Mula sa Lusak ay Naging Pinakamayaman ang Pamilyang Ito Ngunit Mabubunyag ang Iligal Nilang Sikreto

Sa tuwing sasapit ang fiesta sa Barangay Dimatimo ay inaasahan na ng lahat na may pinakamalaking piging ang pamilya ni Howard. Simula kasi noong yumabong ang negosyo sa Maynila ay agad din nilang naingat ang kanilang pamilya sa lusak. Sila na ngayon ang pinakamayamang pamilya sa lugar, bukod sa dalawa nitong mamahaling sasakyan at naghuhumiyaw rin sa ganda at taas ang bahay nila sa lugar.

Dahil probinsya ay iilan lamang ang may magagandang bahay doon at katangi-tanging bahay nila Howard ang umabot sa ika-apat na palapag at ang harapang bahagi nito ay salamin kaya naman kitang-kita mo ang mga gamit sa loob na halos lahat ay pawang mamahalin.

“Linda! Magtawag ka na ng mga kapitbahay, doon kayo kumain sa amin dahil malaki ang handaan!” sigaw ni Howard kay Linda, ang babaeng namumuno sa pagpaparada ng mga santo.

“Sige! Kukuhanin ko na rin sana ang santo niyo para naman mailagay ko muna sa ating maliit na chapel at mas lalo pa kayong swertehin sa buhay,” wika naman ng babae.

“Naku hindi na kailangan ng pasanto-santo! Nasa tao naman ang gawa at kaya naman kami umasenso ng dahil sa sipag naman at hindi sa pasanto-santo,” tumatawang sagot ni Howard dito.

Hindi na sumagot ang ale sa pinagsasabi ni Howard at umalis na lang ito saka ngumiti rin. Mag kasama yata talagang umuusbong ang yaman at yabang ng tao. Dahil nag-uumapaw narin sa yabang ang lalaki, lagi nitong binabalandra ang kaniyang mga mamahaling gamit at parating may presyo ang bawat galaw nito.

“Melly! Ayusin niyo yang mga plato at iingat na huwag mabasag! 5,000 ang bili ko diyan sa isang set!” sigaw ni Howard sa kanilang kasambahay habang inaayos ang handaan.

“Oh yung T.V hindi pwedeng punasan ng basang basahan yan dahil masisira! 78,000 ang bili ko riyan! At hindi niyo kayang bayaran lahat ng mga iyan!” dagdag pa ng lalaki. Nasasanay na nga lang ang mga kasambahay nila Howard at kung minsan ay kabisado narin nila ang imbentaryo ng presyo ng mga gamit ng lalaki.

Advertisement

Masayang nagsipuntahan ang halos isang buong barangay sa magarang bahay nila Howard para doon kumain at magpakalunod sa ibat-ibang alak na bigay rin ng lalaki.

“Pareng Howard! Asensadong-asensado kana ah! Baka pwede mo naman kami maipasok diyan sa negosyo mo at tumigil na kami kaka-alaga ng kalabaw dito sa atin!” wika ni Zaldy isa sa kainuman ng lalaki.

“O ‘di kaya naman kahit yung anak ko nalang! Gustong-gusto na nun magtrabaho sa Maynila at iniidolo ka pa nga!” dagdag pang muli ng lalaki.

“Naku! Puno na ako sa tao ngayon e, sa susunod na lang pare! Hayaan mo at tutulungan ko rin ang mga tao dito sa atin!” mayabang na sagot ni Howard sa kausap.

“E ano ba talaga yung trabaho mo pareng Howard? Baka naman pwede mo rin itayo yan dito sa atin para naman umasenso rin kami kahit kaunti,” tanong naman ni Mark, isa pang kainuman ng lalaki.

“Naku pare! Pang Maynila lamang ang negosyong itinayo ko, printing kasi iyon at malapit sa eskwelahan kaya malakas ang kita! E wala namang eskwelahan dito sa atin!” saad naman ni Howard sabay tawa.

Kahit na napakayaman na nga ng pamilya ni Howard ay wala pa ni isa sa mga kabarangay nito ang nakakakita o nakaka-alam ng pinakanegosyo ng lalaki. Ang tanging balita lamang ay malago na ang negosyo nitong papel sa Maynila.

Pagkatapos nilang malasing at mabusog, nasipag uwian narin ang ibang tao at bumalik narin ang pamilya ni Howard sa Maynila, kasama ng kaniyang asawang si Abby.

Advertisement

Isang linggo ang lumipas ng magulantang ang lahat dahil laman ng balita si Howard at nasa telebisyon pa.

“Pare! Buksan niyo nga diyan ang tv niyo! Nabalitaan ko sa Facebook ay si Howard sikat na at nasa TV pa!” saad ni Mario, isa sa mga kapitbahay ng lalaki.

“Aba! Sikat na pala talaga si Howard!” saad naman ni Larry, isa pang muling kapitbahay ng lalaki.

“Hindi pare! Iba ang laman ng balita!” baling pang muli ni Mario at binuksan ang telebisyon.

“Isang lalaki ang nahuli gumagawa ng mga illegal na papeles para sa mga sindikato at iba pang mga illegal na gawaing labag sa batas,” wika ng babaeng nasa telebisyon sabay labas ng mukha ni Howard at ng misis niya.

Hindi makapaniwala ang marami na magagawa ni Howard at ang kaniyang asawa na pumatos sa mga illegal na gawain, ang mabilis na pagyaman nito ay siya namang mabilis rin na pagbawi sa kanila. Nakulong ng saglit ang mag-asawa at nakapagpyansa rin naman kinalaunan.

Bumalik ang mga ito sa probinsya at nagsimulang muli sa barong-barong, naibenta kasi ang lahat ng kanilang ari-arian para sa kanilang paglaya at ang iba naman ay kinumpiska ng mga awtoridad. Wala nang magawa si Howard kundi titigan na lamang ang dating nilang bahay.

“Mahal, mali ba na nangarap tayo ng mataas?” tanong niya sa asawa.

Advertisement

“Hindi naman mali na nangarap tayo, mali ang naging paraan ng pagtupad natin sa pinangarap natin, kaya ito tayo ngayon. Magsisimulang muli sa lusak,” lumuluhang wika ni Abby.

Kaya naman nagsimulang muli sa wala ang mag-asawa, nagtrabaho sa bukid at nagtinda ng mga gulay. Ngayon alam na nilang walang nagtatagal na yamang nakuha at ipinundar sa pamamagitan ng mali.