Isang Pagkakamali, Habang Buhay na Pagsisisi
Laging pinagsasabihan si Mae ng kanyang ina tungkol sa pagbo-boyfriend. Mahigpit itong ipinagbabawal sa kanya, dahil maraming kabataan daw ang maagang nabubuntis.
“Tandaan mo, pag naibigay mo iyang puri mo sa maling lalaki, wala nang seseryoso sa’yo. Masisira na din ang buhay mo,” saad ng ina ni Mae.
“Opo nay. Naiintindihan ko naman po,” sagot naman ng dalaga.
Likas na mabait at masunurin naman si Mae, pero tulad ng karamihan, hindi maiiwasang matukso at magbukas ang puso niya para sa pag-ibig.
Nakilala niya ang kamag-aral na nagngangalang Patrick. Gwapo ito, matangkad, magaganda ang mga ngipin at maraming babae ang nagkakandarapa, mapansin lang ng binata.
Maraming nagtangkang ligawan si Mae, pero wala ni isa sa mga ito ang binigyan niya ng pagkakataon. Takot kasi siya sa nanay niya. Maganda naman si Mae, singkit ang mga mata, maganda ang hubog ng katawan at makinis ang balat. Kaya halos pumila din ang mga nanliligaw sa kanya.
Habang kumakain sa kantina ng paaralan noon. Laking gulat niya nang umupo si Patrick sa harapan niya at saka ngumiti.
“Pwede bang makisabay sa’yo, miss?” tanong ng binata.
Hindi naman agad nakapagsalita ang dalaga dahil napatunganga ito sa gwapong mukha ng lalaki.
“S-sige,” matipid na sagot ni Mae.
“Bakit nag-iisa ka lang? Wala ba ang boyfriend mo para samahan ka?” tanong muli ng binata.
“Wala akong boyfriend.”
“Ha? Hindi ako naniniwala. Sa ganda mong iyan, wala kang nobyo? Niloloko mo naman ako eh,” pang-uusisa pa ni Patrick.
“Never pa akong nagkaroon ng boyfriend. Hindi kasi ako pinapayagan ng nanay ko,” nahihiyang sagot naman ng dalaga.
“Teka, ilang taon ka na ba? Bakit tila yata napakahigpit pa rin sa’yo ng magulang mo?” sabi ng binata.
“18 na ako, pero sila kasi ang nagbabayad ng matrikula ko. Sila ang gumagastos para sa akin, at hangga’t nasa puder nila ako, kailangan kong sumunod sa sinasabi nila,” pagtatanggol ni Shane sa mga magulang.
“Alam mo, ganyan ang mga tipo kong babae. Yung good girl. Ang sarap sigurong magkaroon ng girlfriend na katulad mo,” malambing na saad naman ni Patrick.
Napalunok naman si Mae at bahagyang nakaramdam ng pag-iinit sa mukha. Nang makita ng binata na tinamaan ang puso ng babae sa sinabi niya, hindi na siya nagdalawang-isip pang kunin ang numero nito.
Nagsimulang mag-usap ang dalawa sa text. Halos hindi naman na matanggal ang mukha ng babae sa kanyang cellphone habang kinikilig na nakikipag-usap kay Patrick.
“Aba Mae, hindi mo na ata inintindi ang pag-aaral mo dahil maghapon ka nang nakatutok diyan sa telepono mo. Sino ba iyang kausap mo ha?” galit na tanong ng ina ni Mae.
“Kaeskwela ko po nay. Nagtatanong lang po tungkol doon sa topic namin sa school, kaya ipinapaliwanag ko lamang naman po,” pagsisinungaling naman ni Mae sa kanyang ina.
Hindi doon natapos ang pagsisinungaling ng dalaga. Madalas siyang ginagabi ng uwi dahil sa pakikipagdate kay Patrick. Pero lagi niyang idinadahilan sa ina na mayroon kasi silang proyekto na kailangan tapusin.
Dahil ito ang unang beses na nagmahal si Mae, napakadaming bagay ang kanyang naisakripisyo. Madalas na siyang tumakas sa klase at hindi pumasok para lamang makipagdate.
Hindi na niya inisip ang kapalit ng mga maling gawain, kaya’t pinabayaan na lamang niya ng ganun ang pag-aaral. Buong akala niya, sa pag-ibig na lamang iikot ang kanyang mundo.
Isang araw, nakatanggap siya ng mensahe mula kay Patrick:
“Babe, magkita naman tayo. Labas tayo pls!” sabi ng binata.
Agad namang tumugon ang dalaga. “Nako, alas sais na. Gabi na, baka hindi na ako payagan ni mama.
“Mahal mo ba talaga ako, Mae?”
“Oo naman. Ikaw ang kauna-unahang lalaking minahal ko. Bakit mo naman natanong iyan?”
“Kung tunay ngang mahal mo ako, katagpuin mo ako sa K Motel ngayong gabi. Yun yung motel malapit sa school. Patunayan mo ang pagmamahal mo sa akin,” paghahamon ng binata.
Napaisip ng matagal si Mae. Kapag umalis siya at kinatagpo ang binata, alam na niya ang mangyayari. Alam niyang mali ito, pero kahit anong gawin niya, pilit siyang binubulabog ng kanyang damdamin. May kung anong nagtutulak sa kanya na pumunta.
Tumunog muli ang kanyang cellphone, nagtext muli si Patrick. “Mahal na mahal kita, Mae. Sana ganoon ka din sa akin.”
“Mahal na mahal din kita, Patrick. Intayin mo ako sa labas. Magkita tayo sa tapat ng K Motel ng alas siyete. Pupuntahan kita,” nagmamadaling sagot ng dalaga.
Naligo kaagad si Mae at nag gayak ng sobra. Nagpabango siya at siniguradong magandang-maganda siya para sa kanilang pagkikita.
“O Mae? Gabing-gabi na ah? Bakit nakabihis ka?” tanong ng ina sa dalaga.
“Ah nako nay, may kailangan pala kaming tapusin na proyekto ngayon. Bukas daw ang pasahan kaya lahat kaming magkakagrupo ay magkikita-kita.
Huwag kang mag-alala nay, uuwi kaagad ako. Aayusin ko lamang yung kailangan sa proyekto. Para naman po ito sa pag-aaral ko, kaya sana ay magtiwala kayo sa akin,” pagsisinungaling muli ng dalaga sa kanya ina.
“O siya, mag-iingat ka ha? Eto ang dalawang daan, baka kailanganin mo. Umuwi kaagad pagkatapos anak ha?” nakangiting sabi ng ginang.
Mabilis na umalis si Mae. Sa kalagitnaan ng byahe, doon lamang niya naalala na hindi pala niya dala ang kanyang cellphone. Pero kahit na ganoon, di na siya nagpapigil pa, itinuloy na lamang niya ang pagpunta.
Dumating siya sa nasabing tagpuan, sampung minuto makalipas ang alas siyete. Nakita niya na nag-aabang si Patrick doon habang nakatingin sa hawak na cellphone.
“Babe!” pagtawag ni Mae sa binata.
“Kanina pa akong text ng text at tawag ng tawag, hindi ka naman sumasagot. Akala ko hindi mo na ako sisiputin eh,” iritableng sabi naman ni Patrick.
“Pasensya ka na ha? Nagmamadali din kasi ako kanina kaya naiwanan ko ang cellphone ko,” paghingi ng paumanhin ni Mae.
“Ayos lamang. Pero, babe. Kaya mo bang patunayan ang pagmamahal mo sa akin? Kaya mo bang sumama sa akin sa loob? Kung tunay ngang mahal ko ako, sasama ka sa akin at gawin natin iyon, pero kung hindi, malaya kang iwan ako dito,” pagpapaawa ng lalaki.
“Basta ipangako mo na hindi mo ako iiwan pagkatapos. Handa akong ibigay lahat ng makapagpapasaya sa’yo. Wag ka lamang mawala sa akin,” tugon naman ng babae.
Napangiti ng malaki si Patrick at saka tumango. Sabay silang pumasok sa loob ng motel para mag check in. Halos sumabog naman ang dibdib ni Mae sa sobrang kaba, pero dahil mahal nga niya ang binata, pumayag na rin siya.
Matapos maligo ay sinimulan na ni Patrick ang pagpapainit sa dalaga. Hinalikan niya ito sa may tenga, patungo sa labi at pababa sa leeg.
Nasa kalagitnaan na sila ng pag-iinit ng katawan nang biglang makarinig sila ng malakas na katok mula sa pintuan. Balak pa sana nilang ituloy ang gagawin, subalit sunod-sunod na ang malalakas na katok nito.
“Mga abala naman ‘tong mga ‘to!” galit na sabi ng binata habang nagsusuot ng saluwal.
Pagkabukas niya ng pinto ay tumambad sa kanya ang dalawang pulis at isang galit na galit na babae.
“Nasaan ang anak ko?!” tanong ng ginang.
Hindi naman na nakapagsalita si Patrick. Hindi niya magawang pumalag dahil may dalawang pulis na nakabantay sa kanila.
Agad na pumasok ang babae sa loob ng kwarto. Nanlaki ang mga mata ni Mae nang makitang nandoon ang kanyang ina habang hawak-hawak ang cellphone niyang naiwan sa bahay.
Halos umapoy ang mata ng ina ni Mae nang madatnan nitong nakakalat sa lapag ang mga damit ng anak. Tanging puting kumot lamang ang nakataklob sa hubad nitong katawan.
“Pinagkatiwalaan kita! Hindi ako nagkulang sa pagpapayo sayo, pero puro kasinungalingan lamang pala ang isusukli mo sa akin?! Anung klaseng tao ka ha? Anak pa ba kita at ina pa ba ang turing mo sa akin?” sigaw ng ginang.
Hinablot ng babae ang buhok ni Mae at saka hinila pababa ng kama.
“Patawad, nay! Patawarin po ninyo ako. Hindi na po mauulit. Pangako!” iyak ng dalaga habang pilit na tinatakpan ang hubad na katawan sa sahig.
Lumapit ang ina ni Mae kay Patrick at saka ito sinampal ng isa.
“Hindi ko binuhay ang anak ko para lang gamitin mo diyan sa kalib*gan mo! Sa susunod, umayos ka, dahil hindi lang sampal ang aabutin mo sa akin,” galit na pahayag ng ginang.
Hindi nagkikibuan ang mag-ina hanggang sa sila’y makauwi. Kinabukasan, nagtungo ang ina ni Mae sa paaralan upang alamin ang estado ng kanyang anak.
Napaluha siya nang malaman na ‘dropped’ na pala ang dalaga sa lahat ng subject nito. Niloko na nga siya ng anak, pinabayaan pa ang pag-aaral.
Hindi pa doon natapos ang karma kay Mae, nabalitaan nilang nakabuntis pala si Patrick ng ibang babae, subalit hindi nito pinanagutan. Napakaraming babae na rin pala ang naloko at naiwan ng binata matapos makuha ang gusto.
Hindi naman na pinalabas o pinabalik muna sa eskwela ang dalaga bilang parusa sa mga maling ginawa nito. Abot hanggang langit ang pagsisisi ni Mae sa ginawang panloloko sa ina at pagpapabaya sa pag-aaral. Muntikan pa niyang isuko ang sarili sa lalaking manloloko naman pala.
Kaya’t naging isang malaking aral ang pangyayaring iyon sa buhay ni Mae. Habang buhay niyang pagsisisihan ang kasalanang gawa at habang buhay din niyang kailangan patunayan ang sarili niya maibalik lang ang nawalang tiwala sa kanya ng magulang.