Inday TrendingInday Trending
Pinagtawanan Nila ang Pagiging Kuripot ng Kanilang Manager; Pahiya Sila nang Madiskubre ang Dahilan

Pinagtawanan Nila ang Pagiging Kuripot ng Kanilang Manager; Pahiya Sila nang Madiskubre ang Dahilan

“Guys,” pabulong na tawag ni Jake sa mga katrabahong kasama niya ngayon sa canteen ng kanilang kompanya. May mga kani-kaniyang masasarap na pagkaing nakalapag sa kanilang harapan dahil lunch break na.

“Bakit?” namumuwalang tanong ni Lei sa kaniya. Kasusubo lang kasi nito ng kanin.

Itinuro ni Jake ang puwesto ng manager nilang si Sir Daryl. Agad iyong nilingon nina Lei, Kiel, Paloma at Kurt na mga kasama rin nila sa mesang iyon at kasabay na nagtatanghalian.

“Tingnan nʼyo, itlog na naman ang ulam ni Sir Daryl. Mag-iisang lingo nang puro ganiyan lang ang ulam niya,” natatawa-tawang sabi ni Jake sa mga kasamahan.

“Oo nga. E, panay ang over time niyan ni sir, hindi ba? Ang laki-laki naman ng sahod niya, bakit kaya tinitipid niya ang sarili?” takang tanong naman ni Paloma, pabulong din upang walang ibang makarinig sa kanila.

“Baka naman sa babae nauubos ang sahod niya? Or worse, sa mga fafables!” panghuhula pa ni Kiel sabay hagalpak nang tawa. “Baka mamaya, ka-federasyon pala ʼyang si Sir Daryl, hindi lang nagsasabi.”

Nagtawanan na rin sila dahil sa sinabing iyon ng kanilang katrabaho.

“Kaya nga, e. Sinoʼng hindi makakapag-isip nang ganiyan tungkol sa kaniya, e, napakakuripot niya? Tapos, napakatahimik at seryoso pa na akala mo, laging pagod na pagod. E, ang alam ko, binata naman iyan at nag-iisa sa buhay dahil ulilang lubos na,” ngayon ay si Kurt naman ang nagsalita.

“Oo nga! Alam nʼyo ba? Nakita ko nga ʼyong ginagamit niyang cellphone, e. Basic phone lang tapos, de lastiko na dahil malapit nang masira. Ayaw man lang palitan! Samantalang iyong mga ibang manager dito, nagpapaligsahan sa pabonggahan ng mga bagong gadgets,” muling tsismis ni Jake sa mga kasamahan.

Muli silang nagtawanan habang pasimpleng sinusulyapan ang walang kaalam-alam naman nilang manager na ngayon ay patuloy lamang na kumakain ng baon nitong kanin at isang pirasong pritong itlog. Tawang-tawa pa lalo sila nang makitang natabig ni Sir Daryl ang naghihingalo nitong cellphone at nagkalas-kalas ang mga parte niyon sa sahig.

Nasa kasarapan pa sila noon ng paghagalpak nang bigla na lang may nagsipasok na grupo ng kabataan sa canteen ng kanilang kompanya. May dala-dalang cake ang mga ito, habang nakasuot ng itim na toga at may hawak na mga medalya.

Wala pa mang salitang lumalabas sa bibig nila ay nag-iiyakan na ang limang kabataang nagsipasok doon habang tinutungo ang puwesto ni Sir Daryl na wala pa ring kaalam-alam dahil busy ito sa pamumulot ng mga piraso ng nasira niyang cellphone.

Hanggang sa nagsalita ang isa sa naturang kabataan. Iyong mismong may hawak na cake.

“Kuya Daryl!” nanginginig ang tinig na tawag nito. Agad namang lumingon ang kanilang manager at napangiti nang makita ang mga bata.

“Kuya, graduate na po kami! May mga medals po kami, Kuya Daryl, oh! Ikaw po ang inspirasyon namin. Maraming-maraming salamat po sa pagbibigay mo ng pagkakataong maging maayos ang buhay namin. We love you po, Kuya!” ang makabagbag damdamin at umiiyak na anang naturang dalaga sabay yakap sa kanilang Kuya Daryl.

“Kuya, kaya po kami nagpunta rito ay para personal na ialay sa ʼyo ang karangalang natanggap namin sa aming pagtatapos. Maraming-maraming salamat po sa pagpapaaral sa aming lima, kahit na hindi mo kami kaano-ano. Ikaw po ang idolo namin” sabi pa ng isa.

Nagkagulatan ang magkakatrabahong Jake, Kiel, Paloma at Kurt sa kanilang nalaman!

May limang kabataang pinag-aaral si Sir Daryl kahit hindi nito kaano-ano! Lumalabas pang ang mga kabataang ito ay nakasalamuha lamang ni Daryl noong ito ay bumisita sa kinalakihan niyang ampunan nang ito ay maka-graduate na ng kolehiyo sa sarili niyang pagsisikap.

Biglang napipi ang magkakaibigan, lalo na si Jake, nang malaman ang kuwento ng kabutihang iyon ng kanilang manager.

Kaya pala ito ganoon na lang kung magtipid ay may lima pala itong sinusuportahan sa pag-aaral. Kaya pala kahit mag-isa lang ito sa buhay ay ganoon na lang ito kung magsumikap!

Napakabuting tao pala ng kanilang manager na si Sir Daryl, pagkatapos ay nagawa pa nila siyang pagtawanan nang dahil lamang sa pag-aakalang siya ay isang kuripot! Kalaunan ay napagtanto nilang higit pa sa pagiging galante ang katauhan ni Sir Daryl dahil mayroon itong isang malaki at mapagmalasakit na puso.

Simula noon ay hinangaan na ng magkakaibigan ang kanilang manager. Pinagsisihan nila ang araw na kanila itong pinagtawanan.

Advertisement