Inday TrendingInday Trending
Binugaw Ako ng Kaibigan Ko

Binugaw Ako ng Kaibigan Ko

“Nakakaloka ka girl! Bakit naman ako pa ang ipinampain mo sa lalaking nakilala mo lang sa facebook?” gulat na sabi ni Belle sa kaibigang si Sania.

Ang litrato niya kasi ang ipinadala nito sa lalaking ka-chat niya sa facebook. Noong una ay pat*y na pat*y si Sania sa lalaki dahil sa masarap itong kausap sa chat at punum-puno ng sense of humor ngunit nang magpadala na ito ng litrato sa kanya ay bigla siyang nawalan ng gana rito dahil ang pangit pala ng mukha nito.

“Hayaan mo na. Basta makipag-usap ka lang sa kanya. Utu-utuin mo lang. Magsasawa rin iyon,” wika ng dalaga.

“Bakit kasi ako pa, e di huwag mong kausapin kapag nag-chat sa iyo. Kaysa ako ang ibinubugaw mo!”

Umiling ang kaibigan. “Hindi puwede. Paano kung magpadala iyan ng regalo o pera? Kailangan na makipag-usap ka pa rin. Huwag ka, teh dahil napakagalante niyang pangit na iyan. Biruin mo, noong una naming nag-usap sa chat ay hiningi niya ang address namin sa bahay. Ako naman si tanga ay ibinigay ko dahil nga akala ko ay nakapa-guwapo niya. Nagulat na lamang ako nang isang araw ay may natanggap akong kahon ng mga tsokolate, pabango at mga damit. May kalakip pang sobre na nagkakahalaga ng limang libong piso,” kuwento ng kaibigan.

“Aba, e bakit mo pinakawalan? Di ba ganyan ang tipo mong lalaki. Mapera at maibibigay ang lahat ng luho mo?” tanong ni Belle.

Napa-ismid si Sania sa sinabi ng kaibigan. “Diyos ko! Galante nga at mapera, mukhang ewan naman kaya ayoko sa kanya.”

“Baka malaman niya na hindi na ikaw ang kausap niya. Baka mabisto niya tayo,” nag-aalalang tugon ni Belle.

“Hindi iyan! Ako ang bahala sa iyo. Kailangan lang na hindi ka mauubusan ng kuwento sa kanya dahil madaldal siya kausap. Marami siyang gustong pag-usapan kaya dapat hindi ka nauubusan ng topic na pag-uusapan niyo.”

“Hmm.. bahala na!” tangi niyang nasabi.

Kinagabihan ay nakipag-usap nga siya sa lalaking inireto sa kanya. Nakita nga ni Belle na may pagka-pangit ang hitsura nito ngunit nakalimutan niya iyon nang makakuwentuhan na niya ito.

“Grabe ka talaga, Benny! Ikaw lang ang nakapagpatawa sa akin ng ganito,” wika niya sa chat habang namimilipit sa katatawa.

“Teka, parang ngayon ka lang natawa ng todo sa mga joke ko? Kahit kailan kasi ay hindi mo ako sinabihan na napapatawa kita,” nagtatakang wika ng lalaki.

Napakagat-labi si Belle. Pakiramdam niya ay nakakahalata na ang kanyang kausap.

“Ha? Hindi! B-baka naman hindi nakakatawa ang mga joke mo dati kaya hindi kita pinuri,” palusot niya.

“Ewan ko ba, p-pero ibang-iba ka ngayon kumpara noon na parang wala kang emosyon kapag magkausap tayo,” anito.

“A, e… pagpasensyahan mo na ako kasi b-baka masama lang ang pakiramdam ko noon,” aniya na halatang nagi-guilty sa pagsisinungaling.

Mayamaya ay may ipinagtapat ito sa kanya.

“Nga pala, gusto kitang makita. Abangan mo dahil isang araw ay dadalawin kita,” bunyag ng lalaki.

Napamulagat si Belle. Bigla siyang nakaramdam ng kaba dahil mukhang wala na siyang kawala sa sinabi nitong pagdalaw. Mukhang nahuhulog na ito sa kanya. Sa isip niya ay hindi naman pala dapat tumitingin sa panlabas na anyo kundi sa pagkatao. Ilang beses man niyang iwaksi ang totoong nararamdaman kay Benny ay hindi na niya ito maipagkakaila pa. Sa sandaling panahon na nakausap niya at nagkagaanan ng loob ay palagi ng maganda ang pakiramdam niya. Nalulungkot nga siya kapag hindi ito nakakausap sa chat. Ang tahimik at boring niyang buhay dati ay binigyang kulay ng masiyahin at palabirong si Benny.

Nang magkita sila ng kaibigang si Sania ay ikinuwento niya rito ang napipintong pagdating ng lalaki.

“Di nga? Totoo ba talaga iyan, sis? Handa ka na bang makita ang delubyo?” natatawang sabi ni Sania.

“Tumigil ka na nga riyan sa kapipintas sa kanya!” saway ng dalaga.

“Aba at mukhang nabihag ka na ng pangit na iyan ha? Ikaw ang bahala girla, maaari mo naman pagtaguan kung gusto mo,” anito.

Hindi! Gusto ko rin siyang makita. Gusto kong makita ang taong nagpasaya at nagpalimot sa mga problema ko sa buhay . Siya lang ang lalaking nagparamdam sa akin na hindi dapat ako nagmumukmok na mag-isa, na dapat ay gawin kong masaya ang mundo ko,” hayag niya sa kaibigan.

Isang araw ay nagtaka si Belle dahil deactivated na ang account ni Benny nang tangkain niya itong kausapin sa chat.

“B-benny, anong nangyari, bakit ka nag-deactivate?”

Di niya namalayan na may tumulo ng luha sa kanyang mga mata. Nakaramdam siya ng hinanakit dahil bigla na lamang na ayaw na nitong makipag-usap sa kanya.

Nang biglang may kumatok sa labas ng pinto ng kanilang bahay at nang buksan niya iyon ay bumungad sa kanya ang isang pangit na lalaki na may dalang isang bungkos ng kulay pulang rosas. Sa hitsura pa lang nito ay agad niyang nalaman na ito na pala ang hinihintay niya.

“Magandang araw, ikaw ba si Belle Martinez?” nagtatakang tanong ng lalaki.

“A-ako nga! Ikaw na ba iyan, Benny?” natutuwang wika ni Belle.

“Ay, iyon nga ang gusto kong sabihin sa iyo. Hindi totoo na si Benny ang nasa litrato sa facebook account niya. Ang litratong iyon ay ako. Ako nga pala si Adrian, pinsan ni Benny. Ginamit lang niya ang litrato ko para makapaghanap ng babaeng makakasundo at mapag-aalayan niya ng kanyang pag-ibig. Ngayong nakita na niya ang hinahanap niya ay nakahanda na siyang ipakita ang kanyang tunay na anyo,” bunyag ng lalaki.

Parang napako sa kinatatayuan niya si Belle sa ipinagtapat ng lalaki. Mas lalo siyang nagulat nang makita ang isang napaka-guwapong lalaki sa kanyang harapan.

“Hi, ikaw ba si Belle?” nakangiti nitong tanong sa kanya.

Halos hindi rin siya makapagsalita nang tanungin siya ng guwapong si Benny.

Tumango siya at ngumiti ng bahagya. Hindi pa rin niya alam kung ano ang sasabihin sa mala-Anghel na mukhang nakaharap sa kanya.

“Gusto kong humingi ng tawad sa iyo dahil sa pagsisinungaling ko. Hindi ko sinasadyang gamitin ang litrato ng pinsan ko. Ginawa ko lang iyon dahil gusto kong malaman kung kaya mo pa rin ba akong pagkatiwalaan kahit hindi ko ipinakita ang totoo kong hitsura. P-pero sa bawat araw na magkausap tayo ay hindi ko na napigilan ang sarili ko na mahulog sa iyo. Mahal na kita, Belle.” seryoso nitong wika.

“H-hindi ko inasahan ito, Benny. Aaminin ko rin sa iyo na napamahal ka na rin sa akin ngunit mayroon pa akong hindi naipagtatapat sa iyo,” hirit pa ni Belle.

“Ang alin? Na ang kaibigan mong si Sania ang totoo kong ka-chat noong una? Matagal ko ng alam na ikaw ang nakikipag-usap sa akin at hindi ang kaibigan mo,” anito.

“Ha? Bakit ngayon mo lang sinabi? At bakit ka nag-deactivate ng account mo?”

“Wala lang. Gusto ko lang na sa iyo manggaling na ikaw ang nakakausap ko. Kung bakit naman ako nag-deactivate ay dahil narito ako ngayon sa harap mo. Hindi mo kailangan na makita ang account ko, ako pa lang ay sapat na sa paningin mo,” natatawang sabi ni Benny.

“Ikaw talaga, ginulat mo ako sa mga rebelasyon mo. Balewala na iyan sa akin, ang mahalaga ay nagkita na tayong dalawa. Wala akong pakialam kahit sino ka pa, kahit ano pa ang hitsura mo o kahit saan ka man nanggaling dahil para sa akin ay ang taong minahal ko ay ang totoong ikaw. Ikaw na nagpasaya at nagparamdam sa akin na mahalaga pa ang mabuhay,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Belle.

“Huwag kang mag-alala, narito na ako. Hayaan mong mahalin kita at pagsilbihan,” sagot ng lalaki sabay yakap sa kanya nang mahigpit.

Laking panghihinayang naman ni Sania nang malaman na ang ka-chat na pinamigay niya sa kanyang kaibigan ay isa pa lang napaka-guwapong lalaki, mabait at mayaman. Sa isip niya ay kundi sana niya hinusgahan ang pangit na litratong ipinost nito sa social media, di sana ay siya ang nagustuhan ni Benny at sila ang nagkatuluyan. Napakasuwerte ng kanyang kaibigang si Belle dahil natagpuan na nito ang kapareha ng puso nito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement