Napakaguwapo ng Kaniyang Kuya kaya Ipinagtataka Niya kung Paano Ito Nagkagusto sa Isang Babaeng Hindi Kagandahan; Hula Niya ay Nagayuma Ito

“Mama, Papa, Trina… si Mirasol nga pala, girlfriend ko.”

Napahalukipkip at napakunot ang noo ni Trina nang ipakilala sa kanila ng kaniyang Kuya Tristan bilang nobya ang kaeskuwela nilang si Mirasol—na kung tawagin sa kanilang eskuwelahan ay ‘Manang’ dahil sa pananamit nito. Napakalosyang kasi ng babae dahil na rin galing ito sa isang liblib na probinsya, samantalang ang kuya niya ay kilalang ‘heartthrob’ sa kanilang eskuwelahan dahil sa angkin nitong kakisigan. Halos magkandarapa ang napakaraming naggagandahang kababaihan sa harapan nito para lang kaniyang mapansin, pagkatapos ay magkakagusto lang ito sa isang manang?!

“Nagkagusto ka sa manang na ’yan, kuya? Paano? Bakit siya?” nakangiwing tanong pa ni Trina sa kaniyang kuya na agad naman siyang sinaway. Nakita naman niyang napayuko pang lalo si Mirasol na kanina pa nakikipagtitigan sa sahig.

“Trina…” matigas na tawag ng kaniyang kuya sa pangalan niya na halatang napikon sa kaniyang sinabi.

“Trina, kung wala kang magandang sasabihin, tumahimik ka,” ma-awtoridad na sabi naman ng kaniyang ama na agad namang nagpatahimik sa kaniya. Maging ang kanilang ina ay pinagsabihan siya sa harap ng kanilang bisita kaya naman lalo pang napikon si Trina kay Mirasol.

Kinabukasan, sa eskuwelahan ay sa kaniyang mga kaibigan naglabas ng sama ng loob si Trina. Paano kasi, sa bahay nila ay halos kampi silang lahat kay Mirasol. Sa katunayan nga ay napagalitan pa siya ulit ng kanilang mga magulang matapos ng hapunang iyon kagabi kasama ang manang na iyon!

“OMG, girl! Hindi ako makapaniwala na nagkagusto ang kuya mo sa manang na ’yon! Ano kaya ang ginawa n’on?” Nagulat din ang kaibigan niya nang ibalita niya rito ang nangyari. Napakibit-balikat naman si Trina.

“Ewan ko nga, e. Sa totoo lang, kagabi ko pa rin iniisip ’yan,” sagot pa niya.

Advertisement

“Baka naman ginayuma?” Biglang sumingit ang isa pa nilang kabarkada. “Hindi ba at probinsyana ’yong si Mirasol? Liblib ang probinsyang kinalakihan niya, hindi ba?” dagdag pa nito.

Dahil doon ay napaisip sina Trina… “Oo nga, ’no?” Tama! Mahirap mang paniwalaan ngunit paano kung totoo ang kanilang hinala?

Pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon ay nagpasiya silang magbabarkada na sundan si Mirasol upang alamin kung ano nga ba ang ginawa nito sa kaniyang kuya. Namataan nila ito sa hardin ng kanilang eskuwelahan kung saan minsan ay umiistambay ang mga estudyante upang kumain. Kasama nito ang kuya niya.

Maya-maya pa ay nakita niyang naglabas ng baunan si Mirasol. Tuwang-tuwa ang kaniyang kuya nang makita ang pagkaing laman n’on. Hinala ni Trina ay doon nito inihahalo ang gayuma!

“Kuya, huwag mong kainin ’yan! May gayuma ’yan!” biglang sigaw ni Trina mula sa pinagtataguang puno nang makitang akmang isusubo na ng kuya niya ang pagkain.

“Ano?!” takang tanong ng kaniyang kuya. “Ano’ng pinagsasasabi mo r’yan, Trina?”

“Kuya, baka kasi ginagayuma ka lang ng babaeng ’yan kaya ka na-inlove sa kaniya!” katuwiran naman ni Trina.

“Anong gayuma ang pinagsasasabi mo? Nababaliw ka na ba?” takang tanong naman ni Tristan na halatang naiinis na sa kapatid. “P’wede ba, Trina, tigilan mo na si Mirasol! Wala naman siyang ginagawang masama sa ’yo!”

Advertisement

Hindi na alam ni Trina kung ano ang sasabihin kaya naman inagaw na lang niya ang pagkaing hawak nito at siya ang kumain ng inihanda ni Mirasol…

Ngunit laking pagtataka ni Trina nang wala siyang ibang maramdaman matapos niyang maubos ang pagkaing ’yon. Hanggang ngayon ay naiinis pa rin siya kay Mirasol, ngunit hindi niya maitatangging nasarapan siya sa iniluto nito.

“A way to a man’s heart is through his stomach… alam mo ba ang kasabihang ’yon, Trina?” maya-maya ay biglang sabi ni Tristan. “Hindi lang hitsura ang maaaring maging basehan para mahalin mo ang isang tao. Mabuti ang kalooban ni Mirasol, Trina. Bukod doon ay napakasarap niyang magluto dahil napakasipag niyang bread winner sa kanilang pamilya. Iyon ang dahilan kung bakit gustong-gusto ko siya, Trina. Hindi niya ako ginayuma! Mag-uusap tayo mamaya pag-uwi,” dagdag pa nito sa galit na tono bago siya nito tinalikuran.

Napahiya si Trina sa kaniyang sarili. Tama ang Kuya Tristan niya. Ngayon niya lamang napagtanto na masiyado niyang hinusgahan si Mirasol dahil lang sa hitsura nito at sa kantiyaw ng ibang tao. Maling-mali ang kaniyang ginawa.

Dahil doon ay hindi na siya nag-aksaya pa ng pagkakataon at hinabol niya ang kuya niya at ang nobya nito. Taos puso siyang humingi ng tawad sa kanilang dalawa, lalong-lalo na kay Mirasol. Inamin niya ang kaniyang pagkakamali at sinabing natutunan na niya ang kaniyang leksyon. Mabuti na lang at likas talagang mabait si Mirasol at mabilis siya nitong pinatawad. Matapos iyon ay naging mas maayos ang kanilang samahan at natutunan niya rin itong tanggapin bilang nobya ng kaniyang kuya.