Inday TrendingInday Trending
Sexy Na Ako Ngayon

Sexy Na Ako Ngayon

Walang humpay ang tawanan ng barkada, habang nakapaikot sa mesang kainan sa canteen. Nagbibiruan ang mga ito at as usual, may isa na namang nagiging tampulan ng tukso.

“Guys, akala ko ba, kakain na tayo?” ang tanong ni Susan upang maibsan ang ingay ng tawanan ng kanilang barkadahan.

Ngunit sinagot lamang siya ni Oliver ng, “Bakit, gutom ka na naman ba, Oinky?” at nagsimula na naman silang maghagalpakan.

Nakikitawa na lang si Susan sa mga ito upang hindi naman maging ganoon kasakit sa parte niya ang ‘biruan’ nila. Ramdam niya ang pagtitinginan ng ibang mga tao sa kanila dahil sa nagaganap na hayagang panlalait ng mga ito sa kaniya, ngunit ano ang magagawa niya? Kung magre-react siya ay baka lalo lamang siyang tuksuhin ng mga ito at pagtawanan.

“Minsan, guys, ʼpag bagong pasok tayo sa klase, tinititigan ko talaga ʼyang si Susan, e.” maya-mayaʼy si Tony naman ang bumanat. “Sabi ko sa sarili ko… babae ba talaga ʼto o aparador?” kunwariʼy nagtatakang umakto pa si Tony.

“Grabe naman!” may himig ng pagtatampo ang boses ni Susan na idinaan niya lang sa pabirong paraan.

“O, joke lang, walang pikon,” sabi naman ni Lily na pangisi-ngisi lang.

Lagi na lang ganito ang ruta nila. Minsan ay halos ayaw na niyang pumasok sa school. Minsan ay gusto niyang huwag na lang pansinin ang mga itinuturing niyang kaibigan, kaya lang ay hindi naman pʼwede. Ang tanging kayang gawin ni Susan sa tuwing hindi na niya kakayanin ang pang-iinsultong natatamo niya sa mga ito, na madalas nilang ipagbalatkayo bilang biro, ay ang magtago sa isang lugar na maaaring siya lang mag-isa.

Doon niya ibinubuhos ang kaniyang emosyon. Umiiyak nang walang tunog, habang sapo ang dibdib. Pagkatapos ay babalik nang nakangiti at haharaping muli ang masasakit na biro ng mga kaibigan tungkol sa kung gaano siya ka-pangit, ka-pandak, ka-taba at ka-baboy.

Isang araw ay papasok pa lang si Susan noon sa school. Nakita niya ang isa sa mga kaibigang si Olivia na kapatid ni Oliver. Hawak nito ang diary niya at kausap ang iba pa nilang barkada.

P-paano nila iyon nakuha?! anang isip ni Susan.

Magtatago pa sana siya sa mga ito ngunit huli na para doon dahil nakita na siya ni Lily.

“Tabby!” sigaw nito. Siya ang tinatawag. Mataba, Tabby for short.

“B-bakit? Magsi-CR kasi sana ako, e,” paalam niya.

“Ah, ganoʼn ba?” tumaas pa ang isang sulok ng labi ni Lily. “Okay!” ngunit maya-mayaʼy sabi ito.

Pumasok siya sa loob ng CR. Napahinga siya nang malalim. Alam niyang sa mga pagkakataong ito ay alam na ng mga ito ang pinakatatago-tago niyang sikreto!

Pagkalabas na pagkalabas pa lang ni Susan sa banyo ay malaki na agad ang naging pagkagulantang ng dalaga.

“SUSAN LOVE JOCO” ayon sa malaking karatulang gawa sa cartolinang puti. Parang minadali lamang ang pagkakasulat niyon gamit ang pentel pen na kulay itim at pula. Hawak-hawak iyon nina Lily at Oliver at itinapat nila mismo iyon sa mga taong naglalakad sa hallway ng school.

“May crush si Susan kay Joco!” hiyaw pa ni Tony.

Tiningnan niya ang hitsura ng lalaking matagal na niyang hinahangaan. Iiling-iling lang ito habang napapahipo sa sentido.

Halos gusto nang manlumo ni Susan sa nangyari. Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya kaya pang i-take ang ‘biro’ ng mga kaibigan. Tumakbo siya hanggang sa makalabas ng campus.. ngunit isang jeep ang agad na sumalpok sa dalaga.

Makalipas ang anim na taon

Halos sabay-sabay na nilingon ng mga taong nasa loob ng gymnasium na iyon ng eskuwelahan ang dalawang taong kapapasok lamang sa entrance. Agad nilang nakilala ang lalaking nakasuot ng long-sleeved polo na kulay itim at hapit na hapit sa katawan nitong paniguradong babad sa work-out. Si Joco iyon, ang ultimate heartthrob ng kanilang batch noong highschool. Ngunit ang ipinagtataka nila ay kung sino ang babaeng nakaangkla sa braso nito?

“S-Susan?!” halos hindi makapaniwalang bulalas ng barkadang Tony, Olivia, Lily at Oliver, habang nakatingin naman sa babaeng nakasuot ng hapit na hapit na semi-formal dress na iyon na may simple ngunit eleganteng disenyo!

Matapos ang aksidenteng nangyari dito noon ay agad itong lumipat ng eskuwelahan at hindi na nagparamdam pa sa kanila. Batid ng barkada ang kasalanan nila noon kay Susan, ngunit hindi na nila nagawa pang humingi ng kapatawaran dahil sa hiya. Sila ang naging dahilan ng pagiging baldado ng dalaga nang ilang taon!

Gusto nilang magyumuko nang mahuli nilang napadako ang tingin ni Susan sa kanila. Ang amo ng mukha nito at napakaganda! Hindi nila akalaing ang dating inaapi-api nilang ka-barkada noon ay ganito ang itinatagong kagandahan!

Walang nagsasalita habang papalapit si Susan. Expected na nilang susumbatan sila ng dalaga, pasasaringan, lalo paʼt ang mga itsura nila ngayon ay hindi na rin nila maipagmamalaki. Puno ng taghiyawat ang mukha ni Lily, malaki naman ang tiyan ni Oliver. Si Olivia naman ay apat na layer na rin ang bilbil habang si Tony ay sobrang nangayayat. Panahon na siguro kung sila naman ang makaranas ng panlalait mula kay Susan.

“Guys!” masiglang bungad ni Susan nang makalapit na ito sa kanilang table. “Ako ʼto, guys, si Susan!” nakangiti pang sabi nito. “Kumusta na kayo? Na-miss ko kayo!” sabi pa nito na labis na ipinagtaka ng magkakaibigan.

“H-hindi ka galit sa amin?” Napatanong tuloy si Lily.

“Hindi na! Susme, ang tagal-tagal na nuʼn!” anito pagkatapos ay nakiupo na si Susan sa kanila. Ipinaliwanag nito ang pinagdaanan noong mga taong hindi ito makalakad na naging dahilan kung bakit ito namayat. “..at kung sinisisi nʼyo pa rin ang sarili nʼyo dahil sa nangyari, huwag. Dahil ako, kahit kailan, hindi ko kayo sinisi. Oo, nagalit ako sa inyo pero marunong akong magpatawad. Sana, napatawad na rin ninyo ang sarili nʼyo.”

Sa pagkakataong iyon ay lalong nanliit ang barkada sa kanilang mga sarili. Ngayon nila pinakanakikita kung ano ang kaibigang sinayang nila noon. Si Susan, na walang ginawa kung hindi maging mabuti sa kanila kahit pa wala silang magandang idininulot dito noon.

Advertisement