Saglit na Nagpakalayo-Layo ang Binata Upang Pagnilayan Kung Masaya Pa Ba Siya sa Kursong Pinasok Niya; Sino Kaya ang Makakatulong sa Kaniya Upang Mapagtanto Ito?

Para ipagdiwang ang kaniyang ika-21 taong kaarawan, minabuti ni Emerson na magtungo sa sikat na Siargao upang tuparin ang kaniyang pangarap na masubukan ang mga adventure sa dagat. Nais niyang bisitahin ang iba’t ibang mga isla roon o tinatawag na island hopping. Gusto muna niyang makapag-isip-isip at malayo sa maingay at magulong mundo ng siyudad.

man walking on the beach - asian man in the beach stock pictures, royalty-free photos & images

Ang totoo niyan, gusto niyang magmuni-muni at iniisip niyang huminto na lamang sa pag-aaral kahit isang taon na lang ang gugugulin at isa na siyang mechanical engineer. Hindi iyan ang propesyong pinangarap niya para sa kaniyang sarili. Gusto niyang maging isang beterinaryo, subalit hindi ito ang gusto ng kaniyang ama para sa kaniya. Gusto kasi nitong sundan niya ang yapak nito.

“Kayo lang po mag-isa?” tanong ng bangkero kay Emerson nang kunin niya ang serbisyo nito para dalhin siya sa iba’t ibang mga isla sa Siargao.

“Opo. ako lang po talaga,” tugon naman ni Emerson.

“Sige po, sakay na po kayo… tamang-tama kayo lang din ho ang turista ngayon. Hindi kasi panahon ngayon ng pagdagsa ng mga turista, alanganin po.”

At nagsimula na nga silang sumakay sa bangkang de motor ng bangkerong si Mang Lino, ayon sa pag-uusisa na rin ni Emerson.

Napapasinghap si Emerson sa malamig na dapyo ng hangin sa kaniyang mukha at katawan. Amoy-dagat ang simoy ng hangin, at nakapagpapakalma ang bughaw na tubig-dagat.

“Matagal na po ba ninyong ginagawa ang pagiging tour guide at bangkero na rin sa mga island hopping, Mang Lino?” basag ni Emerson sa katahimikan.

Advertisement

“Mga tatlong taon na rin. Hindi ito ang kabuhayan ko talaga. Ako ay isang mangingisda. Iyon talaga ang kabuhayan ko, kahit siguro nakapikit ay kayang-kaya kong manghuli ng mga isda,” nakangiting tugon naman ni Mang Lino.

smiling chinese fisherman - asian old fisherman stock pictures, royalty-free photos & images

“Siguro po napakahirap ng inyong trabaho? Paano po ninyo natitiis ang ganitong init ng panahon? Lagi po kayong nakabilad sa araw,” pagpapatuloy ni Emerson.

“Sanayan na lang, iho. Ganoon talaga. Ito na rin kasi ang kinasanayan kong trabaho. Ipinamana sa akin ng aking amang mangingisda rin.”

Natahimik si Emerson. Naalala niya ang kaniyang ama at ang sitwasyon niya ngayon.

“Hindi po ba kayo nagsisisi na sinunod ninyo ang yapak ng inyong ama? Baka po kung ibang linya ng trabaho ang pinasok ninyo, hindi lamang ang pangingisda ang ginagawa ninyo?”

Natahimik ang mangingisda. Tila nag-isip ito nang malalim.

“Noong una, gusto ko talagang mag-aral. Pero dahil ako ang panganay at palagay ko kailangan ang tulong ko para maitaguyod ang pamilya namin, isinakripisyo ko iyon. Hanggang sa unti-unti, natabunan na ng mga alon sa dagat ang mga pangarap ko. Tinangay na ng hangin,” paliwanag ng mangingisda.

“Pero alam mo, hindi ako nagsisisi. Kasi nang mawala ang ama ko, pakiramdam ko ako ang nagtuloy sa nasimulan niya. Kapag nangingisda ako, pakiramdam ko nasa tabi ko lamang siya, ginagabayan ako. Kaya marami akong huling isda, at napagtapos ko sa pag-aaral ang apat kong anak sa kolehiyo,” dagdag pa ni Mang Lino.

Advertisement

Nanlaki ang mga mata ni Emerson sa kaniyang mga narinig. Nakapagpatapos na pala ng mga propesyunal ang bangkerong ito, na kaya na lamang nagtatrabaho ay para magkaroon ng sariling pera niya at hindi umasa sa kaniyang mga anak, na kung tutuusin naman daw ay hindi siya pinababayaan.

Para kasing naiugnay niya ang sariling mga pinagdaranan sa sinabi ng naturang bangkero.

“Ganyan po kasi ang gusto ng Papa ko. Ibang kurso po ang gusto ko. Sinunod ko po ang gusto niya.”

“Masaya ka ba sa ginawa mong mapasaya mo ang ama mo?” tanong ng bangkero.

Hindi kumibo si Emerson. Pinagmasdan niya ang mga nagngangalit na alon ng dagat. Payapang-payapang sumasayaw ang mga halaman sa bulong ng hangin. Mukhang alam na niya ang sagot sa mga tanong niya sa isipan na matagal nang hindi nagpapahimbing sa kaniya.

Pagbalik niya sa kanilang bahay, pinag-isipang mabuti ni Emerson ang mga isinalaysay ng bangkero sa kaniya. Naikumpara niya ito sa kaniyang sariling buhay. Sa totoo lang masaya naman talaga siya sa kaniyang ginawa dahil kahit paano, napapasaya niya ang kaniyang mga magulang.

Kaya nagdesisyon siya na tatapusin na lamang niya ang kursong kinuha niya. Kapag nakatapos na siya, nakapagtrabaho, at nakapag-ipon, maaari pa naman siyang mag-aral ulit upang matupad naman ang pangarap niya para sa kaniyang sarili. Isa pa, sarili niyang pera ang gagastusin niya kaya walang makapanunumbat sa kaniya.

engineer measuring a machine part while working on a 3d model - tools of mechanical engineer stock pictures, royalty-free photos & images

Makalipas ang isang taon ay nakatapos na nga ng pag-aaral si Emerson at naibigay niya ang kasiyahan ng kaniyang pamilya. Upang hindi naman masayang ang kaniyang pinag-aralan, nagtrabaho siya sa loob ng tatlong taon, nag-ipon, at pagkatapos ay ginamit ang ipon upang matupad naman ang kaniyang pangarap sa sarili—ang pagiging isang beterinaryo.