Inday TrendingInday Trending
Iniligaw ng Biyenan ang Pobreng Dalaga sa Maynila, Nagbalik Ito Upang Maghiganti

Iniligaw ng Biyenan ang Pobreng Dalaga sa Maynila, Nagbalik Ito Upang Maghiganti

Ibinahay ni Dennis si Angel, kasama ang inang si Cora. Noong una’y maganda ang pakikitungo nito sa babae, ngunit hindi nagtagal ay lumabas din ang tunay niyang kulay. Madamot, palautos, at napakasama ng naging pag-uugali nito.

Image courtesy of www.google.com

High school lamang ang natapos ni Angel at ulila na bata pa lang. Lumaki lamang siyang nakikitira sa mga kamag-anak, kaya laking pasasalamat niya nang makilala si Dennis, dahil nagkaroon din siya ng makakasama sa buhay.

Akala niya ay maayos na ang kanyang buhay dahil nakatagpo na ng katuwang, pero hindi naging madali ang lahat lalo na noong nakasama na niya si Cora. Sa puder ng biyenan ay natikman niya ang pait ng galit nito.

Tapos naman ng kolehiyo si Dennis at nagtatrabaho sa bangko, dahil doon ay parati siyang wala sa bahay, at kung nandoon man, ay sa pagtulog at pagpapahinga lamang nauubos ang kanyang oras.

“Angel, pagkatapos mong maglaba diyan, eh hugasan mo ang plato at maglinis ka ng banyo,” utos ng biyenang si Cora.

“Opo, nay,” magalang na pagsagot niya.

“Itago mo pala yung porkchop mamaya para ulamin ko, magprito ka na lamang ng tuyo o itlog at iyon ang kainin mo, yung sinaing antabayanan mo at baka masunog!” dagdag pa ng biyenan.

“Opo,” mahinang sagot ng babae. Napahinga lamang siya ng malalim dahil sa dami ng utos ng matanda.

Hindi na tuloy niya alam kung asawa pa ba siya si Dennis o katulong na lamang ng mag-ina. Parati mang pagod ay pinili pa rin niyang manatili dahil sa pagmamahal sa asawa. Hindi naman sila kasal kaya’t kahit anong oras ay pwede siyang umalis, pero mas matimbang ang puso niya.

“Angel! Angel! Ubod ka talaga ng b*bo!” narinig niyang sigaw ng matanda.

“Nay, bakit ho?”

“Sinabi kong bantayan mo yung sinaing di ba? Sunog na ngayon!” pabulyaw na saad ng matanda.

Sumandok ito ng mainit na kanin at saka isinampal sa mukha ng manugang. Hindi pa nasiyahan at ipinagsuksukan pa sa bibig nito. Napaluha si Angel sa nangyari.

“Tama na po, Nay,” umiiyak na pakiusap ng babae.

“Puro ka kasi kab*bohan. Hindi naman ikaw ang bumibili ng pagkain dito, nagsasayang ka pa,” tugon ng matanda.

Lumabas ang matanda at sinasamsam ang bagong labang puti, at saka ito ibinagsak sa lupa at inapakapakan.

“Ulitin mo lahat ng ito nang matuto ka sa mga kat*ngahan mo!” pagsigaw ng matanda.

Napaluhod lamang si Angel sa nakita. Pagod na siya sa gawaing bahay, at pagod na rin sa paglalaba, tapos ngayon ay may lalabhan na naman.

Sinubukan niyang ipagtapat sa asawa ang mga nangyayari, subalit kinampihan pa rin nito ang ina.

“Pagpasensyahan mo na lang muna ang nanay ko, matanda na kasi kaya ganoon.” wika ni Dennis.

“Sige, mahal..” yan lamang ang naisagot ni Angel. Napayuko na lamang siya at labis ang lungkot. Wala naman na din siyang ibang mapupuntahan kaya kailangang magtiis.

Isang araw ay umuwi si Dennis na may kasamang babae, pinakilala niya ito na kaibigan at ka-trabaho daw. Ngunit iba ang naging kutob ni Angel, dahil bakit nga naman magdadala ng ka-trabahong babae ang asawa sa kanila?

Tuwang-tuwa naman ang matandang Cora sa babaeng kasama ng anak. Dinalhan kasi siya nito ng pabango at ilang mga tsokolate. Ipinaghanda pa niya ito mismo ng pagkain at maiinom.

Isang Linggo mula lamang noon at nalaman niyang may ibang babae nga ang kinakasama. Nabasa niya lahat ng usapan sa cellphone mismo ni Dennis, ang babaeng isinama nito ay siya mismong kabit ng asawa.

“Nay, may ibang babae ho si Dennis,” lumuluhang saad ni Angel.

“Alam ko, mabuti nga iyon at nakahanap siya ng edukadang babae na babagay sa kanya, hindi tulad mo,” madiing sagot naman ng biyenan.

Nagulat naman at labis na nasaktan si Angel sa narinig. Alam pala ito ng biyenan, pero kinonsinti nito ang anak sa maling gawain gayong alam naman nito na may kinakasama na ang anak.

“Pero Nay, ako po ang kinakasama niya, hindi naman po ata tama iyon,” pangangatuwiran ng babae.

“O eh anong pakialam ko? Alam mo mabuti pa ay lumayas ka na lamang at wag nang magpakita pa sa amin, kasi di tulad mo, yung babaeng yun ay may pera, edukada at nababagay sa anak ko,” pagmamalaki ng matanda.

Maghapong umiyak ang babae. Hindi niya magawang harapin ang asawa dahil wala naman na siyang ibang pupuntahan kung sakaling magkahiwalay sila.

Isang araw ay nagbyahe silang mag-anak papunta sa Maynila. Ang sabi eh, may bibisitahin lamang daw na malapit na kapamilya, pero hindi talaga iyon ang katotohanan.

Sinadya nilang isama si Angel, upang iwan sa Maynila. Bilang isang babaeng lumaki sa malayong probinsiya, hindi siya gaanong pamilyar sa lugar. Nasa simbahan sila ng Quiapo noon, at sa dagat ng maraming tao, ay kanilang iniwan si Angel.

Umuwi ang mag-inang Dennis at Cora sa probinsya nang hindi kasama si Angel. At doon ay ibinahay na ng lalaki ang kabit, na aprubado naman ng kanyang kunsintidorang ina.

Ilang taon pa ang lumipas at wala na silang balita pa sa kay Angel. Isang mangmang lamang ito na dayo sa Maynila at walang patutunguhan. Hindi na rin naman ito nakabalik pa sa probinsya.

Tinamaan ng matinding sakit si Cora at nangangailangan ng malaking pera para sa pampagamot. Nawalan ng trabaho naman si Dennis dahil nalulong ito sa bisyo at sugal. Hindi naman din nagtagal sa kanila ang babaeng ipinalit sa dating kinakasama, dahil sa ugali ng biyenan.

Napagdesisyunan nilang ibenta ang ilan nilang mga lupain at ang nag-iisang bahay. Yun lamang ang paraan upang makabayad sa mga pinagkakautangan. Masuwerte naman din sila at nakahanap kaagad ng bibili.

Nakipagkita si Dennis sa buyer ng kanilang mga lupain at hindi siya makapaniwala sa nakita.

“A-Angel?” nanlalaki at kanyang mata. Sinampal niya ng mahina ang sarili upang makasiguro na hindi siya nananaginip.

“Hi Dennis, Long time no see ah?” ngiti ng babaeng pulang-pula ang labi, nakasuot ng magandang damit at may mga mamahaling alahas, “Namiss mo ba ang pagmumukha ko?”

“Paano..” hindi niya alam kung anong sasabihin, dahil hindi naman din niya inaasahan na ang dating kinakasama ang bibili ng lahat nilang lupain.

“Para ka namang nakakita ng multo, wag kang mag-alala, buhay ako at hindi isang multo. Sa katunayan, ako nga ang bibili ng lahat ng lupain niyo,” nakangiting saad ng dalaga. Ibang-iba na siya at hindi na makilala.

“O eto, sampung libo! Regalo ko na sa’yo sa pag-iwan niyo sa akin noon. Yung pagbabayaran sa lupa, kayo na ng abogado ko ang mag-usap,” ngumiti pa siya ng isang beses at saka pinalipad at ibinato sa harap ni Dennis ang sampung libong hawak.

Tumalikod agad siya at sumakay sa itim na kotse. May importanteng tao pa siyang kailangan katagpuin ngayon. Nagtungo siya sa ospital kung saan kasalukuyang nagpapagaling si Cora. May nakahanda siyang regalo para rito.

Dahan-dahan siyang pumasok sa kwarto ni Cora, kasama ang assistant na may bitbit na umuusok na kaldero. Hindi naman makapaniwala si Cora sa kanyang nakikita, mag-isa lamang siya sa kwarto noon, dahil naiwanan sa bahay si Dennis upang mag-asikaso sa bentahan ng lupa.

“Angel?” di makapaniwalang tanong ni Cora, “Anong ginagawa mo rito? Paano ka nakabalik?”

“Kumusta nanay Cora? Ay, Cora na lang pala,” natatawa niyang tugon, “Nagdala lang ako ng kaunting regalo para sayo, pasasalamat na din sa naging pagtrato mo sa akin noon.”

“Wala akong gustong matanggap mula sa’yo,” pagtataray naman ng matanda.

“Talaga ba? Ay yung tsokolate at pabango na dala noon ng kabit ni Dennis, tuwang-tuwa ka na, bakit bigla atang nagbago?” at saka siya lumapit sa matanda.

“Umalis ka na dito, gumanda ka lang, pero ikaw pa rin yung b*bong babaeng nakilala ng anak ko,” pagmamatigas ng matanda.

“Alam mo, Cora. Imbes na maawa ako sa sitwasyon mo, lalo pa akong nagalit dahil sa asal mo. Malapit ka na ngang pumanaw, pero hindi ka pa nagbabago?” tawa naman ni Angel.

Inilapag ng assitant niya ang mainit na kaldero at saka ito binuksan. Kumuha siya ng kutsara, habang nakatingin kay Cora.

“Sunog na lugaw para sa’yo, baka kasi di mo malunok pag tutong ang pinalamon ko sa’yo,” sumandok siya ng sunog na lugaw at lumapit kay Cora, “Ngayon, nganga!”

Akmang isasalampak niya ang kutsara sa bibig ni Cora, nang bigla siyang matawa sa naging reaksyon nito. Takot na takot ang matanda at napapikit na lamang.

“Wag kang mag-alala, Cora. Hindi naman ako kasing sama mo, gusto ko lang talagang makita kung anung magiging reaksyon mo,” at saka siya tumawa ng sobrang lakas.

“Napakawalanghiya mong babae ka!” sigaw ng matanda.

“Pero hindi kasing walanghiya mo, Cora,” seryosong sagot ng babae, “Sabihan mo ang anak mo na pag nabili ko na ang lupain niyo, ay magtira siya ng pera pampasunog ng mga labi mo.

Baka kasi, iluwa ka ng lupa pag natikman nito ang kasamaan mo. Magkita-kita na lang tayo sa pagbabayaran ng lupa. Wag kang mag-alala may isang sorpresa pa ako para sa inyo, pero sa susunod na pagkikita na lang natin iyon.” Ngumiti ng nakakatakot na ngiti si Angel, at lumabas ng kwarto.

Dumating ang araw ng pagbabayaran ng lupa, at maaga naman dumating ang mag-ina sa lugar na pinag-usapan. Lumabas si Angel sa sasakyan kasunod ang lalaking pamilyar na pamilyar sa mag-ina.

“Asawa ko nga pala, si Nando,” pagpapakilala ni Angel, “Siya lang naman ang kumupkop sa akin noon, nung inabandona niyo ako. I’m sure kilalang-kilala niyo siya.”

Nanlaki ang mata ng mag-ina at hindi makapagsalita. Tila ba natigilan sila sa mga nangyayari.

“Di niyo man lang ba siya babatiin?” tanong ni Angel, “O Dennis, eto yung kapatid mo sa ama na lagi mong ipinapahamak noon, at Cora, siya yung lalaking pinalayas mo nung mamatay ang ama nila.

Ang galing di ba? Parang reunion ng mga abandonado at nung mga taong nang iwan sa kanila, ang saya di ba?” at saka siya tumawa ng malakas.

Binili nila lahat ng lupain ng mag-ina, at ipinamukha sa mga ito ang kanilang mga kasamaang ginawa noon. Wala naman din halos natira sa pinagbentahan ng lupa dahil ibinayad iyon sa mga utang at pampagamot ni Cora.

Masayang namuhay si Angel kasama ang asawa, na tumulong at kumupkop sa kanya nung siya’y naiwan sa Maynila na mag-isa. Pinag-aral siya nito, dinamitan, at inalagaan. Hindi naman nila inaasahan na konektado pala sila sa mga taong noon ay nang-abuso at gumawa ng masama sa kanila.

Tunay ngang maliit ang mundo at patuloy lamang ito sa pag-ikot. Sa pagkakataong ito, naging masalimuot nga lang ang pag-ikot ng mundo kay Cora at Dennis, dahil lahat ng kasamaan nila ay bumalik lamang din sa kanila.

Advertisement