Kinulam ng Babae ang Kaibigang Kinaiinggitan, Kinabukasan ay sa Kanya Mismo Iyon Tumalab
Mag-iisang buwan na ang nakalipas ay masama pa rin ang loob ni Minette sa kaibigang si Liza. Ito kasi ang pinakasalan ng lalaking matagal na niyang pinapantasya, si Robert. Walang alam si Liza tungkol sa damdamin niya pero naiinis siya dahil ito nalang lagi ang number 1, palagi siyang nasasapawan.
Sincere ang pakikipagkaibigan nito sa kanya, pero siya, may halong ka-plastikan. Kaya lang siya nakipaglapit rito ay para kunin sana ang loob nito at siraan sa iba pero ang ending, talo pa rin siya dahil ito ang minahal ni Robert. Di talaga siya makamove-on, kaya isa na lamang ang naisip niyang paraan para makaganti, kukulamin niya ang babae.
“Sis, congrats talaga sa inyo. Super happy ako na nahanap mo na ang forever mo,” sabi ni Minette habang nakapaskil ang isang pekeng ngiti sa mukha. Niyakap niya pa si Liza.
“Salamat rin, sana ikaw rin, mahanap mo na ang lalaki for you,” sabi naman ni Liza.
Sinamantala ni Minette ang pagkakataon at humila ng isang hibla ng buhok ni Liza habang nakatalikod ito, nagulat ang babae at medyo nangati ang ulo.
“M-may split ends kasi, tinanggal ko na bago kumalat,” sabi niya nalang. Hinampas lang siya sa braso nang pabiro ng kaibigan. Ilang sandali pa ang nakalipas ay byahe na siya pa-probinsya.
Sobra ang excitement niya, kumpleto kasi ang kanyang dala, picture ni Liza na pina-print niya, hibla ng buhok nito at panyo nito na kinuha niya kanina para kumpleto. Ayon kasi sa nabasa niya sa internet, iyon daw ang itatali ng mangkukulam sa manikang gagamitin para matukoy kung sino ang dapat na kulamin.
Pag-uwi sa bahay ay agad niyang binuksan ang computer at nagkalap ng impormasyon ukol sa pangkukulam. Nanood siya ng mga video, nagbasa-basa at nang sa tingin niya ay kumpleto na ang kaalaman niya, pinatay niya na iyon.
Kumuha siya ng mga kandila, pinahiran iyon ng langis. Isang manika rin na gawa sa lumang tela ang kanyang tinahi at doon niya itinali ang buhok ni Liza na nakuha niya.
“Dives soe totus.. Omnia..Habeo Omnia..Habeo Omnia..Mel quae volo..Habeo..Mel et saccharum..” bulong niya, iyon ang mga salitang Latin na inaral niya, epektibo raw lalo na pag may nararamdaman kang galit.
Inipon niya lahat ng galit sa dibdib, napaiyak pa nga siya sa sobrang inis habang nagdarasal ng Latin, tinutusok tusok niya ng karayom ang manikang hawak. Matapos ang isang oras ay naisipan niya nang tumigil. Kinuha niya ang cellphone at tinawagan ang kaibigang si Liza.
“H-hello?” nanghihina ang boses ng babae sa kabilang linya. Napangisi tuloy si Minette.
“Wala, na-miss lang kita.Bakit parang kakaiba ang boses mo?” usisa niya, nakakatuwa, umepekto na ang kulam!
“I’m not feeling well eh, okay lang ba sis na tawagan nalang kita later? Medyo-” hindi na nito naituloy ang tawag dahil naputol na iyon. Napahagikgik naman si Minette, ang saya saya!
Nakangiti siyang natulog dahil hindi rin maganda ang timpla niya, totoo palang nakakaubos ng energy at nakakapagod ang pangkukulam.
Kinabukasan ay unti unting iminulat ni Minette ang kanyang mga mata, medyo mabigat ang pakiramdam niya. Pinilit niya lang bumangon dahil gusto niyang makibalita kung ano na ang nangyari kay Liza, tiyak niyang mas malala pa. Baka tinubuan na ito ng kurikong, nagkasugat-sugat, hah! Maisip niya palang ay nagdiriwang na ang puso niya.
Nagmumog muna siya pero ida-dial niya palang ang numero nito nang mapasulyap siya sa salamin. Isang malakas na sigaw ang pinakawalan niya nang makita ang sarili.
“Ah! Hindi!”
May mga nagtutubig na bilug-bilog sa mukha niya, nangingitim ang mga iyon at malalaki. Pagtingin niya sa braso ay puno rin pala ng kurikong, di niya lang napansin kanina. Kaya pala kating-kati siya!
Nilalagnat rin siya at nahihilo. Sa kanya umepekto ang kulam!
Hindi maaari! Kinuha niya ang manikang ginamit, tinitigang mabuti ang buhok na nakatali, sigurado siyang kay Liza iyon! Kinuha niya ang litrato ni Liza at iyon ang itinapat sa kandila, paulit-ulit na dinasalan. Hindi pwede, ito dapat ang magdusa!
Maghapon siyang naging abala sa pagbaliktad sa orasyon at sobrang panghihina ang bigla niyang naramdaman, kukunin niya sana ang telepono pero nagdilim na ang kanyang paningin.
Unti-unting idinilat ni Minette ang kanyang mga mata, sobrang liwanag sa paligid.Patay na ba siya? Diyos ko po! Noon lang siya nakaramdam ng pagsisisi, kung sakaling patay na siya, tiyak niyang hindi siya sa langit mapupunta dahil sa kasamaang pinlano niyang gawin sa kaibigan.
Ganito ba ang itsura ng impyerno? Sayang naman, marami pa sana siyang gustong gawin sa buhay niya. Marami pang lalaki, hindi lang si Robert. Sayang..
Nagsimula na siyang mapaiyak sa pagsisisi nang biglang sumulpot ang nag-aalalang mukha ni Liza, nakasuot ito ng facemask.
“Sis? Sis! Doc, gising napo siya!” sabi nito, nagdatingan na ang mga nurse, hay salamat. Buhay siya!
Takang taka ang mga ito dahil iyak tawa siya, nayakap niya rin nang mahigpit si Liza na biglang lumayo sa kanya.
“Sis, patawarin mo ako.Aaminin ko, pinagtangkaan kong kulamin ka dahil naging selfish ako. N-nagustuhan ko si Robert pero ngayon alam ko nang sayo siya..”nakatungong sabi niya.
Sasagot pa sana si Liza nang magsalita ang doktor, “May chickenpox ka miss, bulutong. Nakakahawa yan, eto ang mga gamot na dapat mong inumin para kahit paano ay maibsan ang kati.” sabi nito at nagsusulat sa isang papel.
Buong akala niya ay sa kanya umepekto ang kulam, bulutong lang pala. Ibig sabihin, hindi iyon totoo. Nang mapag isa sila ay hindi pa rin lumalapit si Liza sa kanya.
“Sa totoo lang gusto kong magtampo sa’yo. Sa lahat ng kabutihan ko ito pa pala ang igaganti mo, pero kaibigan pa rin kita at sobrang naawa ako nang sumilip kami sa apartment mo tapos wala kang malay. Bale ba ay bibisitahin ka sana namin para ihatid ang magandang balita, magkaka-baby na kami ni Robert,” paliwanag nito.
Kinapa ni Minette ang puso niya kung may mararamdaman siyang galit pero wala, actually natutuwa pa nga siya, “G-gusto kitang yakapin kaya lang ay baka mahawa ka-kayo ni baby!” nag iyakan silang magkaibigan at nagkapatawaran.
Maraming natutunan si Minette nang araw na iyon, una sa lahat, bibihirang makahanap ng totoong kaibigang tulad ni Liza; may karma ang taong nag-iisip ng masama sa kapwa; marami pang lalaki sa mundo at may nakalaan para sa kanya; higit sa lahat, hindi naging totoo sa kanya ang kulam.
At kung sakali mang mayroon ngang kulam, hindi iyon tatalab sa taong malakas ang paniniwala sa Diyos. Dahil wala nang mas higit pang makapangyarihan kaysa sa may lalang.