Isang Lalaki ang Naglabas ng Tunay na Ganda at Talento ng Dalaga Ngunit May Pinakatatago Pala Itong Sikreto
Nararamdaman na naman ni Zara ang mga matatalim na titig ni Xavier sa kaniyang likuran. Titig na hindi niya alam kung ano ang kahulugan. Sigurado si Zara na imposibleng dahil sa humahanga ito sa kaniya. Isang rich, cold prince magkakagusto sa isang poor, wallflower nerd? Malabong mangyari yan.
Kahit anong gawin ni Xavier ay hindi niya magawang alisin ang kaniyang mga mata sa babaeng nasa kaniyang harapan. Hindi siya bulag sa itinatago nitong kagandahan. Walang panama ang mga babaeng pilit na nagkakandarapa sa kaniya. Hindi na makapaghintay si Xavier na bigyan siya ni Zara ng pagkakataong ipakita ang tunay niyang kagandahan.
Titig na titig si Zara sa poster ng Romeo and Juliet na nakapaskil sa bulletin board ng kanilang unibersidad. Tuwing nanonood siya ng pagtatanghal ay palagi siyang nangangarap na siya ang gumaganap na bida. Pero hanggang pangarap lang si Zara. Masyado siyang mahiyain. Walang siyang sapat na lakas ng loob na umarte sa harap ng maraming tao.
Kung tutuusin ay hindi magiging mahirap kay Zara kung sakaling mag-audition siya sa play dahil pamilyar na pamilyar siya sa takbo ng kwento. Kabisado niya ang bawat linya nito.
Pumunta si Zara sa paborito niyang tambayan sa kanilang unibersidad dala ang kaniyang aklat ng Romeo and Juliet. Sa kaniyang pagbabasa ay muli na naman siyang tinangay ng aklat sa Italya kasama ng iba pang tauhan ng kwento.
“O Romeo, Romeo, wherefore art thou Romeo? Deny thy father and refuse thy name; Or if thou wilt not, be but sworn my love. And I’ll no longer be a Capulet.” Hindi naiwasang bigkas ni Zara habang siya ay nagbabasa.
“But, soft! what light through yonder window breaks? It is the east, and Juliet is the sun.“
Nagulat si Zara nang marinig niya ang boses ni Xavier sa kaniyang likuran.
Ineganyo ni Xavier si Zara na mag-audition sa play. Sa tingin niya ay si Zara ang nababagay na gumanap bilang Juliet. Nangako si Xavier na tutulungan siya nito para sa audition pero mariing tinanggihan ng dalagita ang alok niyang tulong.
Ngunit desidido si Xavier na kumbinsihin siya kaya hindi niya tinigilan ang kakabuntot sa kaniya saan man ito magpunta. Tuwing umaga ay nakaabang na ito sa harap ng gate ng unibersidad. At tuwing hapon ay hinahatid siya nito sa kanilang bahay. Binibigyan din siya ng binata ng mga bulaklak at tsokolate. Para lang lubayan na siya ng binata ay tinanggap na niya ang inaalok nitong tulong.
Ang pinakamalaking pagsubok para kay Xavier ay kung paano niya patataasin ang kumpyansa ni Zara sa sarili. Bagama’t hindi sigurado si Xavier kung uubra ba ang kaniyang taktika ay sinubukan pa rin niya ito sa dalaga.
Araw ng audition, isang dalagita na tahimik na naghihintay na tawagin ang kaniyang numero sa likod ng awditoryum ang nakatawag ng pansin ng karamihan. Walang nakakakilala sa kaniyang pangalan pero ang lahat ay nag-aabang sa kaniyang ipapakita.
Matapos bigyang buhay ng dalagita ang papel ni Juliet, ay walang nagsalita. Binalot ng kaba ang dalagita nung hinubad na niya ang ginampanan niyang karakter sa kaniyang sistema. Naghihintay na makarinig ng pangungutya. Ang mga nanonood naman ay nag-aabang sa susunod na eksena. Nabitin ang lahat sa kaniyang pinakita. Isang malakas na palakpak ang bumasag sa katahimikan.
“Walang duda na ikaw ang gaganap na Juliet. Hindi na ako makapaghintay sa araw ng pagtatanghal!” Papuri ng direktor ng produksyon.
Inaabangan ni Xavier si Zara sa paborito niyang tambayan. Puno ng kaba ang kaniyang dibdib. Kahit mataas ang tiwala niya kay Zara ay nakadepende pa rin ang lahat kung may tiwala si Zara sa kaniyang sarili.
Ayaw ni Xavier na tuluyang burahin ang pagkatao ni Zara para lang lumakas ang loob nito. Ang tanging naisip niyang solusyon ay kumuha ng ilan sa magagandang aspeto ng mga paboritong karakter ni Zara at ihubog ito bilang bahagi ng kaniyang pagkatao. Sana lang ay naging epektibo ang kaniyang plano.
“Nagawa ko! Kung hindi dahil sa tulong mo ay tuluyan na akong mamumuhay ng walang tiwala sa sarili.” Sigaw na Zara habang humahangos niyang niyakap si Xavier.
Masayang-masaya si Zara dahil hindi na siya mangangarap ng gising. Hindi lang niya nakuha ang papel bilang Juliet, nagkaroon din siya ng mabuting kaibigan. Magkaroon man siya ng pagdududa sa sarili paminsan-minsan ay naroon naman si Xavier para muling palakasin ang loob niya.
“Sigurado ka bang hindi ka nanliligaw?” Wala sa sariling tanong ni Juliet.
“Hindi tayo talo, noh.” Natatawang sagot ni Xavier habang nangangarap sa mga bagong style ng damit at pagmamakeup na gusto niyang subukan kay Zara.
Hindi pala ito lalaki. Isa ito bading na nagnanais na lumabas ang angkin niyang ganda at talento sa natural na paraan.
Ang araw ng audition ay hindi lang araw kung kailan tuluyang umusbong ang matatag na pagkakaibigan nina Xavier at Zara. Sa araw ding iyon isinalang ang batikang aktres na si Zara at ang tanyag na stylist na nagngangalang Xavier sa umaga at Xavie sa gabi na kinikilala na ngayon sa buong mundo.