Walang Ginawa ang Hermanang Ito Kundi Sitahin ang mga “Makasalanan” sa Loob ng Simbahan; Makahanap Kaya Siya ng Katapat?

Masasabing napakarelihiyosa ni Hermana Josefina dahil walang mintis ang kaniyang pagsisimba, dalawang beses sa isang araw. Umaga pa lamang, laman na siya ng simbahan. Maaga talaga siyang gumigising upang makadalo pa rin sa unang misa.

Pakiramdam ni Hermana Josefina ay napakabanal niya dahil kumpleto pa ang damit niya kapag siya ay nagsisimba. Mahaba ang kaniyang saya, nakapusod ang kaniyang mahabang buhok, at naglalagay siya ng puti, o itim na belo sa kaniyang ulo. Lagi niyang hawak ang Bibliya sa kanang kamay, at nakapulupot naman sa kaniyang kaliwang kamay ang rosaryo. 

Sa tuwing papasok siya sa loob ng simbahan, pinipili niyang maupo sa bandang harapan. Ayaw niyang mapapadikit sa ibang tao, dahil pakiramdam niya ay makasalanan sila. Isa pa, walang lubay ang paninita niya sa kaniyang isip, lalo na kapag nakakakita siya ng mga taong nakatsinelas lamang sa loob ng simbahan, o kaya naman ay mga magkakasamang nag-uusap, o kaya naman ay panay tingin sa cellphone.

Minsan, sinita niya ang isang babaeng taimtim na nanalangin ngunit nakita niyang naka-tsinelas lamang. Talagang inabangan niya ito upang pagsabihan.

“Sister, hindi naman yata tamang naka-tsinelas ka lamang kapag nasa tahanan ka ng Diyos. Magsuot ka naman nang tama at wasto, nakakahiya sa ating Panginoon. At tingnan mo naman ang suot mo, para kang nakapambahay lamang. Para kang isang makasalanang babaeng nagbebenta ng katawan,” walang patumanggang paninita ni Hermana Josefina sa babaeng hindi pa naman ganoon katanda.

“Mawalang-galang na po, Hermana. Hindi po ako masamang babae. Pasensiya na po kayo,” napahiyang sabi ng babae. 

Minsan naman, isang magkasintahan ang sinita niya dahil sa pag-uusap ng dalawa. Kung tutuusin, mahina lamang naman ang kanilang pag-uusap, halos paanas lamang, subalit sinita pa rin sila ni Hermana Josefina.

“Hindi ito parke o mall kaya puwede ba, igalang naman ninyo ang tahanan ng Diyos? Kung gusto ninyong mag-usap doon kayo sa labas ng simbahan. Siguro pareho kayong makasalanan, ano? Marahil ginagawa na ninyo ang mga bagay na ginagawa ng mga mag-asawa, na dapat ay ginagawa lamang sa ilalim ng sakramento ng kasal. Magsilayas kayo sa loob ng simbahan!”

Advertisement

Kaya naman tumatak sa naturang bayan si Hermana Josefina bilang “Ang Matuwid” at “Walang Bahid Dungis,” bilang palibak na bansag sa kaniya, lalo na kapag nakatalikod siya.

Isang hapon ng Linggo, huling misa sa araw na iyon. Gaya ng dati, nakapuwesto na si Hermana Josefina sa paborito niyang upuan. Kapansin-pansing kinaiilagan siya ng mga tao, sa takot na masita niya. Natutuwa naman ang matanda dahil hindi siya napapalibutan ng mga makasalanan.

Habang naghihintay ng misa, lumuhod si Hermana Josefina at nanalangin.

“Panginoong Hesukristo, ilayo mo po ako sa mga makasalanang tao. Marumi po sila. Hindi po sila karapat-dapat na mapalapit sa akin, dahil hindi sila namumuhay nang matuwid, hindi gaya ko, Panginoon. Wala akong mintis sa pagdarasal. Lagi akong dumadalo sa mga misa. At higit sa lahat, sumusunod ako sa pagbibigay ng ikapu…”

Naputol ang pagdarasal ni Hermana Josefina nang may tumabi sa kaniyang isang babae, na tipong taga-Maynila ang postura. Nakamaong na pantalon ang naturang babae, at tila may sinasabi sa buhay. Napaantanda si Hermana Josefina.

korean lady in the hagia sophia - inside the church stock pictures, royalty-free photos & images

Maya-maya, sa Unang Pagbasa ay napansin ni Hermana Josefina na sa halip na Bibliya ang hawak ng babaeng katabi, sa cellphone pa mismo ito nakatingin. Nagngitngit ang kalooban ng matanda. Hindi niya napigilan ang kaniyang bibig.

“Sister, mamaya na ho kayo mag-cellphone, nasa kalagitnaan ho tayo ng misa. Baka tamaan ka ng kidlat mula sa langit dahil sa pagiging tampalasan mo. Kabastusan iyan. Bibliya ang hawakan mo, hindi cellphone!”

Napahinto nang bahagya ang nagbabasa ng Unang Pagbasa dahil napalakas pala ang boses ni Hermana Josefina. Pati ang pari sa pulpito ay napatingin sa kanilang dako. Nagulat naman ang babaeng katabi ni Hermana Josefina dahil sa paninita nito sa kaniya.

Advertisement

“Mawalang-galang na ho, ale… may Bible app po rito sa cellphone ko,” at ipinakita ng babae ang kaniyang cellphone. Bibliya nga ito.

paper bible and digital bible app on smartphone.  the new testament. gospel. luke. - a cellphone with bible app stock pictures, royalty-free photos & images

Nanahimik na si Hermana Josefina. Nakinig na sa sermon ng pari. Nagkataon namang ang tema ng homily ng pari ay tungkol sa pagiging mapanghusga. Hindi raw lahat ng mga nagdadasal nang malakas ay maituturing na matuwid na. Palihim na napatingin ang lahat kay Hermana Josefina, at naramdaman naman ito ng matanda.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nakaramdam ng pagkapahiya si Hermana Josefina dahil ngayon lamang siya nakaranas na may sumagot sa paninita niya. Nakahanap siya ng katapat. Magmula noon, binawas-bawasan na niya ang paninita sa kaniyang kapwa, dahil naisapuso niya ang narinig na sermon ng pare hinggil sa pagiging mapanghusga sa kapwa.