Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Ibinaling ng Babae ang Sakit na Nararamdaman sa Paghahalaman; Isang Magandang Pangyayari Pala ang Mamumukadkad Dahil Dito - Inday Trending

Ibinaling ng Babae ang Sakit na Nararamdaman sa Paghahalaman; Isang Magandang Pangyayari Pala ang Mamumukadkad Dahil Dito

Labis na nawasak ang puso ni Daisy nang malaman na niloko siya ng nobyo at ipinagpalit sa ibang babae. Para makausad sa labis na pagdaramdam ay naisipan niyang magbuklat na lamang ng magasin at maglibang.

Habang nagbubuklat ng magasin ay nakita niya ang litrato ng mga magagandang bulaklak na nakatanim. Dito niya naisip ang isang ideya kung paani maiibsan ang kanyang kalungkutan.

“Tama! Magtatanim na lamang ako ng mga bulaklak at uubusin ko ang mga oras ko sa pagpapalago ng mga halaman sa isang napakagandang hardin. Makakalimutan din kita Anthony. Matutuldukan din ang sakit na nararamdaman ko sa panloloko mo.

“Kapag napuno ko na ng bulaklak ang mga hardin ko ay makakalimutan ko na rin ang sakit ng panloloko mo sa akin. Bukas na bukas ay sisimulan ko nang alisin ang mga tinik ibinaon mo sa puso ko.

“Sa aking pagbubukungkal ng lupa ay sisimulan ko na rin na ibaon ang mga alaala mo. Magtatanim ng isang buhay at tunay na bulaklak, hindi gaya ng pag-ibig mo na plastik at hindi totoo. Magsama kayo ng bago mo na mukhang ugat at amoy lupa!” galit na sabi ni Daisy habang humugot sa mga magagandang bulaklak sa magasin.

Kinabukasan ay bumili siya ng mga binhi ng bulaklak na gaya sa nakita sa magasin. Matapos nito ay inumpisahan na niya ang pagtatanim sa kanyang hardin. Itinanim ni Daisy ang mga binhi sa isang espesyal na pwesto sa hardin malapit sa pader.

Ilang linggo lang ay napansin na agad niya ang mga lumalagong berdeng dahon mula sa binhi na kanyang itinanim. Ipinagpatuloy niya ang pagdidilig, paglalagay ng pataba at pakikipag-usap sa halaman para bumilis ang paglago nito.

Lumipas pa ang ilang araw at nakita niya na gumagapang sa pader ang mga baging ng kanyang pananim. Umaasa siya na mamumulaklak muli ang mga halaman ngunit siya’y nabigo. Lumipas pa ang ilang linggo ngunit wala pa rin siya nakikita kahit isang bulaklak.

“Nakakainis! Pati ba naman halaman paasa lang. Ginawa ko naman ang lahat para alagaan ka! Dinidiligian kita, nilagyan ng pataba, tapos kinakantahan pa kita pero hanggang ngayon wala ka pa ring bulaklak na maganda kahit isa!

“Pareho lang kayo ni Athony! Pinaasa niyo lang ako. Mabuti pa siguro na bungkalin na lang kita at itapon sa kawalan gaya ng pagmamahal ko sa lalaking yun!” galit na banta ni Daisy sa halaman.

Bubunutin na sana niya ang halaman nang tawagin siya ng isang babae mula sa hardin, “nene? Neng! Pwede ba kitang makausap?” tawag ng matandang babae.

“A-ano ho iyon?” magalang na tanong niya.

“Ako nga pala si Mrs. Leony, bagong lipat lamang kami dito sa kabilang bakod ninyo. Gusto ko lang sana magpasalamat sa mga halaman na ititananim ninyo. Ang mga baging nito ay gumapang sa bakod ko at napakaganda ng mga bulaklak nito.

“Alam mo? Mahilig talaga ako sa mga halaman, pero ngayon lamang ako nakakita ng ganito kagagandang mga bulaklak,” saad ng matanda.

Maya-maya pa ay kasunod na ng matanda ang isang matipunong lalaki, “Lola, nandito lang pala kayo? Kanina ko pa kayo hinahanap. Akala ko ay kung saan na kayo nakarating,” sabi ng lalaki sa kanyang lola.

Napatingin naman ang lalaki sa direksyon ni Daisy, “pasensya ka na miss ha? Naabala ba kayo ng lola ko? Mainipin lang kasi ang lola ko kaya mahilig siyang makipagkwentuhan sa mga kapitbahay. Pasensya ka na talaga ha? Ako nga pala si Bryan. Ikaw? Anong pangalan mo?” tanong ng lalaki.

“Ah eh ano…” tila ba nalunok ni Daisy ang kanyang dila at hindi makapagsalita sa hiya sa gwapong binata, “a-ako si Daisy. Daisy ang pangalan ko,” nahihiyang tugon ng dalaga.

“Mahilig ka palang magtanim ng bulaklak? Pareho kasi kayo ng hilig ng lola ko,” saad ng binata.

“Nako, hindi lang yan apo. Pareho pa kaming maganda ni Daisy, hindi ba Bryan?” nakangiting tanong naman ng matanda.

“Siyempre naman lola! Ikaw kaya ang pinakamagandang lola sa mundo,” malambing na tugon naman ng lalaki.

“Bryan, apo ako. Alam mo mukhang bagay kayo ni Daisy! Bakit mo siya ayain kumain ng hapunan sa atin mamaya? Para ipatikim ko sa kanya ang espesiyalidad kong pininyahang manok,” sabi pa ng matanda.

Napatingin naman si Bryan sa dalaga at saka ngumiti, “nako pasensya ka na Daisy sa lola ko ha? Palabiro lang talaga yan at sobra sa kakulitan. Kaya kung ako sa’yo, pumayag ka na kumain samin ng hapunan mamaya sa bahay, dahil hindi ka niyan tatantanan hangga’t hindi ka pumapayag,” wika ng gwapong binata.

“Ganun ba? S-sige walang problema. Sasamahan ko kayo maghapunan mamaya. Nakakasabik naman matikman ang espesiyalidad ni Lola Leony,” nahihiyang tugon ng dalaga, “salamat sa imbitasyon ha? Nice meeting you din pala, Bryan,” kinikilig na sabi ni Daisy.

Ang hapunan na iyon na pinaunlakan ni Daisy ay nasundan pa ng ilang paglabas-labas kasama si Bryan. Hindi naman nagtagal, ay tuluyan na ding naibsan ang kalungkutan ng dalaga lalo na nang mamukadkad ang isang bagong relasyon kay Bryan.

Naging pormal silang magkasintahan hanggang sa magdesisyon na magpakasal. Sa huli ay ikinasal ang dalawa sa isang magarbong hardin na napapaligiran ng magagandang bulaklak na si Daisy mismo ang nagtanim.

Sa kanilang istorya ay mapapatunayan natin na sadyang napakahirap na matagpuan ang tunay na pag-ibig. Sa paghahanap natin nito ay kasama na talaga ang mapait na pagluha, ngunit kung hindi ka mapapagod sa pagtatanim ng pagmamahal, balang-araw ay aanihin din natin ang pag-ibig na dinarasal.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.