nakakainis lang kasi, akala mo kung sino siyang magaling na ina. Ni hindi ko nga nakikita man lang ang mga anak niya na dinadalaw siya. Marahil ay dahil natural na pakialamera siya at naiimbyerna rin ang mga anak at mga asawa no’n sa kaniya. Naturingan pa namang retired teacher!” patuloy sa pagsasalita si Diane. 

“Hayaan mo na at huwag mo nang bigyan ng pansin. Ang dapat mong bigyan ng pansin ay ‘yung nakatakdang paligsahan sa may pinakamagandang bakuran. Unang beses itong mangyayari sa ating lugar at malaki raw ang premyo. Naisip kita kaagad dahil kita mo naman, napakaganda ng bakuran natin dahil sa mga halamang itinatanim mo. Kaya huwag nang uminit ‘yang ulo mo at pumapangit ka lang,” pag-amo pa ni Greg sa kaniyang asawa. 

“Pagkakataon ko na rin ito para patunayan diyan kay Aling Sylvia na hindi lang siya ang magaling!” saad pa ng ginang.

Simula nang lumipat ang mag-anak sa tinitirhan nila ngayon ay malaki na ang inis ni Diane sa kapitbahay niyang retiradong guro. Sa tingin kasi ni Diane ay pakialamera ito at laging nagmamagaling.

Advertisement

Kaya pagdating sa pag-aalaga ng halaman ay nais niyang pakitaan ang matandang kapitbahay. Nais niya itong ilampaso sa darating na paligsahan.

Tuwing umaga ay dinidiligan ni Diane ang kaniyang mga halaman. Sa tuwing gagawin niya ito ay tinitingnan niya ang mga halaman ni Aling Sylvia. 

“Alam mo ‘yung mga halaman ni Aling Sylvia, tulad niya — natutuyot na!” tumatawang sambit ni Diane sa kaniyang mister.

“Sa tingin ko ay malaki talaga ang tyansa na manalo ka dahil umikot ako sa baryo kaninang umaga at bukod tanging sa’yo lang ang matingkad ang kulay,” saad pa ni Greg.

“Aba’y talagang titingkad ang kulay ng mga halaman ko dahil sagana ang mga iyan sa dilig! Kumukuha nga ako ng tiyempo na pakialaman na naman ako ni Aling Sylvia saka ko ipamumukha sa kaniya ang mga natutuyot niyang halaman!” saad muli ng ginang.

At hindi nga ito nagtagal dahil pagdating ng hapon, muling didiligan ni Diane ang kaniyang mga halaman ay sinita siya ni Aling Sylvia.

“Hindi ba labis na ang pagdidilig mo sa halaman mo, Diane? Hinay-hinay at baka malunod!” sambit ng matanda.

“Naku, Aling Sylvia, alam ko po ang ginagawa ko. Magaling po ako pagdating sa mga halaman. Kita naman po, hindi ba? Kung ako sa inyo ay pakialaman n’yo na lang po ang mga halaman n’yo dahil kung ikukumpara n’yo sa kulay ng mga halaman ko ay natutuyot na iyang sa inyo. Baka hindi man lang kayo magkaroon ng tiyansa na manalo sa paligsahan sa susunod na linggo,” saad naman ni Diane. 

Advertisement

“Sa tingin ko ay maayos naman ang mga halaman ko. Hindi ko naman nais na mainis ka. Ako nama’y nagpapayo lang, hija,” wika naman ng retiradong guro. 

Dahil dito ay labis na namang nainis si Diane. 

“Mapapahiya kang matanda ka kapag ako ang nanalo sa paligsahan! Ipapamukha ko talaga sa’yo na hindi sa lahat ng oras ay magaling ka!” saad ni Diane sa kaniyang sarili.

Limang na araw na lamang ay araw na ng paghahatol kung sino ang mananalo sa may pinakamagandang bakuran. 

Ngunit hindi inaasahan ng lahat na may darating na isang malakas na bagyo ng gabing iyon.

Kinabukasan ay nakita na lamang ni Diane ang kaniyang bakuran na halos wala nang natirang mga halaman. Tinangay na ito ng malakas na hangin mula sa naturang bagyo. Hindi niya maiwasan na manlumo dahil matagal niyang inalagaan ang mga iyon. 

Ngunit naisip niyang kung ang mga halaman niya ay tinangay, maaaring mas matindi pa ang nangyari sa bakuran ni Aling Sylvia. 

Agad niyang nagtungo sa kapitbahay upang tingnan ang bakuran nito. Ngunit laking gulat niya nang makita si Aling Sylvia na nagpupulot lamang ng mga basurang tinangay ng bagyo sa kaniyang bakuran. Ang mga halaman nito ay matatag pa rin ang pagkakatindig.

Advertisement

Hindi tuloy naiwasan ni Diane na tanungin ang matanda.

“Ano po ang ginawa n’yo, Aling Sylvia, at maayos pa rin po ang mga tanim niyong halaman?” tanong ni Diane. 

“Natatandaan mo ba ang sinasabi ko sa’yo na huwag mong didiligan nang masyado ang mga halaman mo? Paunti-unti lamang ang dilig ko sa aking mga halaman. Sapat para mabuhay sila. At dahil nga hindi sila lunod sa tubig ay naghahanap ang kanilang mga ugat ng masisipsip na tubig. Dahilan para kumapit ang kanilang ugat nang matindi sa lupa nang sa gayon, sa mga oras na katulad ng bagyo ay magiging matatag sila at hindi tatangayin,” wika ni Aling Sylvia. 

“Ganoon din sa iyong mga anak. Huwag mong mamasamain ang mga payo ko sa’yo. Nais ko lamang na tumibay ang kalooban ng iyong anak dahil sa buhay na ito ay hindi laging narito tayong mga magulang nila para umalalay sa kanila. Kapag may pagsubok, dapat ay alam nila mismo kung ano ang gagawin,” saad ni Aling Sylvia. 

Ilang sandali pa ay nariyan na ang mga anak ni Aling Sylvia pati na rin ang mga manugang at mga apo niya. Lahat ay pawang nag-aalala sa kalagayan ng matanda.

Doon ay napagtanto ni Diane ang aral na nais ibahagi ni Aling Sylvia sa kaniya. Humingi siya ng pasensya sa lahat ng mali niyang nagawa at simula noon ay madalas na silang magkwentuhan.

Madalas din kung humingi ng payo itong si Diane kay Aling Sylvia at marami siyang natutunan sa buhay mula sa retiradong guro. Naging maayos ang kanilang pakikitungo sa isa’t isa. Itinuring na ring parang ina ni Diane itong si Aling Sylvia.