Inday TrendingInday Trending
Minaliit ng Ginang na Ito ang Cupcake na Ibinebenta sa Kaniya; Hindi Siya Makapaniwala sa Katauhan ng Nagbebenta Nito

Minaliit ng Ginang na Ito ang Cupcake na Ibinebenta sa Kaniya; Hindi Siya Makapaniwala sa Katauhan ng Nagbebenta Nito

“Ito ba ang best seller mo? Bakit ganoon? Sobra sa tamis? Baka pati apo kong pitong taong gulang, magka-diabetes dito!” sigaw ni Olive saka initiya sa kahon ang tinikmang cupcake, isang hapon nang ipatikim sa kaniya ng ginang na nagbebenta ng cupcake ang kaniyang mga in-order.

“Ah, eh, pupwede naman pong bawasan ang lagay ng asukal depende po sa gusto niyo. Sabi niyo po kasi sa akin, ipapangregalo niyo po sa apo niyo, sakto lang po ang tamis na ‘yan para sa mga bata ayon po sa internet,” sagot nito sa kaniya dahilan upang mapataas ang kaniyang kilay.

“Siguraduhin mo, ha?” mataray niyang sambit dito, “O, itong isang kahon, ano naman ‘to? Cupcake rin ba ito? Bakit parang lasog-lasog na piraso ng cake? Ang pangit tingnan!” wika niya pa habang tinuturo ang mga cupcake sa harapan niya.

“Naku, pasensya na po, ma’am. Disenyo po ‘yan, medyo natunaw lang po ‘yong ice cream sa ibabaw kaya po nagkalat,” dahilan nito na ikinainis niya.

“Aba, parang ako pa ang sinisisi mo, ha? Pasensya ka na, ha, pinaghintay kita rito!” sarkastiko niyang sabi.

“Ay, hindi po sa ganoon, ma’am, pinapaliwanag ko lang naman po,” pagpapakumbaba nito.

“Tig isang dosena lang ng dalawang ‘yan ang kukunin ko, grabe ang ugali mo, eh!” sigaw niya rito saka agad nang umalis.

Ayaw na ayaw ng ginang na si Olive na may aapak sa dignidad niya o mangmamaliit sa kakayahan niya. Ayaw niya ring pagsasabihan siya sa tuwing may mali siyang nagawa. Lalo na ngayong medyo nakakaalwan na siya sa buhay dahil sa tatlo niyang anak na pawang may magagandang trabaho.

Ang gusto niya, siya palagi ang nakatataas. Kaya kahit saan man siya dalhin ng kaniyang mga anak, lahat ito’y bahagyang naiinis sa kaniyang mga kinikilos.

May pagkakataon pa ngang may sinigawan siyang waitress dahil siya’y nasanggi at hindi man lang nakahingi ng tawad dahil sa pagmamadaling ibigay ang kanilang order na pagkain.

Pinahiya niya ang naturang dalagang iyon at kahit awatin na siya at pagsabihan ng mga anak, tuloy pa rin ang pangmamaliit niya sa dalaga at nagawa pa niyang magalit sa kaniyang mga anak.

Ito ang dahilan upang bahagyang lumayo ang loob ng mga ito sa kaniya. Mabuti na lang at mayroon siyang mga kumare na nakakasundo niya simula pa noong siya’y hayskul dahilan upang hindi siya maburyo sa araw-araw na mag-isa siya sa malaking bahay na pinagawa ng kaniyang mga anak para sa kaniya.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos niyang layasan ang ginang na nagbebenta ng cupcake, agad niyang niyayang magkape ang kaniyang mga kumare upang makapaglabas ng sama ng loob.

At dahil sinabi niyang sagot niya kung ano mang kakainin nila, agad na nagsipuntahan ang mga ito.

“Mga p*tay-gutom talaga kayo, ano?” biro niya sa mga ito nang biglang magsidatingan.

“Aba, siyempre naman! Ano ba kasing problema mo, ha? Akala mo mga dalaga pa tayo para bigla ka na lang magyaya!” sambit ng isa sa kaniyang mga kumare dahilan upang agad niyang ikwento kung anong nangyari sa pagkikita nila ng ginang na nagbebenta ng cupcake.

“Sa internet mo lang ba nakilala ang ginang na ‘yan?” tanong ng isa niyang kumare.

“Oo, nakita ko kasi parang ang sasarap ng cupcake niya at ang dami pang komento, kaya sinubukan ko, hindi ko naman alam na pangit pala ang ugali! Ako pa ang sisisihin kung bakit natunaw ang ice cream sa ibabaw!” sigaw niya umiiling-iling.

“Patingin nga ang itsura niyan,” sambit pa nito dahilan upang muli niya itong hanapin sa internet at ipakita ang litrato sa kaniyang mga kumare.

“Ay, Diyos ko! Si Ma’am Sy ‘yan, eh! Masarap nga ‘yan mag-bake! Alam mo bang bilyonaryo na ‘yan? Pangpalipas niya lang ng oras ang pagbebenta ng cupcake!” sigaw pa nito dahilan upang siya’y magulat, “Mali ka yata ng binangga ngayon, hepe ng pulisya rito sa lugar natin ang asawa niyan at may-ari ng naglalakihang negosyo ang mga anak niyan!” dagdag pa nito kaya siya bahagyang nakaramdam ng kaba.

Naagaw ng tunog ng pintuan ng naturang kapehan ang atensyon nilang lahat at labis siyang nanginig nang makitang papasok ang ginang na sinigaw-sigawan niya pati ang asawa nitong nakauniporme pa ng pang-pulis dahilan upang bahagya siyang magtago.

“Huwag ka nang magtago, hindi ka naman sasaktan o ipapakulong ng asawa ko sa ginawa mo sa’kin. Tumatanggap ako ng pagkakamali ko, kaya, pasensiya ka na ulit, ha?” nakangiting sambit nito nang mapansin siya.

Labis siyang humanga sa pinakita nitong kabaitan at doon niya napagtantong kaya siguro ganoon na lang ang biyayang natatanggap nito ay dahil sa sobrang bait nito.

Matagumpay nga niyang nakuha ang order niyang cupcake rito na ikinatuwa niya naman dahil nagustuhan ito ng kaniyang apo.

Advertisement