Inday TrendingInday Trending
Nanloloko ang Foreman ng mga Kliyente Upang Mapatayo Niya ang Sariling Bahay, Na-Karma Siya nang Isang Sakuna ang Gumimbal sa Kanilang Lungsod

Nanloloko ang Foreman ng mga Kliyente Upang Mapatayo Niya ang Sariling Bahay, Na-Karma Siya nang Isang Sakuna ang Gumimbal sa Kanilang Lungsod

Kung naghahanap ka ng isang magaling na foreman sa Barangay Bato Buhangin ay isang pangalan lang ang iyong maririnig, ang pangalang Dado.

Halos lahat ng gusaling naitayo sa barangay ay siya ang humawak. Walang reklamo sa kaniya ang mga kliyente. Maayos at pulido siyang magtrabaho. Tama lang din siyang maningil sa bawat proyektong kaniyang hahawakan. Dahil maayos at maaasahan siya sa trabaho ay in demand siya pagdating sa pagpapatayo ng mga gusali.

Marunong makisama si Dado at magaling din siyang humawak ng mga tao kung kaya’t hindi siya nawawalan ng trabahante. Katunayan ay marami ang nagnanais na makatrabaho siya kahit panandalian lamang. Wala kang maririnig na kahit na anong reklamo laban sa kaniya sa halip ay puro papuri ang lumalabas sa kanilang mga bibig.

Dahil hindi nawawalan ng proyekto si Dado kaya naging maayos ang pamumuhay ng kaniyang pamilya. Isa na lang ang kulang sa kanilang pamilya at ito ay ang makapagpatayo ng sarili nilang bahay. Isang pangarap na unti-unti nang naisasakatuparan ni Dado.

Hindi porket maayos magtrabaho si Dado at marunong siyang makisama ay walang bahid ng dumi ang kaniyang pagtratrabaho.

Sa kagustuhan niyang maipatayo ang pinapangarap na bahay para sa kaniyang pamilya ay niloloko ni Dado ang kaniyang mga kliyente. Hindi siya gumagamit ng mga substandard na materyales pero kumakabig siya sa ibang pamamaraan.

“Sir, kulang pa yung bakal na nabili natin. Kailangang pang dagdagan ng mga isang daang piraso.”

Sa isip ni Dado ay panibagong pagkakataon ito para makakubra siya ng karagdagang materyales. Ipinapaalam niya sa kaniyang mga kliyente na kulang pa ang mga kinakailangan materyales pero ang katotohanan ay sinasadya niyang bumili ng sobra sa kinakailangan. Ang sobrang materyales ay ginagamit niya sa ipinapatayo niyang bahay. Dahil malaki ang tiwala sa kaniya ng kaniyang mga kliyente ay hindi siya pinaghihinalaan ng mga ito.

“Hindi ako sigurado kung magkano ang aabutin kaya tinaasan ko na yung budget para sa mga bibiling materyales. Kung may sobra ay ibalik mo na lang sa akin.” Buong tiwalang pahayag ng isa sa mga kliyente ni Dado.

Ibinabalik ni Dado ang sobrang pera sa kaniyang mga kliyente pero hindi ibig sabihin nito ay naging matapat siya. Bagama’t sinisiguro niyang maganda at de kalidad ang mga materyales, binibili niya ito ng may diskwento o kaya binibili niya sa wholesale na presyo pero mas mataas ang ipinaaalam niyang presyo sa kaniyang mga kliyente. At para hindi makahalata ay dinodoktor niya ang mga resibo bago ito ibigay sa kanila.

Dahil sa disakarte ni Dado ay mabilis niyang naipagawa ang pinapangarap niyang bahay. Hindi lang dumoble ang naging budget niya sa pagpapatayo nito. Nakatipid din siya sa mga materyales. Lahat ng materyales na ginamit sa kaniyang bahay ay puro matataas ang kalidad.

Hatinggabi noon nang biglang niyanig ng malakas na lindol ang siyudad. Ang sentro ng lindol ay sa Barangay Bato Buhangin at ang lakas ay magnitude six. Nabulabog ang lahat ng tao mula sa kanilang pagkakatulog. Lahat ay nagsilabasan sa takot na baka bumagsak ang kanilang mga bahay. Pero nung sumikat na ang araw ay laking pasasalamat nila na matatag ang kanilang mga tirahan. Wala kahit na anong bitak na makikita sa kanilang mga pader. Lalong tumaas ang kanilang kompyansa kay Dado.

Dinalaw ng mga kliyente si Dado sa kaniyang tirahan para purihin siya at pasalamatan sa maayos at pulido niyang trabaho pero laking gulat nila nang madatnan ang buong pamilya na nasa labas ng kanilang bahay.

Ang bahay na pinatayo ni Dado para sa kaniyang pamilya na hindi pa tumatagal ng anim na buwan ay gumuho ng tuluyan. Wala ni isang pader ang nakatayo. Nagtataka ang lahat kung bakit bumagsak ang kaniyang bahay gayon ang lahat ng gusali sa Barangay Bato Buhangin ay matatag na nakatayo.

Pero para kay Dado ay malinaw ang lahat. Ito ang kaniyang kaparusahan sa mga kasalanang kaniyang nagawa. Hindi ipinagkaloob sa kaniya ang bahay na pinangarap niya dahil bunga ito ng pagnanakaw niya sa iba. Kahit maayos siyang magtrabaho at marunong makitungo sa kapwa ay hindi pa rin ito sapat para hindi niya pagbayaran ang maling kaniyang nagawa.

“Patawad. Niloko ko kayong lahat. Kumukubra ako sa mga proyektong hawak ko tuwing may pagkakataon. Patawad dahil ninakawan ko kayo. Hindi ako naging matapat. Sinira ko ang tiwala niyo sa akin.”

Nangako si Dado na hindi na niya uulitin ang kaniyang nagawa at unti-unti niyang babayaran ang bawat sentimong nakubra niya. Kahit napatawad na siya ng karamihan ay hindi madaling ibalik ang tiwala nila kay Dado. Bagama’t nakakatanggap pa rin ng proyekto si Dado ay hindi na ito kasing dami ng dati at mas naging mapagmatyag na ang kaniyang mga kliyente.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement