Nasaktan ang Dalaga Nang Matuklasan na Patalikod Siyang Sinisiraan ng mga Matalik Niyang Kaibigan
Si Andrea, 23 anyos, ay kasalukuyang nagtatrabaho bilang Caregiver sa New Zealand. Sa kabila ng paninirahan sa ibang bansa ay hindi pa rin napuputol ang komunikasyon nilang apat na magkakaibigan. Ang kanyang pinaka-matatalik ay nagngangalang Allaine, Miya at Cherry. Noong hindi pa nag-aabroad si Andrea ay halos linggo-linggo ang kanilang pagkikita bilang get-together nilang magkakaibigan. Simula elementarya ay magkakaklase na sila at nagpapasalamat siya na tumagal nang ganoon katagal ang kanilang relasyon. Sabi nga nila, madaling ibreak ang jowa, pero ang mga kaibigan ay hindi. Pero isang gabi ng kanyang duty ay napatingin siya sa kanyang cellphone. May nag-message kasi sa Messenger niya. Si Teresa, dati rin nilang kaklase noong college. Uy, Andrea sayang wala ka sa reunion kanina. May sasabihin sana ako sayo. Napangiti si Andrea nang maalalang kanina nga pala ang reunion ng kanilang College Alumni. Pero nalulungkot din siya dahil hindi siya nakasama doon. Tinapos niya paunang duty at nang break time niya ay binalikan niya ang kanyang cellphone. Nireplyan niya si Teresa. Sorry late reply. Oo, Tere, sayang hindi nga ako naka-attend. Kamusta? Ano yung sasabihin mo? Nakita niyang na-seen agad nito ang message niya. Hinintay niya ang reply nito. I know hindi ka maniniwala sa akin if sasabihin ko lang sayo. So I decided na i-video nalang sila nang hindi nila alam. Nangunot ang noo ni Andrea sa sinasabi ng dating kaklase. ‘Ni hindi pa siya nakakareply ay dumating na ang video file na sinasabi nito. Curious niyang pinindot ang play button. Nakita niya ang mga dati rin nilang mga kaklase, kasama na doon ang tatlo niyang mga best friends. Masayang nag-uusap ang mga ito. Napangiti si Andrea nang makita ang mga ito. “Miss na miss ko na sila.” Hanggang sa marinig niya ang pangalan sa pinag-uusapan ng mga ito. “Kamusta na ba si Andrea?” tanong ng nakilala niyang si Bryant. Heartthrob ito sa school nila noon at nanligaw sa kanya. Pero hindi niya sinagot dahil gusto rin ito ng kaibigan niyang si Allaine. Nakita niya agad ang pag-iiba ng itsura ng kaibigan sa video. Marahil ay nagselos ito. Natatawa nalang siya, “Siguro crush niya pa rin si Bryant hanggang ngayon.” “Si Andrea? Ayun naghuhugas ng pwet ng matanda sa New Zealand.” Nagulat siya sa sinabi ni Allaine. Medyo nasaktan rin dahil nagtawanan pa ang mga kaibigan niya sa sinabi nito. “Grabe ka naman, Allaine. Marangal namang trabaho ang pagiging caregiver ah. Malaki pa ang sahod,” pagtatanggol ni Bryant sa kanya. “Eww, mas gugustuhin ko ng magtrabaho dito sa Pinas nang maliit ang sahod kesa maghugas ng pwet ng ibang lahi.” “That’s true. Gaga din ‘yang si Andrea, ang ganda na ng trabaho dito nag-abroad pa,” sabad naman ni Miya. “For sure, magpapabuntis lang ‘yun dun sa matandang ibang lahi,” si Cherry na halatang lasing na. Iyak na nang iyak si Andrea habang nanunuod. Nasasaktan si Andrea sa lahat ng mga narinig pero sa kabilang banda, binubulong ng puso niya na baka dala lang lahat ito ng kalasingan. Nagulat siya nang may marinig pang boses. Hindi pa pala tapos ang video. “Ganyan ba talaga kayo sa kaibigan niyo?” boses iyon ni Teresa. Kaya pala madilim na ‘yung video pero may mga boses pa. “Nagpapakahirap yung tao sa abroad hindi para lumandi o magpakasaya. Kumakayod ‘yun dahil may pamilyang umaasa sa kanya dito sa Pinas. Kaya kung wala kayong sasabihing maganda sa kanya, itahimik niyo nalang ‘yang mga bibig niyo.” Naiyak na siya nang tuluyan sa naririnig mula kay Teresa. Si Teresa na palagi nilang binubully noon ay siya pa ngayong naging tagapagtanggol niya. “Kung tunay kayong mga kaibigan, nasa harapan niyo man o wala ang kaibigan niyo, ipagtatanggol niyo sa halip na siraan.” Matapos ng insidenteng iyon ay wala na siyang narinig mula sa mga kaibigan. Nalaman kasi ng mga ito na nalaman at narinig niya ang lahat ng sinabi nila. Wala ‘ni isa sa mga ito ang sumubok na humingi ng pasensya. Pinagpasa-Diyos nalang ‘yun ni Andrea at sa halip ay nagfocus nalang sa trabaho, pamilya at ngayo’y tinuturing niyang nag-iisang kaibigan na si Teresa. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.