Inday TrendingInday Trending
Ikinagulat ng Direktor ang Paghingi ng Tawad ng Isang TV Host Habang Nagbabahagi Siya ng Paghihirap na Dinanas Niya sa Buhay

Ikinagulat ng Direktor ang Paghingi ng Tawad ng Isang TV Host Habang Nagbabahagi Siya ng Paghihirap na Dinanas Niya sa Buhay

Talaga namang walang sawa sa pagtulong sa mga mahihirap na kabataan si Robert. Palibhasa’y dama niya ang pinagdadaanan ng mga ito. Maaga siyang nawalan ng mga magulang kaya’t tanging malalayong kamag-anak lamang ang nagpalaki sa kaniya. Halos pabayaan lamang siya ng mga ito at di niya rin naman sila masisi sapagkat kahit sariling mga anak ng kaniyang mga tiyahin ay hindi nito masuportahan sa liit ng kinikita ng mga ito.

Nagpapasalamat pa rin naman siya sa mga tiyahin sapagkat hindi ipinagkait ng mga ito ang karapatan niyang makapag-aral. Bata pa lamang ay naglalako na ng gulay si Robert upang may maipangbaon sa eskuwelahan. Bukod sa gulay ay nagtitinda din siya ng lapis at papel sa mga kaklase. Tuwang-tuwa kay Robert ang kaniyang mga guro pati na rin ang mga magulang ng kaniyang mga kamag-aral kaya’t palagian siyang binibigyan ng mga ito ng pagkain, damit, libro, at iba pang mga kagamitang kaniyang ginagamit sa pag-aaral.

Ayon sa kaniyang mga tiyahin, lahat ng natatanggap nitong tulong ay ibinabahagi rin niya sa kanila. Dahil sa angking tiyaga at husay ay nakapagtapos ng pag-aaral si Robert na nagtataasan ang mga marka. Siya ay nagtapos sa kursong Journalism. Hindi naman nagtagal ay agad itong natanggap sa isang maliit na istasyon ng radyo.

Doon na nagsimulang sumikat si Robert. Naging matunog ang pangalan nito dahil sa isang segment kung saan pinupuntahan nila ang mga mahihirap na bata at tinutulungang makapag-aral. Hindi tulad ng ibang mga istasyon sa radyo, tutok si Robert at ang kaniyang mga staff sa pagpapa-aral sa mga bata. Sa loob ng sampung taon ay nakapagpatapos siya ng isang daang libong estudyante.

Dahil siya na rin ang nakapagpasikat ng noo’y di kilalang istasyon ng radyo ay ipinasa na niya ang pagiging radio broadcaster sa mas nakakabata niyang mga talento. Ang mga ito ay miyembro din ng kaniyang scholarship program. Magkabila ang dating ng sponsors at mas parami naman ng parami ang natulungan ni Robert dahil sa mga ito. Kaniya na ring nabili ang radio station at pinangalanan niya itong “Rob and Mandy AM”. Si Mandy ay ang kaniyang butihing maybahay na nakilala niya sa kaniyang mga dinaluhang outreach programs.

Pagkatapos makapag-ipon ay tinutukan niya naman ang matagal nang idinidikta ng kaniyang puso, ito ay ang paggawa ng pelikula. Naging inspirasyon ni Robert sa paggawa ng kauna-unahang pelikula ang mga kabataan at kung gaano kahalaga ang tamang pag-gabay at edukasyon sa mga ito. Umani ng napakaraming rekognasyon ang kaniyang pelikula kaya’t inanyayahan siya ng isang sikat na TV host para sa isang live TV interview. Agad namang nagpa-unlak si Robert.

Matapos ang malaman at masayang interview ay nagulat na lamang si Robert nang hawakan ng napakaguwapo at napakagaling na TV host na si Mr. Ralph Lopez ang kaniyang kamay habang walang tigil ang agos ng luha nito.

“Hindi ko alam kung paano kita mapapasalamatan, Sir. Malamang ay hindi mo na ako natatandaan sa dami ng taong natulungan mo. Pero nang kami ay masunugan sa Tondo walong taon na ang nakalipas, dumating ka upang mag-abot ng tulong at libreng pabahay sa ilang mga tao doon. Kabilang ako at mga kapatid ko sa mga nabigyan mo ng oportunidad upang magsimulang muli. Hindi man nakaligtas sa trahedya ang aming mga magulang, lahat kami’y sinubaybayan ninyo upang lumaking maayos at utang na loob namin sa inyo kung ano ang disposisyon namin ngayon sa buhay. Patawarin niyo ako at nilihim ko ang lahat dahil takot akong mahusgahan at laitin ng mga fans ko.”

Gulat na gulat si Robert sa narinig. Ang mukhang anak mayaman at sikat na sikat na TV host na ito ay bunga pala ng kaniyang kabutihang gawa.

Natuklasang wala palang nakakaalam sa bagay na ito kung hindi ang pamilya lamang ng TV host sapagkat takot silang hamakin at laitin ng kanilang mga manonood at tagasubaybay ngunit hindi nito napigilan ang pusong magpasalamat sa direktor nang makaharap niya mismo ito.

Pinayuhan ni Robert si Ralph na magpakatotoo lamang at matutong tumanaw sa pinanggalingan sapagkat parte ito ng kaniyang tagumpay.

Lalo namang naging tanyag ang dalawa at nagkaroon pa sila ng TV segment na pinamagatang “Never Give Up”.

Advertisement