Inday TrendingInday Trending
Tinangkang Suhulan ng Isang Tulak ang Pulis na Umaresto sa Kaniya; Patutunayan Nitong Nagkakamali Sila ng Akala

Tinangkang Suhulan ng Isang Tulak ang Pulis na Umaresto sa Kaniya; Patutunayan Nitong Nagkakamali Sila ng Akala

“Wala akong ginagawang masama. Wala akong kinalaman diyan sa—sa ibinibintang nʼyo sa akin!”

Sigaw nang sigaw ang nakaposas na lalaki habang iginigiya ito ng pulis na si Paul papasok sa selda. Kasunod nila ang asawaʼt mga magulang ng lalaking nasakote nila sa isang buybast operation na hinihinala nilang tulak ng ipinagbabawal na gamot. Matagal na pala itong pinaghahahanap ng pulisya sa ibang lugar sa Pilipinas at nagkataong dito sa kanilang lugar ito nahuli.

“Magbibigay ako ng malaking halaga para sa kalayaan ng anak ko. Sabihin nʼyo lang kung magkano at ngayon din mismoʼy matatanggap ninyo ang kabayaran,” taas noong panunuhol pa ng ama ng lalaking nasakote nila kay Paul na siyang kapitan sa istasyong iyon. Mukhang sanay na sanay na ito sa ganoong kalakaran, kaya pala kahit makailang ulit nang nagpabalik-balik sa selda ang anak nito ay mabilis lamang na nakakawala.

Napangisi si Paul sa narinig mula sa kausap bago niya sinalubong nang taas noo rin ang tingin nito.

“Sige ho, Sir, mag-iwan na lang kayo rito ng pera…” Mapapangiti na rin sana ang ama ng nahuli niyang tulak ng ipinagbabawal na gamot kung hindi nga lang sana niya dinugtungan ang sinabi… “Para naman ho madagdagan ang ebidensya ko laban sa anak nʼyo at mas madagdagan din ang kaniyang sintensya. Abaʼy ang tagal na panahon ho akong pinahirapan niyan, e,” ang matapang, matuwid at puno ng katapatang sagot niya.

Natahimik ang manunuhol na ama sa kaniyang harapan. Para bang labis nitong ikinabigla ang kaniyang isinagot.

“Hindi mo kilala kung sino ang kinakalaban mo! Magpakasaya ka na ngayon, dahil hindi magtatagal makikita mo ang hinahanap mo!” nang mapahiya nang todo ay pagbabanta na nito. Nanatili namang kalmado si Paul na nooʼy may pahuli pang salita bago magsi-alis ang mga ito.

“Mawalang galang na ho, pero wala ho akong paki-alam kung sino man kayong ponsyo pilato. Nagkamali ho sa batas ang anak nʼyo at dapat niyang pagbayaran iyon.”

Hindi lumipas ang beinte kuwatro oras ay agad na kumalat ang isang voice recording sa social media, tungkol sa naging pag-uusap ni Police Captain Paul Montez at ng ama ng tulak na kaniyang nasakote. Isa iyong putol at mapanlinlang na audio recording na siyang naghahangad na sirain ang binatang pulis.

“Sige ho, Sir. Mag-iwan na lang ho kayo rito ng pera,” ang mga katagang maririnig sa voice recording na walang dudang nagmula nga sa tinig ng inirereklamong pulis.

Marami ang nagulat sa naturang balita. Marami ring agad na naniwalang nanghihingi nga ng lagay si Paul mula sa mga ito, kapalit ng kalayaan ng naturang kriminal!

Lingid sa kaalaman ng pamilya ng tulak na madulas ay masugid ang naging pag-iimbestiga ni Police Captain Montez sa kanilang pamilya at alam na alam na nito ang kanilang mga modus operandi kaya naman naging madali na lang para dito na paghandaan ang kanilang paghaharap. Noon mismong mga oras na hindi siya nilulubayan sa kabubuntot ng pamilya nito ay sinimulan na niyang i-on ang kaniyang video recording sa kaniyang cellphone at inilagay iyon sa bulsa ng kaniyang polo upang hindi makaligtas ang mukha ng mga kawatan.

Talagang napakatalino ng naging hakbang na iyon ng pulis kaya naman naging mabilis ang pagbabasura ng korte sa kasong inihain laban sa kaniya.

Samantala, tila pa nabaligtad ang sitwasyon sa pagitan ng pamilya Aguire at ni Police Captain Paul Montez, dahil ang nahuli niya nang tulak at ang ama na nito ngayon ang siyang humaharap sa kasong ‘briberyʼ o tangkang panunuhol na siyang magbubukas naman ng oportunidad para mas maimbestigahan ito nang malalim.

Talagang nakabibilib ang ginawang kabayanihan ni Paul, dahil sa pagpapakita nito ng katapatan at katatagang mapanindigan ang kaniyang sinumpaang tungkulin. Dahil doon, bukod sa agad siyang naibalik sa serbisyo ay nakatanggap pa siya ng parangal. Kinilala rin siya ng nakararami at nakuha niya ang simpatiya at respeto ng napakaraming taong nakaaalam ng nangyari.

Nawaʼy tularan din ng karamihan ang dedikasyon ng matapat na pulis sa pagbibigay ng kaniyang serbisyong tapat at totoo sa sambayanang Pilipino.

Hindi nagtagal ay nahatulang “guilty” ang mag-amang matagal ding naging sakit sa ulo ng bansa at halos magbunyi ang buong Pilipinas dahil sa pagkatalo ng mga ito sa kaso!

Patuloy pang nagsilbi sa bansa si Paul at talagang pinatunayan ng binatang pulis na hindi lahat ng kapulisan ay masama. Mayroon ding mga kagaya niyang puno ng dedikasyon at pagmamahal sa bayan at sa mga mamamayang kaniyang sinumpaang paglilingkuran.

Advertisement