
Pakiramdam ng Babae ay Palagi na Lang Siyang Inaapi; Tuloy ay Nilalayuan na Siya ng Kaniyang mga Kaibigan!
“O, bakit nakasimangot ka na naman?” natatawang tanong ni Jandy sa kaniyang kaibigang si Mica nang makitang nakahalukipkip ito sa isang tabi. Nanghahaba ang nguso nito at nakabusangot na naman ang mukha.
“Paano, inaasar na naman ako nina Kyla! Nakakainis!” sagot naman ni Mica sa kaibigan. Napakamot na lang sa kaniyang ulo si Jandy dahil sa isinagot nito.
“Baka naman binibiro ka lang,” sabi na lang niya. Sa tagal na niyang kakilala si Mica ay kilalang-kilala na niya ang ugali nito. Napakabalat-sibuyas ng kaibigan niyang ito at kahit sa mga walang kabagay-bagay na dahilan ay nagagalit ito.
“Hindi naman ako nakikipagbiruan sa kanila! Huwag na nila akong idamay sa mga kalokohan nila sa buhay!” naiinis namang sagot ni Mica sa kaniya.
“E, bakit ba? Ano ba ang sinabi sa ’yo?” tanong ulit ni Jandy rito.
“Na may gusto raw ako kay Leo!” muli ay sagot naman ni Mica.
Lalong nangunot ang noo ni Jandy sa narinig. “E, bakit? Totoo naman, hindi ba?” napamaang na aniya. Paano’y totoo namang may gusto ito kay Leo na pareho nilang kaeskuwela at hindi naman iyon lingid sa kaalaman ng lahat.
“Oo nga! Pero ayoko pa rin na inaasar nila ako! Nakakainis kaya.”
Napailing na lamang si Jandy. Naisip niya na siguro ay kailangan niyang payuhan ang kaibigan dahil minsan ay hindi na nagiging maganda ang ugaling ipinapakita nito. Ayaw naman niyang pulaan ito ng ibang tao.
“Alam mo, Mica, minsan matuto ka kasing makipagbiruan. Kaya ka lalong pinagti-trip-an, e. Napaka-sensitive mo,” sinserong sabi ni Jandy sa kaibigan.
Ngunit imbes na maliwanagan ay tila ikinagalit pa ni Mica ang kaniyang sinabi. “Huwag mo akong turuan ng mga dapat kong gawin! Magkaiba tayo! Kung gusto mo silang kampihan, e ‘di doon ka! Akala ko pa naman kaibigan kita!”
“Aba’t—” Ikinapikon ni Jandy ang narinig na sinabi ng kaharap. “Kaya nga kita pinagsasabihan dahil ayaw kong mapulaan ka ng ibang tao dahil diyan sa ugali mo! College students na tayo! Umakto ka naman nang naaayon sa edad mo! Para ka laging batang nag-iinarte kapag hindi nabilhan ng candy, e. Alam mo, kung patuloy na magiging ganiyan ang ugali mo, baka wala ka nang matirang kaibigan. Lahat kami iniisip mong gusto kang apihin, samantalang ang gusto lang naman namin ay makabiruan ka dahil ganoon naman ang magkakaibigan!”
Matapos sabihin iyon ay tinalikuran na ng napipikon na si Jandy ang balat-sibuyas niyang kaibigan. Talagang hind na niya matiis ang ugali nito kaya gusto niya sanang turuan ito ng leksyon. Hindi naman kasi lahat ng tao ay magtitiis sa ugali nito. Siguradong kung magpapatuloy ang ganitong pag-uugali ni Mica ay lalayuan at kaiinisan na ito ng iba.
Tulala si Mica habang sinusundan ang papalayong pigura ng kaibigang si Jandy. Hindi siya makapaniwala sa sinabi ng kaibigan niya. Bigla siyang napaisip tungkol sa mga salitang binitiwan nito… totoo bang gan’on siya?
Biglang bumalik sa kaniyang alaala ang mga pagkakataong umakto nga siya na parang bata sa harap ng kaniyang mga kaibigan dahil lamang sa maliliit na bagay, lalo na kapag sila ay nagbibiruan. Hindi niya naisip na lahat naman sila ay ganoon makitungo sa isa’t isa. Bigla niyang napagtanto na totoo nga ang sinasabi ni Jandy na kung hindi siya titigil ay tuluyan nang lalayo ang mga tao sa kaniya katulad na lang ng nangyayari ngayon.
Matapos ang pangyayaring iyon sa pagitan nila ni Jandy ay hindi na siya muli pang kinausap ng matalik na kaibigan. Tila ba talagang nagalit ito sa inakto niya lalo na sa kaniyang mga nasabi. Sinubukan niyang makipag-ayos dito ngunit talagang matigas ang paninindigan ni Jandy na huwag na siyang kausapin at natatakot si Mica na baka tuluyan nang masira ang pinagsamahan nila. Kaya naman nilapitan niya ang iba pa nilang mga kaibigan para humingi ng tawad.
Nagulat ang mga ito sa kaniyang ikinilos, pero natuwa sila nang malamang handa siyang magbago para sa kaniyang ikabubuti. Ipinakita niya sa kanila na kaya niya ring makisama nang maayos at umakto nang naaayon sa kaniyang edad. Mahirap noong una dahil nasanay siyang kinaiinisan ang karamihan sa mga biro nila, ngunit pinigilan niya ang sarili. Natuto siyang palampasin na lamang ang mga bagay na hindi naman dapat pinagtatalunan.
Ikinatuwa ni Jandy ang pagbabagong iyon ni Mica kaya naman muli na niya itong kinausap. Iyon lang naman ang gusto niya para kay Mica. Ang matuto ito sa pagkakamali nito, dahil magkaibigan sila.