Inday TrendingInday Trending
Pumasok ng Naka-Tsinelas sa Opisina ang Lalaking Ito Kaya Pinagtawanan Siya, Di Nila Alam na Napakadakila ng Kanyang Ginawa

Pumasok ng Naka-Tsinelas sa Opisina ang Lalaking Ito Kaya Pinagtawanan Siya, Di Nila Alam na Napakadakila ng Kanyang Ginawa

Limang taon nang nagtatrabaho sa isang opisina sa Valenzuela si Theresa, ang kanyang mga magulang ay nasa probinsya at mayroon siyang isang apartment malapit sa pinapasukan para di niya na kailangan pang bumyahe nang malayo, nagpapadala na lamang siya para sa panggastos ng mga ito. Maganda naman kasi ang kanyang trabaho at malaki ang kanyang sinasahod.

Kasama niya rin sa pinapasukan ang nobyong si Miguel, mabait ang lalaki at may respeto sa kanya. Dalawang taon na ang kanilang relasyon at masasabi naman ni Theresa na masaya siya sa piling nito. Isang araw, may usapan sila ni Miguel na magkakape kaya naman medyo nagtaka ang dalaga nang late na itong dumating, hindi kasi normal na nale-late ito, palagi pa nga itong nauuna lalo na kung may usapan silang kumain bago pumasok sa opisina.

Magkatabi lang ang table nila kaya kahit naiinis ang dalaga ay wala siyang choice kung hindi ang makita ito.

“Babe sorry na.. traffic lang kasi talaga..” sabi ng lalaki.

“Traffic? Sabi mo sa akin kanina nasa taxi ka na, malapit na kamo. Tapos isang oras na wala pa rin? Sana sinabi mo na lang na hindi tuloy, edi nagbreakfast na lang sana ko mag isa,” nakairap pa rin na sabi niya.

“Sayang naman.. galit ka, ibinili pa naman kita ng burger,” nakangiting sabi nito, hawak hawak ang burger at orange juice. Ang mokong, alam ang kahinaan niya!

Dahil gutom na rin ang dalaga at ayaw niya nang palakihin pa ang maliit na pagtatampo ay ngumiti na rin siya.

“Basta next time ha? Akin na yan!” sabi niya at hinablot ang burger.

“Opo, I love you,” masuyong sabi nito, nakatitig sa kanya habang siya’y kumakain.

Mabilis lumipas ang oras at lunch na, dagsaan ang mga officemate nila sa canteen. Paano kasi, masarap ang ulam dito lalo na kung ganitong araw ng biyernes. Nakapila sila ni Miguel nang bigla nalang itong kantsawan ng isa sa mga ka-opisina nilang lalaki.

“Ayos Migs ah, naka-tsinelas. Baha sa inyo?”sabi nito sabay tawa.

“Sus! Naubos na ang pambili mo ng sapatos, ibinenta mo na pati suot mo. Tipid tipid sa buhay brad. Gipit na gipit ba?” gatong ng isa pa. Maraming tao ang nakarinig noon kaya nagtawanan ang mga ito.

Tinignan naman ni Theresa ang mukha ni Miguel pero tila di naman apektado ito, nakangiti pa nga ang lalaki at tinitignan ang sariling paa. Noon lang din napansin ni Theresa na naka-tsinelas nga ito, bakit kaya? Ngayon lang ito nagsuot ng tsinelas sa opisina, buti nga ay pinapasok ng guwardiya.

Palagi itong nakasapatos, mahilig kasi ito sa mga iyon. Mahal na mahal nito ang koleksyon ng iba-ibang sapatos na talagang pinag-iipunan mabili lang.

Oras na ng uwian, kalalabas lang sa building ng dalawa at nag-aabang ng taxi.

“Friday kasi ngayon eh, rush hour pa.. traffic tuloy.” sabi ni Miguel, bitbit nito ang bag ng nobya.

“Oo nga eh, sabi sayo dapat doon muna tayo sa office nagtambay atleast nakaupo tayo kasi dito nakatayo tapos ang dami ring nag-aabang, baka mamaya pa tayo makasakay. Tara maglakad lakad tayo doon sa unahan?” yaya ni Theresa sa lalaki.

“Sigurado ka? Di ka ba mapapagod? I mean ako, okay lang kasi naka-tsinelas naman ako eh,” sabi ng lalaki.

“Oo naman. Tara!” Hinila na niya ang kamay ng nobyo at sinimulan na nilang maglakad.

Napatigil pa si Theresa dahil nasalubong nila ang isang matandang pulubi na maraming bitbit na plastic. Matatakot sana si Theresa dahil lumapit ito sa kanila.

“Ahh siya pala..ang swerte mo hija,” sabi nito. Hindi alam ni Theresa kung ano ang sinasabi ng matanda pero nagulat siya nang sumagot ang kanyang nobyo.

“Oho, siya ho iyong binilhan ko ng burger kanina..” sabi nito.

“Dalawa kaming binilhan mo. Salamat hijo ha? Pagpapalain ka. Komportable sa paa ang sapatos,” nakangiting sabi nito at naglakad na palayo.

Noon bumaba ang tingin ni Theresa sa paa ng matanda at nagulat siya nang makitang suot nito ang bagung-bagong sapatos ni Miguel. Ibig sabihin…?

“Oo binigay ko, kawawa naman kasi. Kaya na-late ako kanina kasi nasalubong ko sya na nakayapak, matanda na sya kaya binigay ko na ang sapatos ko. Bumili nalang ako ng tsinelas diyan sa bangketa, ganda naman diba?” sabi ng lalaki.

Napangiti si Theresa, bukod kasi sa binigyan ng sapatos ay pinakain rin ng kanyang nobyo ang matandang pulubi. Napakaswerte niya, napakabuti ng puso ni Miguel. Di nito alintana kung pagtawanan sa opisina o harangin ng guwardya dahil nakatsinelas ito, ang mahalaga rito ay ang makatulong.

Sana, marami pang lalaki ang maging katulad ni Miguel. Sana hindi lang sa maganda, at sexy handing magbigay ng tulong ang mga lalaki kundi sa mga higit pang nangangailangan, sa mga matanda at may kapansanan.

Alam ni Theresa, hindi siya nagkamali sa pagpili.

sa ibaba. Para sa mas maraming updates, I-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement