Hindi Naging Maganda ang Pakikitungo ng Babae sa Kaniyang Dating mga Kaeskuwela; Naturuan siya ng Leksyon Nang Maimbitahan sa Kanilang Hayskul Reunion
Bata pa lamang si Niki ay nagpamalas na siya ng talento sa pag-awit at pagsayaw, bukod pa dito ay maaga ring napansin ang angkin niyang kagandahan. Kaya naman noon pa lang ay isinasali na siya ng kaniyang ina sa mga patimpalak at beauty contest. Sa lahat ng kaniyang sinalihan ay palagi siyang nananalo, dahilan upang maging sikat siya sa kanilang lugar.
Nang pumasok siya sa hayskul ay lalo pang naging magandang dilag si Niki, maraming binata ang nagkakagusto sa kaniya at karamihan sa mga dalaga ay nais siyang maging kaibigan. Ngunit maganda man ang panlabas ay unti-unting lumalabas ang kaniyang panget na ugali.
“Saan ka kumuha ng lakas ng loob na tanungin ako kung puwede kang manligaw? Nakikita mo ba ang itsura mo? Ang taba-taba mo! Hindi tayo bagay.” Paninigaw niya sa pobreng lalake.
“Pasensya na Niki, di na mauulit.” Nakayuko itong lumakad papalayo sa sobrang hiya dahil pinagtatawanan na siya ng ibang mga estudyante.
Sa loob ng apat na taon niya sa hayskul ay pawang mga lalaking may itsura at sikat lamang ang kaniyang pinapansin, naging nobyo niya ang basketball MVP ng kanilang eskuwelahan at pati na rin ang guwapong lead singer ng isang banda ngunit sa huli ay iniiwan rin lamang siya ng mga ito.
“Hindi ka kawalan James, marami yatang naghahabol sa akin.” Wika niya sa nobyong nakikipaghiwalay
“Sa sama ng ugali mo, hindi mo namamalayan pati yang itsura mo’y pumapangit na, walang lalaki ang tatagal sa primadonna mong ugali.” Sagot naman nito bago umalis.
Hanggang sa pagtuntong niya ng kolehiyo ay ganito ang kaniyang naging gawi, wala siyang tumatagal na relasyon dahil hindi natitiis ng mga lalaki ang kaniyang panget na ugali.
“Maganda naman ako diba Kelly? Bakit palagi na lang nila akong iniiwan?” Tanong niya sa kaibigan.
“Oo Niki, pero bilang kaibigan mo ay magiging tapat ako sa ’yo, medyo hindi kasi maganda ang pakikitungo mo sa kanila. Tignan mo ako, hindi naman ako kagandahan, inaasar mo pa akong negra pero mahal na mahal ako ni Rome.” Sagot nito.
“Aba! Dapat nga ay matuwa pa sila na nobya nila ang isang katulad ko. Paano mo naman nasabing mahal ka talaga ni Rome?”
“Niki, hindi naman pwedeng maganda lang ang panlabas, dapat maging mabuti ka rin sa kanila. Ah, basta. Ramdam ko, mahal na mahal ako ni Rome.” Sagot ni Kelly.
Pinagsawalang bahala niya ang payo ng kaibigan, nakatapos si Niki sa kolehiyo at nakahanap ng trabaho. Sa paglipas ng panahon ay unti-unti na rin lumilipas ang kaniyang kagandahan. Naging abala siya sa paghahanapbuhay at halos hindi na niya nagagawa pang ayusan ang sarili.
Makalipas ang limang taon ay nakasalubong niya ang isa niyang kaklase noong hayskul.
“Niki? Niki ikaw na ba yan? Ako to si Cherry! Magkaklase tayo noon.” Pagpapakilala nito sa kanya
“Huy, kamusta ka na! Oo natatandaan kita ano! Magkatabi tayo sa klase hindi ba?”
“Ang laki ng pinagbago mo, ah. Dadalo ka ba sa hayskul reunion natin?” Tanong nito.
“Mayroon ba? Parang wala naman akong nababalitaan. Kung sa bagay, matagal na rin naman nang huli kong makausap ang mga kaibigan ko noon.”
Inimbita ni Cherry si Niki at ibinigay sa kaniya ang mga detalye ng gaganapin na reunion. Ito ay idaraos sa dati nilang paaralan sa susunod na linggo at dadaluhan ng kanilang pangkat. Lubos itong pinaghandaan ni Niki, bumili siya ng bagong damit, sa isip niya’y hindi siya maaring makita ng dating mga kaibigan na losyang.
Sa araw ng reunion ay sobra siyang nasabik, inunat niya ang kaniyang buhok, naglagay ng make-up, nagsuot ng aksesorya at mataas na sapatos. Alam niyang makikita siya ng mga lalaking dating nagkandarapa sa kaniya at ayaw niya silang biguin.
Pagdating doon ay agad niyang nakita ang dating mga kaibigan, nilapitan niya ang mga ito at laking gulat niya na ibang-iba na ang kanilang mga itsura. Mayroong tumanda at meron ding ilan na sobrang umangat sa buhay. Naroon din si Kelly at nobyo nitong si Rome. Ikinasal na pala ang dalawa. Sadyang napakasaya nila. Pinagmamasdan niya ang mga ka-eskuwela ng biglang mag-anunsyo ang emcee.
“Ladies and gentlemen, please welcome our special guest Mr. Erwin Vasquez.”
Nagsigawan ang lahat ng tao, nang lingunin ito ni Niki ay nakita niya ang lalaking ipinahiya niya noon, isa na ito ngayong matagumpay na business man, bukod doon ay nagbago ang kaniyang postura, mayroon na itong maayos at matipunong pangangatawan at napaka gwapong imahe.
“Cherry, si Erwin na ba yan? Sigurado kayo?” Bulong niya.
“Oo Niki, siya ang nagsponsor ng reunion na ito, alam mo napakayaman na din niya ngayon, at tingnan mo yung babae sa tabi ng stage, asawa niya iyon, napakagandang babae di ‘ba? Balita ko ay alaga pa ng mga doktor ang kutis niya.” Tsismis naman nito sa kaniya.
Natahimik si Niki sa mga nabalitaan at halos lamunin siya ng hiya sa silyang kinauupuan. Ang mga lalaking noo’y handang ibigay sa kaniya ang buwan at mga bituin ay dinadaan-daanan na lamang siya ngayon. Karamihan sa mga ito ay nagtagumpay na sa buhay at masaya sa piling ng mga naggagandahang asawa. Samantalang siya’y hindi pa rin nakakatagpo ng nobyong hindi siya iiwan.
Natapos ang party at nagsi-uwian ang lahat ng may malaking ngiti sa mga labi. Si Niki naman ay naiwang nakaupo sa silya at halos mawala sa katinuan sa pagsisisi.
“Kung maibabalik ko lamang ang nakaraan, hindi sana ako nagmaldita, siguro ngayo’y masaya na ako sa piling ng isa sa mga nagguguwapuhang lalakeng naririto.” Saad niya sa kaniyang sarili.