Sobrang Istrikta ng Bagong Manager Nila; Iyon Palaʼy May Tinatago itong Drama!

“Nakakatakot naman ang bago nating manager! Laging nakataas ang isang kilay!” bulong ng isa sa mga katrabaho ni Dan sa kompanyang iyon.

“Naku, sinabi mo pa! Feeling beauty!” nakaismid namang sagot ng kausap nito kayaʼt napailing siya.

Bulong-bulungan sa kanilang kompanya ang pagdating ng bago nilang manager sa factory na iyon ng pagawaan ng mga laruan. Paanoʼy maraming nagsasabing masungit daw ito, istrikta at masama ang ugali.

Sa warehouse naka-assign si Dan bilang isa sa mga picker doon. May katotohanan naman talaga ang bulungan ngunit mas pinili niya na lamang na pagbutihan ang trabaho.

Ganoon pa man ay hindi maiwasang magkaroon si Dan ng engkuwentro sa iniiwasan niyang manager.

“Dan, may nakitang defect ang QA sa ilang mga gawa mo. Ayusin mo ang trabaho mo,” isang araw ay masungit na sermon sa kaniya ng kanilang istriktang manager.

“Yes, maʼam, sorry po!” tanging sagot niya na lang upang hindi na humaba pa ang usapan.

Medyo tirik na ang araw nang makarating si Dan sa trabaho nang araw na ʼyon. Alas-sais ang call time niya, ngunit alas otso na siyang nakapasok. Kinakabahan siyang nag-report sa kanilang manager dahil ganoon ang protocol sa kanila ng mga nale-late.

Advertisement

Inihanda niya ang sarili sa katakut-takot na panenermon nito. Na-late siya dahil nasangkot siya sa isang aksidente sa daan at hindi niya alam kung paniniwalaan iyon ng kaniyang manager. Paanoʼy wala naman siyang galos sa katawan, ngunit sumasakit ang kaniyang likuran at ang buto niya sa tuhod. Pinilit na lamang niyang makapasok dahil kailangan niya ng panggastos para sa nalalapit na panganganak ng kaniyang asawa.

“Bakit ka na-late?!” tanong sa kaniya ng kanilang manager. Wala pa man ay nakaarko na ang isang kilay nito at halos pangatugan ng tuhod si Dan dahil doon.

“S-sorry po, maʼam, naaksidente po ako,” sagot naman niya.

Biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ng kaniyang manager.

“Aksidente? Saan? Anoʼng nangyari?” sunod-sunod na tanong nito na bakas ang pag-aalala sa mukha. Nagtataka man si Dan ay sumagot na lamang siya.

“Nasagi po ako ng motor, maʼam, kasi hindi ko napansin habang tumatawid ako. Nasira po kasi ang salamin ko sa mata kaya medyo malabo ang paningin ko ngayon,” yuyuko-yuko pang sagot niya.

“Anoʼng masakit sa iyo? Nagpa-check up ka na ba, ha, Dan?”

Umiling siya sa tanong ng kaniyang manager. “Wala ho akong galos pero sumasakit ho itong likuran koʼt lulod.”

Advertisement

“Kung ganʼon, halika na sa ospital at baka kung ano pa ang mangyari sa ʼyo! Bakit ba kasi pumasok ka pa?!” may inis na sabi ng manager sa kaniya.

“Naku, maʼam, hindi po kasi kayang mabawasan ang sahod ko. Manganganak na po ang asawa ko,” sagot na man niya na lalo niyang ikinahiya.

“Huwag ka nang mag-alala sa sahod. Ako na ang bahala. Halika na sa ospital!”

Dinala siya ng kanilang manager sa ospital at ito na rin ang sumagot ng kaniyang bill. Nabalian kasi siya ng buto sa likod at nalamog naman ang kaniyang lulod. Namangha si Dan na may itinatago palang ganitong pag-uugali kanilang manager! Mabait naman pala ito, ‘di gaya ng kanilang iniisip.

“Nawala rin sa isang aksidente ang anak ko.”

Nabigla si Dan nang habang sakay sila ng kotse nitoʼy nagkuwento ang kaniyang manager!

“Kaya ako ganito ngayon ay dahil nagsisisi akong hindi ako naging mahigpit sa anak ko noon kaya nawala siya sa akin,” pagpapatuloy pa nito at dahil doon ay naintindihan ni Dan kung bakit nga ba ganito ang kanilang manager.

Nang marating nila ang bahay ni Dan ay bumaba pa ang kaniyang boss sa kanilang bahay upang siguraduhing ayos na siya roon. Pinayagan siya nitong mag-leave hanggang sa siyaʼy gumaling at bibigyan siya nito ng financial assistance habang nagpapagaling, bukod pa sa kaniyang tuloy-tuloy na suweldo.

Advertisement

Tila nagsisi si Dan na nooʼy nahusgahan nila ang kanilang manager dahil sa pag-uugaling mayroon ito. Hindi niya alam na may malaki pala itong pinaghuhugutan sa buhay.

Nang siya ay makabalik sa trabaho ay ipinakalat niya sa mga kasamahan ang kabutihang ginawa ng kanilang manager sa kaniya upang kahit papaano ay makabawi siya rito. Simula noon ay mas lalong naging masunurin ang mga tao sa kanilang manager.

Istrikto man itoʼy ginintuan naman ang kaniyang puso. Isa itong inang patuloy na nagmamahal sa anak, kahit na itoʼy pumanaw naʼt hindi na niya kapiling pa.