Inday TrendingInday Trending
Walang Perang Pampa-opera Kaya Dineretsa ng Doktor ang Misis na Wala nang Pag-asa ang Asawa, Nakakapagtaka na Nagbago ang Isip Nito Matapos Kausapin ng 6-anyos na Anak

Walang Perang Pampa-opera Kaya Dineretsa ng Doktor ang Misis na Wala nang Pag-asa ang Asawa, Nakakapagtaka na Nagbago ang Isip Nito Matapos Kausapin ng 6-anyos na Anak

Pinahid ni Rosalie ang luha habang nililigpit ang mga gamit ng asawa, kailangan na kasi nitong lumabas sa ospital. Hindi dahil magaling na ito kung hindi dahil wala na silang pambayad. Sabi rin ng doktor nito, maliit na raw ang tsansa na maka-survive ang mister. Naisip ni Rosali na kahit maliit ay may tsansa pa rin, siguro at hindi lang inilalaban ng mga doktor dahil nga, mahirap lang sila. “Ma, makakatayo na ba po ulit si Papa?” tanong ng 6 taong gulang na anak ni Rosalie, si Biboy. Tinignan lang ni Rosalie ang anak na nakatitig sa kanya, hindi niya magawang masagot ito dahil baka mapahagulgol na siya. At paano niya naman aaminin sa anak na hindi na? Paano niya aaminin, sa kanyang inosente, at batang anak, na punung puno ng pag asang muling makakapiling ang ama, na wala na silang hinihintay? Paano nga ba sasabihin sa isang munting bata na hinihintay na lang nilang masawi ang ama nito? Hindi naman nangulit ang bata, ibinaling na nito sa ama ang tingin nang hindi sumagot ang mama niya. Pero matalino si Biboy, kahit hindi ikwento ng mama niya ay alam niya ang nangyayari. Sa luha pa lang at tingin ng kanyang ina ay alam na niya ang sagot. “Ma, iihi lang ako po.” sabi ni Biboy sa mama niya. Dahil sa ward naka-confine ang lalaki ay common CR ang kanilang ginagamit, hindi katulad ng private na may sariling CR sa kwarto. “Sige, wag kang lalayo Biboy at wag kang makulit, mamaya may kumuha sayo dyan. Bilisan mo lang aalis na tayo.” sabi ni Rosalie sa anak. Tumango naman ang bata at naglakad na papuntang CR. Pabalik na siya sa kwarto ng ama nang masalubong niya si Dr. Hernandez, natatandaan niya ito, ang doktor na naka-assign gumamot sa papa niya. Hindi siya pinansin ng doktor dahil kausap nito ang nurse. “Paki-settle na lang kamo ang amount bago umalis, kung wala nang pag asa okay lang naman na paalisin na para magamit ng iba ang kwarto. Sayang din naman kung yung iba may pambayad.” sabi nito sa nurse. Tumango ang nurse at pumasok na sa kwarto ng papa ni Biboy. Naiwan naman ang bata na nakamasid pa rin. “Doc?” tawag niya sa doktor. Lumingon naman ito, medyo nakakunot ang noo. Alam ni Biboy na maaring hindi na siya natatandaan ng doktor, kung dumalaw naman kasi ito sa papa niya ay saglit lang. Minsan nga ay hindi nito kinakausap ang mama niya, titingin lang sa dextrose ng papa niya, kakausapin ang nurse at aalis na. Halatang hindi naman ito interesadong kumustahin talaga ang araw ng pasyente. “Lalabas na po ba ang papa ko, si Enrico Macabidang po?” tanong ng bata. “Ah oo,” sabi lang nito. “Bakit po hindi ninyo na siya gagamutin?” inosenteng tanong nito. Nakaramdam ng inis ang doktor. “Wala nang pambayad ang papa mo sa pampa-opera, wala nang pag asa.” Dire-diretso niyang sabi, walang pakialam ang doktor kung bata ito. Tutal nagtanong na rin lang ay sinabi na niya ang katotohanan. “May bayad po pala ang buhay ng tao. Alam nyo po bang gusto kong maging doktor dahil gusto kong gumamot ng may sakit, para makatulong ako sa kapwa. Iyon naman po ang ginagawa talaga ng doktor diba? Mahirap at mayaman gagamutin ko po. Siguro nga walang kikitain kayo sa papa ko, pero kapag gumaling po siya ay makakapag-aral ako at promise ko po na magiging magaling akong doktor sa ospital na ito para makabayad sa inyo.” dire-diretsong sabi ng matalinong bata. Mangha ang doktor. Hindi niya akalain na maririnig iyon sa isang munting batang lalaki. Bigla niyang naalala ang sarili, hindi nga ba’t kaya siya naging doktor dahil iyon din ang sinabi niya noong maliit siya, ang makapagpagaling ng may sakit? Wala namang pinipili diba? Ang sinumpaan niya ay magpagaling, mahirap man o mayaman. Napangiti siya sa bata at pumasok sa kwarto ng ama nito, kailangan niyang makausap ang nanay ng bata para ihanda ang papa nito sa pagpapaopera. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement