Inday TrendingInday Trending
Bulag Ka, Bingi Ako, Saan Tayo Patungo?

Bulag Ka, Bingi Ako, Saan Tayo Patungo?

Perfect couple ang tingin ng marami kina Marjorie at Adrian. Limang taon na silang magkarelasyon, kaya naman, isang araw, nagulat si Marjorie nang mag-propose si Adrian sa kanya sa harap ng kanilang mga katrabaho. Nagkakilala sila dahil doon. Malapit na ang Pasko noon kaya nagkaroon ng Christmas Party ang kanilang kompanya. Sa isa sa mga parlor games, doon isinagawa ni Adrian ang wedding proposal. Hindi naman siya nabigo. Nakuha niya ang matamis na “Yes, I will” sa tanong niya na “Will You Marry Me?”.

Masayang-masaya sila habang pauwi nang gabing iyon. Hawak-hawak ni Adrian ang kamay ni Marjorie na may engagement ring. Hinalik-halikan ito. Ang isang kamay naman ay abala sa pagmamaneho. Nagkakatawanan sila dahil sa nangyaring engagement nang isang traktora ang bigla na lamang sumulpot sa kanilang harapan. Bumangga sila rito, at nagdilim ang kanilang mga paningin.

Ilang araw din silang nasa ospital simula nang maaksidente, nang ganap silang magkamalay. Isang katotohanan ang tumambad sa kanilang harapan. Dahil sa lakas ng impact ng kanilang pagkakabangga, nawalan ng paningin si Adrian samantalang nabingi naman si Marjorie. Ayon sa mga espesyalista, pansamantala lamang daw ito, at nangyayari daw talaga ito kapag dumaan ang tao sa labis na stress.

Kinailangan nilang tumigil sa pagtatrabaho dahil sa nangyari. Si Adrian ay nanatili lamang sa bahay dahil sa pagkawala ng paningin. Si Marjorie naman ay nagtutungo kay Adrian. Medyo nakakarinig-rinig na siya, subalit kailangan pa siyang sigawan para lamang marinig niya nang lubusan ang mga sinasabi sa kanya ng mga tao.

Hindi naging madali para kay Adrian ang kanyang pinagdaanan. Naging masungit siya at naging mainitin ang ulo niya. Sanay kasi siyang nagtatrabaho, at mahirap para sa kanya ang kanyang sitwasyon. Mabuti na lamang at nabulag siya na malaki na’t malay na siya sa lahat ng bagay sa kanyang paligid, kaya alam na niya kung paano magtungo sa banyo, kapag aakyat ng hagdan, magtutungo sa kusina, at marami pang iba.

Hindi naman siya makagawa ng mga naiwang paperworks dahil hindi niya makita ang mga keypads ng kanyang laptop. Hindi rin siya makapagtext o makapagchat.

Isang araw, naisipan ni Marjorie na ipasyal si Adrian. Gusto niyang ibalik sa dati ang sigla sa buhay ng boyfriend. Tinulungan sila ng kanyang Kuya Fred. Ito ang nag-drive para sa kanila. Nagtungo sila sa parke na una nilang pinagkitaan.

“Love, nandito tayo sa unang lugar kung saan tayo nagkakilala….” masayang sabi ni Marjorie. Dumadampi sa kanilang balat ang malamig-lamig na simoy ng hangin.

“Buti ka pa nakikita mo… puro dilim ang nakikita ko…” malungkot na sabi ni Adrian.

“Ano love? Anong sabi mo?” tanong ni Marjorie kay Adrian. Hindi niya maintindihan an sinabi nito.

“Sabi ko, wala akong nakikita… pero naririnig ko nang malakas ang tibok ng puso mo…” sabi ni Adrian kay Marjorie.

“Wala akong dalang puto, love… sorry! Gusto mo ba ng puto?” tanong ni Marjorie kay Adrian. Naririnig niya ang tunog ng pagsasalita ng boyfriend, subalit hindi niya maintindihan.

“Wala, nevermind. Nevermind…” nasabi na lamang ni Adrian.

“Yes, Adrian. You’re blind. Pero nandito ako sa tabi mo. Hindi kita pababayaan,” sabi ni Marjorie kay Adrian. Akala niya, sinasabi ni Adrian na siya ay bulag.

Nagpanting ang tenga ni Adrian. “Love, paano mo ko maaalagaan kung hindi mo ko marinig nang maayos? Paano kita maaalagaan kung hindi kita nakikita? Saan ba ito patungo? Tama bang ipagpatuloy pa natin ito?” naiiyak na tanong ni Adrian sa girlfriend.

“Tutungo? Saan mo ba gustong magpunta, love?” tanong ni Marjorie. Akala niya, sinasabi ni Adrian na gusto na nitong magtungo sa ibang lugar.

Napabuntung-hininga na lamang si Adrian. Ipinasya niyang umuwi na lamang at magpahinga. Laging ganoon ang kanilang set up. Laging mali-mali ang intindi ni Marjorie sa mga sinasabi ni Adrian. Dahil aburido sa kanyang sitwasyon, sinabi ni Adrian na maghiwalay na lamang sila ni Marjorie. Wala umanong kapupuntahan ang relasyon ng isang bulag at bingi.

Halos isang buwan din silang hindi nagkita, at namiss nila ang isa’t isa. Isang araw, hindi na nakatiis si Adrian. Nagpasama siya sa isang kamag-anak upang puntahan si Marjorie. Humingi siya ng tawad sa kasintahan. Hiniling niyang magkabalikan sila. Ipinasya nilang magtungo ulit sa parke kung saan sila nagtutungo dati.

“Mahal na mahal kita, Marj. Nawalan ako ng paningin, pero lalong nagdilim ang buhay ko noong nawala ka,” sabi ni Adrian sa kasintahan.

“Hayaan mong ako ang maging mga paningin mo, Adrian. At ikaw naman ang magiging pandinig ko,” sabi ni Marjorie sa boyfriend.

Muling nagkabalikan sina Adrian at Marjorie. Ilang buwan pa ang lumipas, at himalang muling bumalik ang mga paningin ni Adrian. Hindi man naayos ang pagbabalik ng pandinig ni Marjorie, hindi naman ito naging hadlang upang patuloy siyang mahalin ni Adrian. Nagpakasal sila, biniyayaan ng dalawang anak, at masayang namuhay at bumuo ng sariling pamilya.

Advertisement