Ayaw Pumayag ng mga Batang Ibigay Sila ng Kanilang Ama sa Kanilang Ina; Ito Pala ang Dahilan Nila

Ayaw Pumayag ng mga Batang Ibigay Sila ng Kanilang Ama sa Kanilang Ina; Ito Pala ang Dahilan Nila

HeartbreakingInspiringStories

“‘Pa, ayaw po naming sumama kay mama,” nakikiusap na wika ni Anna, ang panganay na anak ni Nestor. “Bakit ba kailangan mo pa kaming ipamigay sa kaniya pa, ayaw mo na ba sa’min? Masyado na ba kaming nagiging pasaway?” tumatangis na dugtong nito.

Hindi na napigilan ni Nestor ang mapahagulgol ng iyak dahil sa sinabi ng kaniyang anak. Kung siya lang ang masusunod ay hindi niya ibibigay ang mga anak sa ina ng mga ito, ngunit kailangan niyang sundin ang sinasabi ng batas na mas may karapatan ang dati niyang asawa sa mga anak nila kaysa sa kaniya.

“A-anna, hayaan mo na. Sumama na lang muna kayo kay mama niyo, bibisita naman ako e. Pangako, dadalaw ako araw-araw,” umiiyak niyang kausap sa tatlong anak.

Umiling-iling ang mga ito at mas lalong humigpit ang pagkakahawak sa pantalon niya. Ayaw nitong pumayag sa sinabi niya. Umiiyak ang mga ito at panay ang pakiusap na huwag silang ibigay. Ngunit wala siyang lakas upang sundin ang pakiusap ng mga anak niya, kaya wala siyang ibang ginawa kung ‘di ang pabayaan ang inang hilain palayo sa kaniya ang mga anak.

“Ayaw namin sa’yo!” umiiyak na sigaw ng mga bata sa ina nila. “Gusto namin kay papa!”

Inis na tinignan siya ng dating asawa saka nagpatuloy sa paghila sa mga anak nila.

“Tingnan mo, Nestor, tuluyan mo na talagang nalason ang isipan ng mga anak mo. Anong masasamanng salita ang itinanim mo sa mga utak nila kaya ayaw na nilang sumama sa’kin?! Ako ang ina nila kaya dapat lang na nasa akin sila, tapos ayaw nilang sumama dahil nalason mo na ang pag-iisip nila!” inis na baleng sa kaniya ni Yna, ang dati niyang asawa.

Gustong sumagot ni Nestor, ngunit dahil sa labis na pag-iyak ay hindi niya kayang ibuka ang bibig upang sagutin ang paratang nito. Kaya mas pinili na lamang niyang itikom ang bibig at patuloy na hayaan ang sariling umiyak nang umiyak.

Alam ng Diyos na wala siyang masamang tinapay na ipinakain sa mga anak. Wala siyang sinabing masama tungkol sa dati niyang asawa, at kailan man ay hindi niya siniraan ang babae sa mga anak nila. Wala siyang ibang ginawa at ipinapaalala sa mga ito kung ‘di ang salitang mahal na mahal nito ang mga anak nila. Iyon ang mga salitang itinanim niya sa isipan ng tatlong anak, at hindi iyong panlalason tungkol rito.

“Walang sinabi si papa na masama tungkol sa’yo,” ani Anna ang panganay nilang anak. “Hindi ka siniraan ni papa sa’min at hindi iyon ang dahilan kaya ayaw naming sumama sa inyo,” dugtong pa nito.

Siyam na taong gulang na si Anna, at may kakayahan na itong pumili kung kanino nito nais na sumama, ang kaso’y hindi naman niya kayang isipin na magkakahiwalay ang tatlo niyang mga anak, kaya sinabi niya na kung kukunin ang dalawa sa kaniya’y isama na ang isa upang hindi magkahiwa-hiwalay ang magkakapatid.

“Kami mismo ang may ayaw sa’yo dahil mas inuna mong isipin ang sarili mo kaysa sa’min na mga anak mo. Kami ang may ayaw na sumama sa’yo kasi hindi mo naman kami talaga minahal, matapos mo kaming iwan noong maliliit pa kami kay papa, ngayong malaki na kami at kaya nang utusan ay saka mo naisip na kunin kami,” ani Anna.

“Anak, hindi totoo iyan,” umiiyak na wika ni Yna.

“Iyon ang totoo, mama,” sagot ni Anna. “Kitang-kita ko sa social media mo kung ilan na ang naging nobyo mo, paiba-ibang lalaki ang nagiging boyfriend mo, at ang saya-saya mo palagi, samantalang kami nahihirapan kami dahil wala kaming ina na nag-aalaga sa’min. Si papa, nagtatrabaho sa umaga, inaalagaan kami sa gabi, pero ikaw – para kang walang anak,” sumbat ni Anna sa ina. “Tapos ngayon lalapit ka sa mga pulis para kunin kami, bakit? Wala kang katulong sa bahay niyo?”

Halata sa boses ni Anna ang galit at hinagpis para sa ina. Hindi alam ni Nestor kung saan nanggagaling ang sinasabi ng anak niya. Wala siyang social media dahil mas nag-pokus siya sa paghahanapbuhay upang mapakain at mapag-aral ang mga anak.

“Ang landi-landi mo, kaya ayaw namin sa’yo,” ani Anna saka muling kumapit sa paa ng ama.

“Anak, mahal na mahal ko kayo kaya ko kayo kinukuha. Sorry kung iyon ang nakikita mo sa mga post ko, pero wala naman iyon, anak. Gusto ko kayong makasama kaya ko kayo kinukuha,” tumatangis na pakiusap ni Yna.

“Pwede mo naman kaming makasama kung talagang gusto niyo. Hindi niyo naman kami kailangan puwersahing ilayo kay papa,” ani Anna saka tumingala sa ama. “Paano na si papa kung wala na kami? Mag-isa na lang siya at wala siyang makakasama. Kung papipiliin niyo kami, mas gusto namin siyang makasama kaysa sa’yo,” desididong sambit ni Anna.

Hindi napigilan ni Yna na humagulgol ng iyak dahil sa sinabi ng panganay na anak. Ayaw sumama ng kaniyang mga anak sa kaniya. Kahit na kinampihan na siya ng batas ay nagkaroon naman siya ng aberya sa mismong mga anak niya. Kahit kaladkarin niya ang mga ito’y sigurado siyang hindi nito gustong sumama sa kaniya.

Kaya wala siyang nagawa kung ‘di hayaan na lamang ang mga ito sa poder ng dating asawa. Basta isa lamang ang kaniyang pakiusap, hayaan siyang makasama at bisitahin ang mga anak niya, na agad namang pinayagan ni Nestor, na una pa lang ay hindi naman niya ipinagbawal. Sadyang wala nga lang talaga sa isip noon ni Yna na bisitahin ang mga anak.

Dahan-dahan ay naging maayos ang relasyon nina Yna at ng tatlo niyang mga anak, ngunit ayaw talaga ng mga ito na iwanan ang papa nilang siyang nagpalaki at nagsakripisyo sa kanila simula noong iniwan sila ng kanilang ina.

More Stories