Inday TrendingInday Trending
Ang Babae Sa Jeepney

Ang Babae Sa Jeepney

Mga bandang alas-kuwatro na ng hapon, kagagaling lamang noon ni Cynthia sa mall. Day-off niya kasi noʼn sa trabaho, bukod pa sa suweldo niya kahapon. Sakay na siya ng jeep pauwi, nang may isang babaeng pumara at sumakay din, at dahil sa tabi na lang niya ang bakante ay doon ito umupo. Noong una, hindi iyon pinapansin ni Cynthia, hanggang sa mapasulyap siya rito.

Wala siyang tsinelas! nasambit niya sa kaniyang isip. Pulubi siguro ito na mamimigay ng sobre. Yuck! dagdag pa niya.

Marungis din kasi ang suot ng babae. Marami rin itong dumi sa kamay. Mabilis na isinara ni Cynthia ang bag at hinawakan iyon nang mahigpit. Mahirap na, baka manakaw pa! muling sigaw ng kaniyang isip. Napansin niyang hindi lang siya ang gumawa ng ganoon sa loob ng jeep. Karamihan din talaga sa kanila ay napahigpit ng kapit sa kanilang mga bag.

Nakita niya ang tila pag-iling ng babaeng nasa kaniyang tabi. Napataas tuloy ang kilay ni Cynthia. Mukhang diskumpiyado ito dahil wala itong mabibiktima ngayon!

Naiinip na sa kalagitnaan ng biyahe si Cynthia, ngunit ni hindi man lang siya makapaglabas ng cellphone dahil baka bigla iyong hablutin nitong katabi niya. Sa inis ay bumaling siya sa driver.

“Manong, dapat ho, hindi kayo nagpapasakay ng mga pulubi rito lalo naʼt marami kayong pasahero. Hindi naman ho sa pag-aano, pero nakakainis lang kasi!” hindi na nakapagpigil pang sabi niya.

Nakita niyang sumulyap lang si Manong Driver sa salamin ng jeepney pagkatapos ay umiling-iling.

“Bababa na lang ho ako,” maya-mayaʼy pagpiprisinta na ng babaeng tinawag niyang pulubi.

Ngunit sinagot ito ng driver ng jeep, “Hindi, anak. Kilala kita, maupo ka lang,” sabi nito.

Lalo namang nanggalaiti si Cynthia. Tapos, naipit pa sila sa traffic. Gusto niya sanang bumaba at lumipat ng sasakyan, kaya lang, sayang naman iyong ibinayad niya rito!

“Kuya, pʼwede ho ba akong makipagpalit sa inyo ng upuan? Diyan na lang ho ako sa tabi ni Manong,” pakiusap ng babae sa tabi niya sa lalaking nakaupo sa passengerʼs seat ng jeep. Sumang-ayon naman ang lalaking pinakiusapan nito.

“Isara nʼyo ʼyang kaha nʼyo, Manong. Wala iyang nabiktima rito kaya diyan gustong lumipat, kayo rin,” pasaring pa ni Cynthia, habang ang ibang pasahero naman ay tahimik lang.

Sa wakas ay nagawa na niyang maglabas ng cellphone. Dali-dali siyang nagbukas ng Facebook para sana mag-post ng status tungkol sa pulubi sa jeep. Kaya lang, sunud-sunod na notification ang dumating sa kaniya.

“Cy, hindi ba ikaw ʼto?” ang sabi sa caption ng isang video na naka-share sa timeline niya. Puro ganoon ang nakikita niyang lumalabas sa screen ng cellphone niya, hanggang sa naisipan niyang i-click ang naturang video.

Siya nga iyon! Kuha ang video na iyon habang inaalipusta niya ang babaeng tinawag niyang pulubi kanina.

“Laitera!”

“Wala kang pinag-aralan!”

“Akala mo, kagandahan, mukha namang ulupong!”

Ilan lang iyon sa comments na nakita niya sa naturang video patungkol sa kaniya. Biglang kinabahan si Cynthia. Tumingin siya sa paligid para tingnan kung sino ang kumuha ng video na iyon, pero agad siyang nadismaya nang makitang halos lahat sila ay nakalabas pala ang cellphone!

Natataranta na si Cynthia nang may biglang mag-pop na message sa kaniyang notification bar.

“Te, kilala mo ba kung sino ʼyong inalipusta mo? Paki-click nitong video para malaman mo. God bless,” anang nakasulat sa mensaheng natanggap niya mula sa isang dummy account.

Agad siyang nagpasiyang i-click muli ang panibagong video link…

“Oh, Gosh!” naitakip niya ang sariling kamay sa bibig.

Isa lang ang dahilan. Nalaman ni Cynthia na ang babaeng kani-kanila lang ay pinapasaringan niya ay ang sikat na sikat pala ngayong viral personality na kung tawagin ay si Uling girl. Isa itong artist na gumuguhit o nagpi-pinta gamit ang uling. Talagang napakagaganda ng mga gawa nito at kahanga-hanga ang taglay nitong talento! Ngunit hindi lang iyon. Mas nakilala pa ang dalaga dahil sa mabuti nitong gawain. Nagpapakain ito ng mga pulubi kapalit ng pagiging modelo ng mga ito sa kaniyang mga canvas!

Kanina lang ay may pinakain itong isang pamilya ng mga pulubing walang tirahan. Ang suot nitong sandalyas ay iniabot din nito sa ina ng mga batang pulubi kayaʼt wala itong sapin sa paa nang sumakay sa jeep. Ang dahilan kung bakit ito marungis ay ang pagpipinta nito gamit ang uling, pati na rin ang walang pakundangan nitong pagyapos at pagkarga sa mga batang pulubi na animo itoʼy mga anak niya.

Biglang nanliit si Cynthia sa sarili. Halos hindi niya maialis ang tingin sa screen ng kaniyang cellphone. Ngayon ay libu-libong tao na ang nanggagalaiti sa kaniya dahil sa kaniyang ginawa.

Advertisement