Inday TrendingInday Trending
Tatag ng Kalooban at Tiwala sa Sariling Kakayahan

Tatag ng Kalooban at Tiwala sa Sariling Kakayahan

“Flat!” Ikinalingon ng labing-walong taong gulang na si Tessa ang sigaw na iyon ng kaklaseng si France. Napahinto siya sa paglalakad patungo sa gate ng kanilang eskwelahan. May sampung hakbang ang layo ng puwesto nito mula sa kaniyang likuran. Dahil doon ay kinailangan niya pang pasingkitin ang malalabo niyang mga mata upang maaninag ang mukha nito para masiguradong si France nga ang kaniyang nabobosesan. Nang makumpirma iyon ay muli na siyang nagpatuloy sa paglalakad. Dinoble ang tulin ng mga hakbang upang tantanan na siya ng mapang-asar na barkadahan.

“Flat!” ulit pa nga ng kaeskuwela na sinabayan pa ng malalakas na hagalpakan ng mga kasama nitong barkada, na noon ay kasabay rin nito sa paglalakad palabas ng campus. Ang dalawa dito’y pinag-apir pa ang mga kamay habang ang isa pa’y nakahawak na sa tiyan habang bigay-todong humahalakhak.

Kilala ang grupong ito sa kanilang campus. Sikat, dahil sa bansag na, “The Notorious Bullies” ng St. Vicente’s High School.

Wala naman sanang balak si Tessa na pansinin pa ang mga ito, ngunit sadyang may lahing hudyo ang lider ng grupo.

Binilisan ni France ang paghakbang hanggang sa siya’y maabutan nito’t masabayan sa kaniyang paglalakad.

“Oy, Tessa, may tanong ako sa ‘yo…” tatawa-tawang panimula nito. “Nalilito ka ba kung nasaan ang likod mo kaya sa harapan mo isinusukbit ang bag mo?” dagdag pa nitong pang-iinsulto.

Lalong lumakas ang narinig niyang hagalpakan sa kaniyang likuran. Maging sa gawing kanan ni Tessa kung saan pumuwesto si France, nakaririnding pagtawa rin ang bumibingi sa kaniya.

“Conceal, don’t feel, don’t let it show…” Nagsimula siyang umawit sa kaniyang isipan gaya ng payo sa kaniya ng kanilang Guidance Councilor kung saan siya nagpakonsulta kanina ukol sa kondisyong dinaramdam niya kung bakit tila mabilis siyang magalit kahit sa maliliit na bagay lang. “Conceal, don’t feel, don’t let it show!” pag-uulit niya pa upang pigilin ang nagbabadiyang pag-iinit ng kaniyang ulo, ngunit tila kinulang iyon. Agad kasing gumuhit sa kaniyang noo ang pagkaaburidong nararamdaman niya para kay France at hindi iyon nakaligtas sa paningin nito.

“Oh, galit ka na niyan? Ang hot mo naman! Parang binibiro ka lang, eh…” Nakangisi pa si France nang sabihin iyon.

“Pero, alam mo, Tessa, hot ka naman talaga, eh. Hot pero flat. Para kang plantsa!”

At muli ay napuno na naman ng dumadagundong na hagalpakan ang kanilang dinaraanan.

Dahil doon ay agad nang naubos ang kaniyang pasensiya. Sa ikalawang pagkakataon ay inihinto niya ang paglalakad at hinarap ang binatang animo laging nakakaloko.

“Ano ba’ng gusto mo, ha, France? Hindi ko naman kayo inaano, ah!” Halos mapatid ang litid ni Tessa sa pagsigaw kahit pa kaharap niya lamang ito. Ngunit nginisian lamang siya ng damuho!

“Bakit? Papalag ka ba? Kaya mo na ba ang buto mo ngayon, Tessa?” panghahamon naman nito sa kaniya.

Nakuyom ni Tessa ang kaniyang kamao. Sa totoo lang ay gusto niyang gumanti kina France, dahil sa pambu-bully ng mga ito, ngunit alam niyang hindi kayang itama ng isa pang kasalanan ang mali na ngang gawi.

Sa huli ay hinayaan na lang ni Tessa na magtawa ang barkadahan nina France. Pinilit niyang sanayin ang sarili sa lahat ng pambubuska ng mga ito. May mga pagkakataong nasasaktan pa rin siya sa mga sinasabi nila ngunit lahat ng iyon ay ipinagpapasa-Diyos niya na lang. Hanggang sa maka-graduate na siya ng college…

“Tessa, be ready! Ikaw na ang susunod na rarampa!” wika ng stage director na siyang nag-aasilaso sa fashion show kung saan ngayon ay bumibida si Tessa…

Oo, naging isa siyang sikat na modelo dahil natutunan niyang mahalin ang sarili. Nagawa niyang pagyamanin pa kung ano lang ang mayroon siya at isa sa pinakaipinagmamalaki niya ay wala siyang ipinabago ni kapiraso man sa sarili niya, mula ulo hanggang paa. Lahat sa kaniya ay natural at iyon ang nakita ng mga taong humahanga sa kaniya ngayon.

Kung mayroon mang nagbago kay Tessa, iyon ay ang pagkakaroon niya ng mas matatag na kalooban at mas mataas na tiwala sa sarili.

Samantala, halos ’di na mabilang ang mga lalaking pumipila para makuha ang puso ni Tessa…ngunit hindi lang iyon.

“Wait, Tessa, may bulaklak palang ipinabibigay si France sa ’yo. Baka raw p’wedeng tanggapin mo na ’yon, this time,” saad ng kaniyang PA habang naghahanda siyang rumampa.

Tama. Isa nga pala si France sa mga lalaking nagkakandarapa sa kaniya ngayon. Ngunit wala pa sa kaniyang bokabularyo ang pagkakaroon ng boyfriend sa pagkakataong ’to. Nanamnamin muna ni Tessa ang tagumpay niya, nang mag-isa, para muna sa kaniyang sarili.

Advertisement