Inakit ng Babae ang Ama ng Nobyo Dahil Mas Mayaman Ito Kaysa sa Binata, Sa Huli ay Wala Siyang Napala
Kilala si Lily ng kaniyang mga kaibigan bilang ambisosyang babae, wala siyang bukang bibig kundi ang makapangasawa ng mayamang lalaki.
“Kapag ako nagka-nobyo ng mayaman lahat kayo imbitado sa bongga kong kasal.” wika niya.
“Bago ka mag-imbita maghanap ka muna ng mayamang lalaki na papatol sayo.” Biro ng kaibigan niya.
Nagtatrabaho si Lily bilang isang factory worker, at minsan ay part-time waitress sa mga malalaking handaan. Doon niya nakuha ang ideya na makapangasawa ng mayaman dahil sa napakagarang mga okasyon. Isang araw habang siya ay nasa isang kasalan ay nakilala niya ang isang lalaki.
“Hi miss can I have wine please?” tanong ng isang bisita.
“Sure sir, wait lang po.” wika niya.
Napakagwapo nito at napakagalang, ilang beses na rin niyang nakitang sinusulyapan siya nito kaya naman hindi niya maiwasan ang mapangiti. Habang inihahanda ang wine nito ay nilapitan siya ng lalaki.
“Ay sir andiyan na po kayo, dadalin ko na sana to sa inyo eh.” sabay abot ng inumin.
“Salamat, ako nga pala si Tom, ikaw?”
“Lily po.” sagot niya.
Matapos ang gabing iyon ay naiwan si Lily at iba pang waiters sa lugar upang magligpit ng mga lamesa’t upuan, hindi niya inasahang naghihintay sa kaniya si Tom.
“Hi Lily, hatid na kita.” bati nito.
“Naku wag na po nakakahiya.” Ang sagot niya, kahit na ang totoo ay gustong gusto na niyang sakyan ang magara nitong sasakyan.
Sa pagpupumilit ni Tom ay sumakay na si Lily, hinatid siya nito sa kaniyang bahay. Kinuha na rin nito ang kaniyang cellphone number at naging madalas ang kanilang pag-uusap at pagkikita, paglaon ay niligawan siya ng lalaki.
Di nga nagtagal ay sinagot na ni Lily ang masugid na manliligaw. Agad naman siyang ipinakilala ni Tom sa kaniyang biyudong ama.
“Pa, si Lily ang nobya ko.”
“Magandang hapon po.”
“Magandang hapon iha, nagagalak akong makilala ka.”
Labis siyang namangha sa laki at ganda ng bahay ng mag-ama, tanging silang dalawa na lamang ang nakatira doon kasama ang dalawa pang kasambahay. Nakikita na ni Lily ang kaniyang kinabukasan oras na doon na siya manirahan.
“Ang laki ng bahay niyo Tom, ang gaganda ng muwebles.”
“Talaga? Salamat, lahat iyan ay dahil sa pagpupundar ni Papa, pati ang aming kompanya ay pinagsumikapan niya.”
Sa mga kwento ni Tom ay natanto ni Lily na mayaman ang tatay nito kaysa sa nobyo. Kaya nag-isip siya ng plano na hiwalayan ang binata at akitin ang ama nito. Madalas niyang binibisita ang matanda lalo na kapag wala si Tom.
“O Lily, wala rito si Tom, napadaan ka ata.” wika nito.
“Ay kayo po talagang pinunta ko dito. Bibisitahin ko sana kayo.”
Halos araw-araw na niya itong pinupuntahan at sinusubukang akitin, nagsusuot siya ng hapit na mga damit at nakikita naman niyang nahuhulog ito sa kaniyang bitag, hanggang sa ito ay hindi na makapagpigil at dinala siya sa kama. Agad naman siyang nakipaghiwalay sa nobyo.
“Maghiwalay na tayo, ayoko na sayo Tom.”
“Bakit Lily? Anong nagawa ko sayo?”
“Mahal ko ang papa mo, siya ang gusto kong makasama, hindi ikaw!”
Labis na naguluhan si Tom sa mga dahilan ni Lily, nang tanungin niya ang ama ay hindi rin nito itinanggi ang relasyong namamagitan sa kanila ng babae, sa galit ni Tom ay naglayas siya sa kanilang bahay at nagpakalayu-layo. Habang si Lily ay naman ay nanatili na sa kanilang tirahan at nagbuhay reyna.
“Hon, kelan ba tayo magpapakasal?” tanong niya sa matanda.
“Maghintay ka lang, marami pa akong inaayos.” Wika nito.
Ngunit isang kamalasan ang dumating kay Lily nang biglang bawian ng buhay ang matanda dahil sa atake sa puso. Sa pagpanaw nito ay naglahong parang bula ang kaniyang matataas na ambisyon.
“I’m sorry Lily, pero dahil hindi ka naman niya legal na asawa ay wala kang makukuhang mana, hindi rin niya nagawa pang baguhin ang kaniyang huling habilin kaya’t lahat ng kaniyang ari-arian ay mapupunta sa kaniyang nag-iisang anak.” Wika ng abogado ng matanda.
Sa kanilang pag-uusap ay dumating si Tom upang pirmahan at tanggapin ang mga dokumentong nagpapatunay na siya ang tagapagmana ng kayamanan ng ama.
“Tom, patawarin mo ako, inakit kasi ako ng papa mo.” Wika niya.
“Wala na akong pakialam sa iyo Lily, lumayas ka sa pamamahay ko!” Sigaw nito.
Wala na ngang nagawa si Lily kundi ang umalis at bumalik sa kaniyang dating lungga at trabaho. Araw-araw na ulit siyang kumakayod para lang mairaos ang kaniyang mga pangangailangan. Abot kamay na sana niya ang kaniyang mga pangarap kung siya ay nakuntento lang siya kay Tom.
Walang masama sa paghahangad ng karangyaan, ngunit ang kasakiman at pagiging ganid sa kayamanan ang madalas na nagdudulot ng pagkalugmok ng isang tao, mabuti na ang makuntento at magpasalamat sa kung anumang mayroon tayo.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.