Inday TrendingInday Trending
Isang Boss ang Gumagamit ng Kanyang Posisyon Upang Makapanamantala, Isang Babae ang Magtuturo sa Kanya ng Leksyon

Isang Boss ang Gumagamit ng Kanyang Posisyon Upang Makapanamantala, Isang Babae ang Magtuturo sa Kanya ng Leksyon

“Heto, gusto ko ito! Tawagan niyo na agad,” utos ni Sir Ricky, ang boss ng isang kompanya, habang tinitingnan ang resume ng mga aplikante sa kanilang opisina.

“‘Yan ba sir? Oo, matalino po iyan at maganda ang record sa eskwela,” sagot ni Jonas, isa sa mga katiwala niya.

“Nagbibiro ka ba? Alam mo namang wala akong pakialam doon. Nakikita mo ba? Ang ganda! At mukhang sexy pa,” nakangising sabi ng matanda.

Napailing na lamang si Jonas. Kahit noon pa man, kilalang-kilala na sa opisina ang pag-uugali ng matanda. Karamihan sa mga babaeng aplikante at mga nagtatrabaho sa kaniya ay nakatikim na ng pangmamanyak ni Sir Ricky. Wala namang makapagreklamo sa kanya dala ng matinding takot na mapaalis sila sa trabaho, dahil siya nga ang boss at may-ari ng kompanyang iyon.

Sa utos ni Sir Ricky, tinawagan ni Jonas si Tiffany San Jose at sinabihang naka-schedule na siya ng interview kinabukasan. Tuwang-tuwa naman ang dalaga nang malaman na sa wakas ay tinawagan na siya ng kompanyang matagal na niyang sinusubukang pasukan.

Kinabukasan, alas siyete pa lamang ng umaga ay nasa opisina na si Tiffany. Kahit pa ang interview niya ay gaganapin alas-nuwebe pa ng umaga. Ngunit maya-maya lang ay tinawag na siya ni Jonas upang magsimula sa interview.

“Miss Tiffany? Napansin ni boss na napakaaga ninyong dumating. Pumasok na raw po kayo sa loob upang makapagsimula na,” anito.

Agad namang sumunod ang dalaga na may kakaibang ngiti sa kanyang mga labi. Nang makapasok, nagulat siya nang salubungin siya kaagad ng matandang iika-ika, sabay hawak kaagad sa kanyang bewang.

“Tiffany? Wow! Ang ganda mo nga! Lalong-lalo na sa personal. Napakakinis mo ah?” hiyaw ni Sir Ricky na hindi maitago ang nanlalaking mga mata at halos tumulong laway sa pagtitig kay Tiffany.

“Thank you, sir! Tanggap na po ba agad ako?” ‘ika nito sabay kindat sa matanda.

Napakagat pa ng labi ang matanda. Tuwang-tuwa ito dahil si Tiffany na ata ang kauna-unahang babaeng tila game na game sa kanya.

“Handa ka bang gawin ang lahat, para lang makapasa ng walang ginagawa?” tanong nito.

“Kung ikaw, sir, no problem,” palabang sagot ng dalaga.

“Ganoon? Jonas, makakalabas ka na. Isara mo ang pinto,” nagmamadaling utos ng matanda kay Jonas.

Napakamot na naman ng ulo si Jonas. Nagugulat rin siya sa mga sinasabi ng babae. Hindi niya akalaing ang isang napakaganda, may pinag-aralan, at tila disenteng babae ay papatol sa boss niyang matandang hukluban. Wala siyang nagawa kundi lumabas na lamang at sumunod sa utos.

Pagkasarang-pagkasara ng pinto ay umakto na agad si Ricky na susungab sa leeg ng dalaga, ngunit agad siyang pinigilan nito.

“Oops, teka muna. May itatanong muna ako,” malanding sabi nito.

“Ano ‘yon?” nagmamadaling sagot nito.

“Totoo ba ang mga tsismis na naririnig ko? Na lahat ng babae dito sa kompanya ay kailangang “dumaan” muna sa kamay mo?” aniya.

“Bakit mo gustong malaman?” nagtatakang sagot ni Ricky.

“Uhm… Wala lang. Para alam kong may patutunguhan ‘tong gagawin natin,” nakangisi niyang sagot.

“Ang totoo? Oo. Alam mo ba? Ang head ng accounting natin ay naging nobya ko muna ng isang buwan. Ang head naman ng collections dito ay matagal-tagal ko ring naging querida. Mayroon ding mga babae na sinubukan ko, kaso ayaw nila. Kaya gusto kita e, palaban. Sinisiguro kong mataas ang kalalagyan mo,” sagot ni Ricky.

“Hindi tayo matatapos kung iisa-isahin ko,” patuloy ni Ricky sabay hatak kay Tiffany. Ngunit nagulat siya sa ginawa nito. Bigla na lamang siyang itinulak nito palayo at saka nagsisigaw.

“MANYAKIS KA! Huling-huli ka. Wala ka nang palusot ngayon,” sigaw ni Tiffany sabay labas ng kanyang cellphone na nakabukas pala ang voice recording.

Matagal na palang minamanmanan ni Tiffany ang matanda, ito ay matapos subukang pagsamantalahan ni Ricky ang nakababatang kapatid ni Tiffany na si Trisha. Dalawang taon na ang lumipas nang sinubukang mag-apply ni Trisha doon, ngunit nang subukan siyang halayin ng matanda ay na-trauma na ito. Kaya naman isinumpa ni Tiffany na ipaghihiganti niya ang kapatid.

Nanlaki ng lubos ang mata ng matanda. Nagsisigaw rin ito sa guard upang palabasin ang babae. Napalabas nga si Tiffany, ngunit makalipas lamang ang ilang araw ay dumating ang mga pulis sa opisina ni Ricky.

“Ricardo Valeriano? Arestado ka sa patong patong na reklamong inihain laban sa’yo,” wika ng pulis.

Bukod sa recording ng pag-amin ni Ricky, nagawa rin pala ni Tiffany na kunin ang saloobin ng mga babaeng pinagsamantalahan ni Ricky gamit ang kanyang posisyon sa opisina. Nagkaroon ng tapang ang mga ito nang kausapin sila ni Tiffany.

Agad nabigyan ng hustisya ang kanyang mga kasalanan. Nang araw ding ‘yon, nahatulan ng pagkakakulong ang matanda. Masayang-masaya namang ibinalita iyon ni Tiffany sa kanyang kapatid, pati na rin sa napakaraming babaeng binastos ni Ricky. Habang silang lahat ay nagsasaya, si Ricky ay nabalitaang madalas pagtripan ng iba pang preso sa loob ng kulungan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement