
Habang Kumakain ang Abogado sa Isang Kainan ay Nakita Niya Mismo na Sinasaktan ng Kanilang Boss ang Isa sa mga Crew Nito; Magugulat Sila sa Kaniyang Gagawin
Nakatanaw sa bintana ng kaniyang opisina si Mr. Buenavista at sinisipat ang isang kainan kung saan sila madalas magpunta ng kaniyang mga kabarkada noong sila ay nasa kolehiyo pa lang. Napapangiti siya sa pag-alala sa nakaraan. Limang taon na ang nakalilipas simula nang siya ay maging ganap nang abogado at makapagtrabaho sa law firm na pagmamay-ari ng kaniyang tiyuhin.
“Mag-a-ala una na pala,” sambit niya sa kaniyang sarili nang makita ang oras sa kaniyang relos. Nagdesisyon siyang tumayo muna at lumabas sa kaniyang opisina upang magtungo na nga sa naturang kainan.
Sa kalagitnaan ng pagkain ni Mr. Buenavista ay namataan niya ang may edad nang serbidora na noon ay madalas na magsilbi sa kanilang magkakaibigan sa tuwing sila ay kakain doon. Naalala niya pang masaya itong kakuwentuhan noon dahil tila hindi ito nauubusan ng istorya at bentang-benta pa sa kanila ang mga biro nitong tunay namang nakakatawa talaga. Kung hindi nga lang talaga naging abala si Mr. Buenavista sa loob ng limang taon ay baka lagi niya pa rin itong pinupuntahan. Sobra kasi talagang stressful ng napili niyang propesyon, ngunit ganoon pa man ay masaya siya dahil ito talaga ang kaniyang pangarap.
Akma sanang kakaway si Mr. Buenavista sa naturang serbidora, nang mapansin niyang tila may kakaiba rito. Nayuyuko kasi ang nasabing babae at tila galing ito sa pag-iyak. Pansin din ng abugado na tila ba balisa ang nasabing babae habang sinusundan ng tingin ang isang lalaki, na base sa suot nitong pananamit ay mukhang ito ang bagong manager. Nang mapadaan ang mga ito malapit sa puwesto ni Mr. Buenavista ay pasimpleng nakinig sa usapan ng mga ito ang abogado…
“Sir, bakit po ninyo ako tatanggalin? Matagal na po akong regular dito sa kainang ito. Kilala na ako ng mga suking customers dito,” dinig niyang anang matandang serbidora. Doon pa lang ay bahagya nang napakunot ang noo niya.
Hinabol niya ng tingin ang serbidorang kung tawagin nila ay Ate Hanny at ang boss nito.
“Wala akong pakialam kung regular ka na rito. Bago na ang management, kaya ibig sabihin, void na rin ang kontrata mo. Bukas na bukas ay ayoko nang makita ang pagmumukha mo rito, maliwanag?” masungit na anang bagong manager ng naturang kainan ngunit ipinaggiitan pa rin ni Ate Hanny ang kaniyang karapatan. Hanggang sa maya-maya ay nauwi na iyon sa matinding pakikiusap ng babae!
Doon na naisipan ni Mr. Buenavista na kunin ang kaniyang cellphone at kuhanan ng video ang nasasaksihang eksena. Hindi na kasi maganda ang nagiging kinahihinatnan ng pag-uusap ng dalawa. Hindi akalain ni Mr. Buenavista na sa kaniyang muling pagbisita pa pala sa paboritong kainan pagkalipas ng limang taon ay ganito pa ang kaniyang masasaksihan!
Maya-maya pa ay nagkatotoo na nga ang kutob ni Mr. Buenavista. Kitang-kita niya nang bigla na lamang saktan nang pisikal ng malupit na bagong manager si Ate Hanny! Sinampal nito ang ginang pagkatapos ay itinulak pa! Doon ay tumayo si Mr. Buenavista at lumapit na sa dalawa…
“Hi, Ate Hanny! Naaalala mo pa ba ako?” bati niya sa nabibiglang babae bago niya ito inalalayang makabangon mula sa pagkakabuwal dahil sa pagkabigla sa ginawa ng kaniyang boss. “Narinig ko ang lahat ng pinag-usapan n’yo. Handa akong tulungan si Ate Hanny at ang lahat ng empleyado ng kainan na ito na nakakaranas ng pagmamalupit mula sa ’yo, Mr. Manager,” biglang baling naman niya sa manager na kunot-noo naman siyang tiningnan.
“Bakit, sino ka ba? Pasensiya na po, sir, pero ang bagay na ito ay para lang sa pagitan namin ng empleyadong ’to. Tinatanggal ko na siya at wala na kayong magagawa roon,” matapang pang sagot nito pabalik.
“Pero ilegal ang ginagawa mong pagtatanggal sa kaniya. Hindi ba’t may kontrata siya?”
“Excuse me, sir, pero sa tingin ko ay labas ka sa usapin namin tungkol diyan… unless abogado ka niya—”
“Yes, ako nga ang abogado niya. I’m Attorney Buenavista, by the way,” putol naman ni Mr. Buenavista sa sinasabi ng manager na agad na ikinapanlaki ng mga mata nito!
Naging mabilis ang pangyayari. Agad nilang nasampahan ng kaso ang naturang lalaki at ang management ng kainang ’yon. Dahil doon ay nakuha ni Ate Hanny ang hustisyang para sa kaniya at nabayaran siya ng tama para sa ilang taon niyang serbisyo. Salamat sa magaling na abogadong si Mr. Buenavista na hindi lang matalino kundi may puso rin para sa kapwa.