Anak ng Mayor ang Mapapangasawa ng Babaeng Ito, Kung Kaya Nagtataka ang Lahat Kung Bakit Halos Himatayin Siya sa Kaiiyak
Si Akeisha ay isang napakagandang bride na suot-suot ang isa ata sa pinakamagandang puting gown. Umiiyak niyang tinatahak ang daan patungo sa altar habang nakatitig lamang sa harap. Ang mga tao’y namamangha sa taglay niyang kagandahan. Hindi nila lubos-maisip kung bakit ganoon nalang ang pag-iyak ng bride. Pero sa isip nila’y kahit sino’y maiiyak sa ganitong kagarbong kasal. Bukod sa mayaman ay napakagwapo pa ng mapapangasawa niya. Kaya naman napakaraming dalagang naiinggit sa buhay ni Akeisha. Tila siya isang Cinderella na nakahanap ng kanyang perpektong prince charming. Anak ng mayor ang napangasawa ni Akeisha kaya naman tila talaga siya isang prinsesa sa kasal niya. Habang papalapit nang papalapit siya sa altar ay kay-lakas ng tibok ng dibdib niya. Nanginginig ang buong-kalamnan niya at tila hihimatayin siya anumang oras. Hindi niya mapaniwalaan ang nakikita at nangyayari sa kanya ngayon. Kaya naman wala na siyang nagawa kundi ang umiyak na lamang. Inabot ng groom ang kanyang kamay at saka inalalayan patungo sa altar. Doon ay tila lalo na siyang nawalan ng hangin. Para bang kay sikip ng paligid at parang umiikot ang mundo niya. “Okay ka lang?” tanong ni Harvey, ang groom. Tumango siya, “Oo.” Nagsimula nang magsalita ang paring hindi pa katandaan. Hindi nalalayo ang agwat nito sa parehong ikinakasal. “Ang gwapo naman ni Father,” malakas na bulong ng kanyang bridesmaid. Ngunit sa napakaraming bulungan ay wala ‘ni isa siyang maintindihan. Nagbalik nalang siya sa kasalukuyan nang maramdaman niya ang mahinang pagsiko ni Harvey. “Tinatanggap mo ba ang lalaking ito upang iyong maging katipan panghabambuhay?” Nakatitig lamang si Akeisha sa pari, sa isip niya’y manghang-mangha siya kung paano nito nagagawang itanong iyon sa kanya nang ganoong kadali. Gusto niyang sampalin ito. Ayaw niya lamang magkasala sa harap ng Panginoon. Pero nagagalit talaga siya sa lalaking ito na iniwan siya noon. Ang buong-akala niya’y totoong nambabae nga ito. Ilang taon siyang nagdusa para lamang makalimutan ito. Pero ngayong handa na siyang magmahal ulit ng iba, ay dito niya pa makikita itong muli. Sa lugar at pangyayaring pinaka-hindi niya inaasahan. “I do,father,” may diin sa pagkakasabi niya doon. Kahit masakit at kahit gaano kahirap ay muli niyang tatanggapin sa sarili na wala na nga ito sa buhay niya. Ang lalaking minahal niya nang sobra noon, ay isa nang tagapaglingkod ng Diyos ngayon.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!