Ikinahiya ng Misis ang Pangit na Mister sa Kanilang Reunion, Ngunit Isang Pangyayari ang Nagpaalala sa Kanya na Mas Swerte Pa Rin Siya
Masayang inayos ni Angela ang kanyang bestida, sobrang excited niya dahil pagkalipas ng maraming taon ay ngayon lang sila magkikita kita ng mga kaibigan niya noong college. Lumutang ang ganda niya sa suot na bestida at lalo siyang pumuti dahil kulay itim iyon, 29 taong gulang na siya pero mukha pa rin siyang bente anyos kahit pa mayroon na siyang dalawang anak. Palagi siyang kinukuhang muse noon sa eskwela at marami rin siyang sinalihang beauty contest na hindi naman siya nabigo. “Honey, sigurado ka bang ayaw mong magpahatid?” tanong ni Ferdie, ang kanyang mister. “Oo hon, itetext kita pag nandoon na kami.” sabi niya rito sabay ngiti, nakapa-gentleman talaga ng kanyang asawa. Naaawa siya rito dahil ngayon na lang ang day off nito sa trabaho ay gusto pa siyang ihatid, kaya tumanggi na siya para makapagpahinga naman ang lalaki. Pagdating sa restaurant ay naroon na ang mga kaibigan niya. “Wow! Wala kang pinagbago Angela, parang hindi nanganak ng dalawa ah!” kantsaw ng mga ito. “Paano nyo nalaman na dalawa na ang anak ko aber?” nakangiting sabi niya. “Yung profile picture mo sa Facebook, anak mo yung dalawang bata diba? Grabe, ang ku-cute! Pakilala mo naman sa amin ang mister mo.” sabi ng mga ito. Natawa si Angela, di naman kasi siya mahilig magpost sa social media kaya di pa nakikita ng mga ito ang mister niya. Mabilis lumipas ang oras at di nila namamalayang oras na para umuwi. Naaawa man si Angela ay nagpasundo na rin siya sa asawa dahil gabi na at baka wala na siyang masakyan. Ganoon din naman ang mga kaibigan niya. Naunang dumating ang asawa ng mga ito at aaminin niyang puro gwapo ang mister ng mga kaibigan. Kitang kita niyang nanlaki ang mata ng mga ito nang bumaba si Ferdie sa kotse. “S-sure ka bang siya ang mister mo sis?” sabi ng isa. Tila di makapaniwalang pumatol siya. Kabaligtaran niya kasi, maitim at maliit si Ferdie. Hindi rin matangos ang ilong nito. Napahiya naman si Angela ng konti at nainis sa asawa. “Bakit ka pa kasi bumaba, sabi na daanan mo na lang ako eh.” inis na bulong niya rito. Medyo nasaktan naman ang lalaki, hindi naman lingid sa kanyang malayo ang agwat nila ng misis. Makalipas ang ilang araw, nagulat si Angela nang tawagan siya ng mga kaibigan, magkasunod pa. “Hay*p siya, akala niya di ko malalaman na binabahay niya na ang babae. Pati damit ko binibigay niya sa kulasisi niya!” sabi ng isa. ” Iresponsable! ako lang ang bumubuhay sa amin, puro palaki ng b*yag!” sabi naman ng isa. Noon din, napayakap si Angela sa kanyang asawa. “Hon, sorry.” bulong niya rito. Dahil hindi man gwapo ito sa panlabas na anyo, napakapogi naman ng kalooban nito. Responsableng haligi ng tahanan, mabuting ama ito at asawa at higit sa lahat, mahal na mahal siya.