Sigurado ang Gandang-ganda sa Sariling Babaeng Ito na Siya ang Gusto ng Pinakagwapong Lalaki sa Opisina, Napahiya Siya nang Lumabas ang Katotohanan
Maingat na nagpahid ng foundation sa namumula niyang mga pisngi si Aleeza, sa ilalim ng mata, sa noo, at sa ilong. Kailangan magmukha siyang maganda dahil nagpapapansin siya sa gwapong officemate na si Nathan. Alam niya namang gusto rin siya nito dahil palaging may nag iiwan ng kape, minsan ay chocolate sa kanyang table na may nakalagay na note, “Sana ay mapansin mo ako.” Wala namang ibang pwedeng gumawa noon kung hindi si Nathan, hello, ito lang naman ang gwapo sa opisina nila. Hindi pa siya tapos magmake up nang dumating ang isa pang ka-opisina, si Belle. Nasagi nito ang lipstick niya nang ilapag nito ang bag sa lababo ng CR. “Ay sorry, sorry Alee.” sabi nito at pinulot ang lipstick. Napairap naman si Aleeza, bwisit talaga tong babaeng to. Hindi naman kagandahan, kumbaga ay ordinaryo lang pero ito lagi ang pinapansin sa opisina dahil matalino ito at mabait sa lahat. Siya naman, napakaganda ng mukha pero marami ang naiinis dahil mataas masyado ang tingin niya sa sarili. “Ay next time mag iingat ka. Hindi ka na nga maganda girl, shunga ka pa.” pang-aapi niya rito. Hindi naman siya pinansin ng babae. Palagi niyang ginaganoon si Belle, hindi naman kasi ito lumalaban sa kanya. At siguro ay iyon na ang paraan niya ng paglalabas ng inggit dito. Abalang nagtatrabaho ang lahat nang biglang tumayo si Nathan at nagsalita sa unahan, kinilig naman ang lahat ng kababaihan doon, dahil talaga namang kay gwapo ng lalaki. “Hello, sorry sa abala. Gusto ko lang sanang ipagsigawan sa lahat, kung gaano ko kamahal ang isang officemate natin.” sabi nito na tila medyo nahihiya pa. Umugong ang asaran sa opisina, maging ang kanilang boss ay napapangiti dahil nagpaalam na pala si Nathan dito ng balak nitong gawin kanina pa. Si Aleeza naman ay nag ayos ng buhok, Eto na girl, magtatapat na siya sayo. Ang katabi niyang si Belle ay nakatingin lang naman, tulala sa lalaki. “Umurong ka nga diyan, dalian mo. Tatawagin niya na ako. Alis ka dyan.” sabi niya sa babae dahil medyo nakaharang ang upuan nito sa daraanan niya. Tumayo na siya, para mabilis lumapit. “Palagi niya akong iniiwasan dahil iniisip niyang hindi kami bagay, magkaiba raw kami. Hindi raw sya maganda. Pero alam mo, ikaw, oo ikaw. Ang ganda ganda mo, sa panloob at sa panlabas, ako itong swerte sa’yo.” paglilitanya pa ng lalaki, na ngayon ay kinuha na ang isang bungkos ng bulaklak. Naghiyawan naman ang mga kababaihan, si Aleeza ay taas noong lumilingon lingon at tila sinasabi sa lahat na ‘Ako yon.’ “Mahal kita, sana mapansin mo ako.” sabi ulit ni Nathan. O, diba yan ang sinasabi niya lagi pag nag iiwan siya ng note? Nakangiting sabi ni Aleeza sa sarili. “Bigyan mo sana ako ng pagkakataon, Belle.” sabi nito, nilagpasan siya ng lalaki at lumapit sa noon ay namumula nang si Belle. Napuno ng hiyawan ang opisina, matagal na palang nanliligaw si Nathan kay Belle pero hindi iyon napapansin ni Aleeza dahil masyado siyang abala sa pag iilusyon na siya lang naman ang maganda at pwedeng magustuhan ng lalaki. Tinanggap ng babae ang bulaklak at niyakap si Nathan. Nagpalakpakan ang mga ka-opisina nila. Tahimik na umalis si Aleeza sa kanilang opisina dahil sa pagkapahiya, nalaman niya rin na ang mga note pala ay galing sa isa sa mga ka-opisina nila na hindi niya masyadong napapansin. Nagising ang babae at naisip niyang masamang maging “gandang ganda sa sarili” dahil sa bandang huli ay masakit ang paglagpak ng mga taong nagmamataas. Natuto siyang magpakumbaba, at di nagtagal, dumating rin ang lalaking para sa kanya. sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.