Inday TrendingInday Trending
Dahil Asawa ng Seaman, Napakamapagmataas ng Ginang na Ito; Isang Mag-ina ang Naglagay sa Kanya sa Kalalagyan Niya

Dahil Asawa ng Seaman, Napakamapagmataas ng Ginang na Ito; Isang Mag-ina ang Naglagay sa Kanya sa Kalalagyan Niya

Seaman ang asawa ni Frida, kaya naman hindi sila nagkakaproblema pagdating sa pera. Isang hiling niya lamang sa mister ay magpapadala na ito, hindi na kailangan pang magtrabaho ni Frida upang kumita, ang ginagawa niya na lamang ay manatili sa bahay at mag alaga ng kanilang pitong taong gulang na anak, si CJ.

“Mommy, I want to play ROBLOX,” sabi ng bata, itinuturo nito sa kanya ang gadget na kinuha niya rito kani-kanina lang.

“No anak, too much gaming is bad for you. Besides, you have homework diba? Do your homework muna,” sabi niya rito na hindi man lang ito tinitingnan, abala rin kasi siya sa pagkalikot sa kanyang cellphone. Ganito lang ang gawain nilang mag ina araw araw, walang masyadong oras si Frida para laruin ang anak dahil abala rin siya sa cellphone. Kaya naman naglalaro nalang mag isa ang bata o di kaya nama’y nakatutok nalang din sa gadget.

“Pero mom, I’ve done my homework na. I have nothing to do na,” tinatamad na sabi ng bata.

“Ah kaya ang mommy ang iniistorbo mo? Please naman CJ. Diba sabi mo may exam kayo tomorrow, why don’t you review the lectures? Promise kapag nakakuha ka ng high score, bibili tayo ng toy.” sabi niya na lang para tumahimik na ito.

“Yay! Talaga mommy huh? Kapag po mataas ang score ko, gusto ko car!” tuwang tuwa ang bata at kinuha na ang bag nito pang pasok, inilabas ang mga notebook at nag-review mag isa.

Dahil determinadong makakuha ng laruan ay ginalingan ni CJ kaya mataas ang mga marka nito sa exam, tinupad naman ni Frida ang pangako sa anak. Heto nga at papunta na sila sa mall.

Dumiretso sila kaagad sa bilihan ng laruan, naabutan nila ang dalawang babae roon, mag ina ang mga ito.

“Ma, gusto ko po itong naglalakad na manika,” tuwang tuwang sabi ng dalaga na sa tingin ni Frida ay nasa 23 taong gulang na.

“Sige anak, kahit ano pa yan bibilhin ni mama yan ha? Basta happy ka, happy ba ang darling ko?” nakangiting sabi naman ng may edad nang ginang.

“Opo naman ma! happyng happy ako, super,” sagot ulit ng dalaga. Medyo natagalan pa ang mga ito dahil tinetesting pa ang battery ng mga laruang napili, papalit palit rin ng kulay na gusto ang dalaga. Medyo nairita na si Frida dahil walang nag aasikaso sa kanila, abala ang lahat sa mag ina sa dami ng binili ng mga ito.

Habang nakataas ang kilay ay minasdan niya ang dalaga mula ulo hanggang paa, maayos naman ang pananamit nito, mukha pa ngang mayaman. Ang katawan nito ay tama lang din sa edad nito, walang bahid ng abnormalidad. Ganoon din ang salita nito, diretso naman at hindi nauutal. Bakit bumibili pa ito ng laruan gayong dalaga na ito? Siya tuloy ang naaabala ngayon imbes na bibili lang sila ni CJ tapos ay makakauwi na siya, heto siya ngayon nakatanga sa matandang babaeng may abnormal na anak.

“Excuse me? Matagal pa ba yan? bibili rin kami, gusto ng anak ko ng car,” medyo mataas ang boses na sabi ni Frida kaya may dalawang saleslady na ang lumapit sa kanya.

Matapos niyang bayaran ang mga laruan ay aalis na sana sila ni CJ nang lapitan siya ng ginang.

“Miss, pasensya na ho kayo kung nagtagal kayo ng anak ninyo dahil sa amin ni Abigail ko..” paghingi nito ng paumanhin.

“Pasensya pasensya, naabala na ako. Imbes na wala akong ginagawa sa bahay ay sa inyo pa ako nagtagal, kainin mo ang pasensya mo,” bastos na sagot niya rito.

Kita naman na tila nasaktan ang ginang at napahiya sa kanyang sinabi. Naramdaman naman iyon ng dalagang anak nito dahil lumapit ang babae sa kanila.

“Inaano nyo po ang mommy ko?” magalang na sagot nito.

Abnormal, sa isip isip ni Frida.

“Wala ito anak, nag uusap lang kami ng friend ni mama..” sabi nito sa anak at inutusan ang dalaga na bumalik na sa mga laruan nito. Hindi na hinintay pa ng babae na muling magsalita si Frida, ito na ang muling nagpaliwanag.

“15 years na-comatose ang anak ko, walong taong gulang pa lamang siya noon. Kaya marami siyang hindi naranasan sa pagkabata..ni hindi ko sya naalagaan noon dahil busy ako sa maraming bagay, kaya sabik siya sa atensyon at sa mga laruan,” sabi nito at tumalikod na. Naiwan namang nakanganga si Frida.

Napahigpit ang hawak niya kay CJ, pag uwi sa bahay ay niyakap niya ang anak. Kung hindi pa dahil sa mag ina ay hindi niya matututunan na wag sayangin ang oras kasama ang kanyang anak, simula noon ay hindi na siya tutok sa kanyang cellphone at palagi nang tinututukan si CJ. Kasama rin sa panalangin niya ang paghingi ng tawad at pasasalamat sa mag inang nagbukas ng kanyang mga mata tungkol sa buhay.

Advertisement