Sinuway ng Dalaga ang Tiyang Nagpalaki sa Kaniya dahil Lamang sa Pag-ibig; Pagsisisihan Niya Habambuhay ang Masamang Mangyayari sa Matanda

“Richel, p’wede ba kitang makausap? Sa tingin ko ay alam mo na kung para saan ito, hindi ba?” tanong ni Aling Rosita sa kaniyang dalagang pamangkin.

“Tungkol na naman ba ito kay Garry, tiyang? Ilang beses ko po bang kailangang sabihin sa inyo na wala naman kaming ginagawang masama? Huwag n’yo naman siyang husgahan dahil lang sa isa siyang pedikab drayber. Marangal ang trabaho niya at marangal din ang intensyon niya sa akin!” naiinis na tugon ni Richel. 

“Pinakiusapan ako ng mga magulang mo na kausapin ka, Richel. Hindi naman sa hinuhusgahan namin si Garry dahil sa antas niya sa buhay. Ngunit alam namin ng mga magulang mo na mas may makikilala ka pang angkop para sa iyo. Iyong nakapagtapos ng pag-aaral at may narating sa buhay. Tignan mo si Garry, ilang beses na ba siyang nadawit sa gulo dito sa barangay. Natatakot kami ng mga magulang mo na baka kung ano rin ang gawin niya sa iyo,” paliwanag naman ng tiyahin.

“Hindi naman totoo ang mga binibintang sa kaniya, tiya! Dinidiin lang naman siya ng ilang tao dahil may galit ang mga ito sa kaniya. Ngunit sa tuwing magkasama naman kami ay maayos ang pakikitungo niya sa akin. Mabait siya at maginoo. Hindi katulad ng inaakala n’yo!” depensa muli ni Richel. 

“Isipin n’yo na po ang nais n’yong isipin, tiya, pero mahal ko po si Garry at mahal rin niya ako. Patutunayan namin sa’yo at sa mommy at daddy ko na mali ang iniisip ninyong lahat sa aming dalawa,” dagdag pa ng dalaga.

Bata pa lamang si Richel ay si Aling Rosita na ang nag-aalaga at tumatayong magulang sa dalaga. Parehong OFW kasi ang mga magulang ni Richel at tanging si Aling Rosita lamang ang taong pinagkatiwalaan ng mag-asawa sa pangangalaga sa kanilang anak. Mula noon ay hindi na nakapag-asawa pa itong si Aling Rosita at tinuon na lamang ang kaniyang sarili sa pag-aalaga kay Richel.

Ngunit habang nagdadalaga itong si Richel ay madalas itong sakit sa ulo ni Aling Rosita. Mabilis kasing mahulog ang loob nito sa mga lalaking nanliligaw sa kaniya. Ilang beses mang sabihan ni Aling Rosita ang pamangkin ay hindi ito marunong makinig. Lalo na nang nakarelasyon ni Richel ang pedikab drayber na si Garry. Labis ang pangamba ni Aling Rosita dahil kilala ang binata na kanilang lugar bilang hindi mapagkakatiwalaan. 

Makailang beses na kinausap ni Aling Rosita si Richel upang tuluyan nang hiwalayan ang binata’y imbis na sundin ang tiyahin ay lalo pa nitong nilalapit ang sarili kay Garry. Madalas pa ngang magsumbong si Richel sa kasintahan sa tuwing siya ay pinapagalitan ng tiyahin.

Advertisement

“Ayaw talaga ni Tiya Rosita sa relasyon natin. Hindi ka raw nababagay sa akin dahil wala kang pinag-aralan. Natatakot ako na baka tuluyan na tayong paghiwalayin dahil sinumbong na rin niya sa mommy at daddy ko ang tungkol sa atin!” pagtangis ni Richel kay Garry.

“Wala talagang ginawa ang matandang dalagang iyan kung hindi pakialaman tayo. Palibhasa’y walang nagkakagusto sa kaniya! Hayaan mo at hindi ako papayag na paghiwalayin niya tayo!” wika naman ni Garry.

Napayakap ng mahigpit si Richel sa kasintahan.

Mula nang madalas nang masita ni Aling Rosita itong si Richel tungkol sa pakikipagrelasyon kay Garry ay tuluyan nang lumayo ang loob ng dalaga sa kaniya.

Samantala, nagpatuloy ang pakikipagrelasyon ni Richel kay Garry. Madalas ay inaabot na ito ng gabi dahil nakikipagtagpo pa ang dalaga sa kasintahan.

Isang gabi ay nahuli ni Aling Rosita ang kaniyang pamangkin na nakikipaghalikan sa nobyo habang nasa kalsada.

Hindi napigilan ni Aling Rosita ang kaniyang sarili at hinila niya itong si Richel palayo sa binata.

“Hindi ‘to gawain ng maayos na babae, Richel. Tara na at umuwi na tayo!” giit ng tiyahin. 

Advertisement

“Bakit ba kasi hindi n’yo na lang kami pabayaan ni Garry, tiya?! Kung hindi kayo masaya sa buhay n’yo ay huwag n’yo kaming idamay!” sigaw pa ng pamangkin. 

“Huwag mong nang palakihin pa ang gulong ito, Richel. Pumasok na tayo sa bahay at iwan mo na ang lalaking iyan. Sasabihin ko sa mga magulang mo ang lahat nang sila na ang sumuweto sa iyo dahil hindi ka rin naman nakikinig sa akin!” dagdag pa ni Aling Rosita.

Sobrang sama ng loob ni Richel nang kausapin siya ng kaniyang mga magulang. Ititigil daw ang pagpapadala ng mga ito ng pera kung hindi niya ititigil ang pakikipagrelasyon sa binata.

“Tigilan mo na ang relasyon n’yo ng Garry na ‘yan, Richel. Narinig daw ng tiya mo na ginagamit ka lang niya dahil lagi kang may pera. Masasaktan ka lang sa kaniya, anak. Hindi siya ang nararapat para sa iyo,” saad pa ng ina ng dalaga. 

Tanging si Garry lamang ang nilalabasan ng sama ng loob ni Richel.

“Kasalanan lahat ng Tiya Rosita ko ito. Kung hinayaan na lang sana niya ako’y hindi magagalit sa akin ang mga magulang ko. Hindi sana nila ko pahihintuin pa sa pag-aaral. Bakit hindi ba nila makita na nagmamahalan talaga tayong dalawa?” sambit ni Richel kay Garry.

Labis na rin ang galit na nararamdaman ni Garry kay Aling Rosita. Malaki kasing hadlang ang matandang dalaga sa lahat ng kaniyang nais kay Richel. Kung matatauhan nga naman si Richel ay hindi na niya ito mahuhuthutan pa ng pera.

Kaya isang gabi ay nagplano itong si Garry na pasukin ang bahay ng magtiyahin. Ngunit nang makarinig ng kalabog itong si Aling Rosita ay agad itong napabangon. Tinignan niya ang sala at doon nga ay nakita niya ang binata.

Advertisement

Nang mapansin naman ni Garry na nakasilip si Aling Rosita ay agad niya itong pinuntahan sa silid. Sa lakas ng binata ay wala nang nagawa pa si Aling Rosita.

Inundayan ng saks@k ni Garry ang tiyahin ng kasintahan hanggang sa nalagutan ito nang hininga. Agad siyang umalis ng bahay na iyon na tila walang nangyari. 

Kinabukasan ay natagpuan na lamang ni Richel ang kaniyang tiyahin sa silid nito na nakahandusay at wala nang buhay. Labis ang kaniyang pangamba sa nangyari. Tinawagan niya kaagad si Garry upang humingi ng tulong. 

“Wala na ang tiyahin ko, Garry. May pum@slang sa kaniya. Tulungan mo ako!” nangangatog at natatarantang sambit ng dalaga. 

“Ayaw mo ba niyan at wala nang hahadlang sa atin? Ako na ang gumawa ng paraan para maging malaya tayo,” pag-amin ng nobyo. 

Labis na nagimbal si Richel sa sinabing ito ni Garry. Hindi niya akalain na ang mismong kasintahan pala niya ang gumawa nito sa kaniyang tiyahin. 

Patuloy sa pag-iyak itong si Richel habang pinagmamasdan ang duguan at walang buhay na tiyahin.

Dito na natauhan si Richel. Napagtanto niyang walang mabuting tao ang kayang pum@slang lalo pa ng isang inosente at matandang dalagang tulad ni Aling Rosita. 

Advertisement

Patuloy man sa pag-iyak at labis man ang takot ay tinawagan ni Richel ang mga pulis upang isuplong ang kaniyang kasintahan. Tinawagan rin niya ang kaniyang mga magulang sa ibang bansa upang sabihin ang nangyari sa kaniyang Tiya Rosita.

Labis ang paghingi ng tawad ni Richel sa kaniyang Tiya Rosita. Kung sumunod lamang kasi siya sa mga sinasabi nito ay hindi sana aabot sa ganito ang mga pangyayari.

Buong buhay na dadalhin ng kaniyang konsensya ang pagkawala ng kaawa-awang tiyahin. Labis man ang pagsisisi ng dalaga ay hindi na nito muli pang maibabalik ang buhay ni Aling Rosita.