Ang Mapagmalasakit na Pulis
“Isa na namang pulis ang nakalaboso sa paggamit at pagbebenta ng…”
Agad na kinuha ni Luisa ang remote control ng kanilang telebisyon. Isinara niya agad ang TV, dahil balita na naman tungkol sa pulis ang laman ng balita. Galit si Luisa sa mga pulis. Kwento kasi ni Aling Lorna, ang nanay niya, pulis ang may kagagawan ng maagang pagpanaw ng kaniyang ama dahil napagbintangan ito sa kasalanang hindi naman niya nagawa.
Simula noon, naitanim na sa puso at isipan ni Luisa na ang lahat ng pulis ay masasama. Lalo pa itong umigting sa mga balitang naririnig, nababasa, o napapanood niya sa iba’t ibang mga kr*men at kalokohang kinasasangkutan ng mga ito. Kung sino pa ang mga taong unang dapat magpatupad ng batas, sila pa ang bumabali nito, sa isip ni Luisa. Ipinangako niya sa sarili na kung magkakaboyfriend o mag-aasawa siya, hinding-hindi siya pipili ng pulis.
Sa katunayan, hindi rin maintindihan ni Luisa kung bakit lapitin siya ng mga manliligaw na pulis. Tatlo sa kanyang mga naging manliligaw ay mga pulis. Subalit hindi pa man nakakaporma nang tuluyan sa kanya, basted na agad.
Isang araw, nautusang mamalengke ni Aling Lorna si Luisa. Matapos makipagtawaran sa mga suking tindera at makompleto ang mga nakalistang bilihin, lumabas na ng pamilihan si Luisa at naghintay ng taxi upang makauwi na.
Sa kabila ng kalsada, napansin niya ang isang gwapo, matangkad at matipunong pulis na may kasa-kasamang isang matandang lalaking uugod-ugod at hirap na hirap lumakad. Bukod dito, umiiyak din ang kaawa-awang matanda. Papunta ang mga ito sa isang police post station.
May kung anong tumulak na emosyon kay Luisa. Mabilis na nagbigay ng konklusyon. Parang may mali. Gumana ang paghihinala ni Luisa. Pakiramdam niya, may hindi magandang nangyayari sa pagitan ng pulis at ng matanda. Kailangan niyang malaman ito. Baka kailangan ng tulong ng kaawa-awang matanda mula sa mapagsamantalang pulis. Tumawid siya at sinundan ang dalawa.
Kunwari ay nag-aabang lamang ng masasakyan si Luisa, subalit talagang gusto niyang marinig ang usapan ng pulis at ng matanda. Ito ang kanyang narinig:
“Ibigay n’yo na ho sa akin yung hinihingi ko…” seryosong sabi ng pulis.
“Hindi pwede… hindi pwede…” umiiyak na sabi ng matandang lalaki.
Tinamaan ng magaling! Wala bang magawa ang pulis na ito’t matanda ang napagdiskitahan? Palibhasa, walang kalaban-laban, sa isip-isip ni Luisa. Nabuo sa isipan niya na baka nangingikil ang pulis sa kaawa-awang matanda. Ipinagpatuloy ni Luisa ang palihim na pagmamanman. Buo sa sarili niyang tutulungan ang matanda kapag nakahanap ng tiyempo.
Maya-maya, nakita ni Luisa na kinakapkapan ng pulis ang matandang lalaki. Lalapitan na sana ni Luisa ang dalawa nang mapahinto siya. Nakuha ng pulis ang gusto niyang makuha mula sa matandang lalaki. Isang kapirasong papel.
“Tay, huwag ho kayong mag-alala. Ako na po ang tatawag sa kamag-anak n’yo. Heto po ba ang number niya?”
“O-oo. Oo. Hindi kasi ako marunong gumamit ng telepono…” nahihiyang sabi ng matanda.
Nakita ni Luisa na tinawagan ng pulis ang numero ng sinasabing kamag-anak nito. Pagkatapos, nakita niyang umalis ang mamang pulis, at ilang minuto lamang ay may dala-dala na itong pansit at tubig.
“Tay, kumain ho muna kayo. Baka nagugutom na po kayo,” alok ng pulis sa matandang lalaki.
Nagpaunlak naman ang matandang lalaki, at habang kumakain ito, nagsalaysay ito ng kanyang buhay. Nawawala pala siya. Galing pa siya sa Mindoro, at lumuwas ng Maynila dahil isinama ng kanyang anak. Maya-maya, dumating na ang sinasabi nitong anak, at sinusundo na ito. Labis na nagpasalamat ang anak sa mamang pulis dahil sa ipinakita nitong malasakit at kagandahang-loob sa matanda. Hindi napigilan ni Luisa ang kanyang sarili at kinuhanan ng larawan sa kanyang cellphone ang matanda at ang pulis.
Pagdating sa bahay, ipinost ni Luisa ang larawan sa kanyang Facebook, kaakibat ang mahabang caption ng pagpupugay at pagsaludo sa naturang pulis. Sinabi ni Luisa na nabago ang kanyang pananaw sa mga pulis na masaksihan niya ito, at hindi dapat sila inilalahat. Marami pa ring mga pulis na matitino, may malasakit, at tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Agad na nag-viral sa social media ang naturang larawan, hanggang sa maitampok sa balita. Hinanap ng mga news magazine show sa iba’t ibang tv network ang naturang pulis. Siya pala si PO1 Rudy Serrano. Dahil sa kagitingang ipinakita niya’t karangalan sa imahe ng kapulisan, na-promote ito at nabigay ng mataas na ranggo.
Napagtanto rin ni Luisa na hindi niya dapat husgahan sa pangkalahatan ang mga pulis, o kahit na anong trabaho, dahil hindi ibig sabihin na kasalanan ng isa ay kasalanan ng lahat. Hindi lahat ng pulis ay masasama. Tuluyan na ngang nagbago ang kanyang pananaw hinggil sa kapulisan.